Konserbatismo at Patriyotismo sa 2010 Talaang Ginto

(Ang sumusunod ay kritika ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario sa nakaraang timpalak pampanitikan ng Talaang Ginto, at maaaring makatulong sa mga guro at estudyante na pawang nag-aaral ng tugma at sukat sa katutubong tula, bukod sa pagbubuo ng balangkas at talinghaga. )

KONSERBATISMO AT PATRIYOTISMO SA 2010 TALAANG  GINTO

ni Virgilio S. Almario

MAY DALAWANG TAHAS NA konserbatibo sa magkaugnay na pinalaganap na mga  tuntunin para sa “Talaang Ginto: Gawad Surian sa Tula-Gantimpalang Antonio Laperal Tamayo 2010” at mga memorandum pangkagawaran para sa 2010 Pagdiriwang sa Araw ni Balagtas. Una, ang atas sa tuntunin blg. 3 (na nakalimbag pa nang bold) na “Tanging ang mga tulang may súkat at tugma lámang ang maaaring ilahok.” Ikalawa, ang paksa ng pagdiriwang sa nagkakaisang memorandum ng DepEd, CHED, at CSC na “Diwa ni Balagtas: Karunungan at Katarungan sa Matatag na Republika.”

Sa buong kasaysayan ng Talaang Ginto, ngayon lámang iniatas na kailangang may tugma’t súkat ang mga lahok na tula. Na kung tutuusin ay isang paghihigpit laban sa mga makatang higit na mahilig tumula sa malayang taludturan. Gayunman, layunin ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang tagapangasiwa ng timpalak at pagdiriwang, na ipagunita ang ating tradisyonal na pagtula, na palagay ko’y isang magandang adhikang konserbatibo sa panahon ngayong marami sa mga makata ang ni hindi marunong gumamit ng wastong tugma’t súkat at nakahahambal ang mga kamaliang ikinakalat sa pagtuturo ng tugma’t súkat sa mga teksbuk

Sa kabilâng dako, ang paksa ng pagdiriwang ay lagi nang konserbatibo dahil may adhikang iugnay sa diwa ni Balagtas. Maganda ang diin ngayon sa karunungan at katarungang madudukal sa pagtula ng Sisne ng Panginay. Gayunman, lumagpas ito ngayon sa taunang layuning konserbatibo dahil sa tahasang pagpupugay sa “Matatag na Republika”—isang gawaing reaksiyonaryo at higit na nagsisiwalat sa mentalidad sipsip ng tagapangasiwang ahensiya o ng kasalukuyang pamunuan nitó. Nakatakda itong mabigo sa ipinahayag na patriyotismo ng mga nagwaging tula na pawang nagsasakdal sa malubhang korupsiyon at kawalan ng katarungan sa rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo.

Magandang pagkakataon ang pagsuri sa mga nagwagi sa 2010 Talaang Ginto upang tukuyin ang estado ng paggamit sa tugma’t súkat sa kasalukuyang pagtula. May inihahandog ding pagkakataon ang paksa ng pagdiriwang upang siyasatin ang antas at paraan ng pagpapahayag ng damdaming makabayan ng ating mga makata.

Kodigo ng Tradisyonal na Anyo

Tungkol sa tugma’t súkat, dapat linawin na isa itong napakahalagang sangkap ng katutubong poetika sa Filipinas. May tugma’t sukat ang karamihan sa mga sinaunang tula/awit sa iba’t ibang wika ng kapuluan at may nagkakatulad na pangkalahatang batas na sinusunod mulang hilaga ng Luzon hanggang katimugan ng Mindanao. Sa Tagalog, isinagawa ang kodipikasyon ng mga batas sa tugma’t súkat sa panahon ng kolonyalismong Espanyol at ipinagpatuloy sa panahon ng Amerikano. Pangunahing pag-aaral sa bagay na ito ang Compendio de la lengua tagala (1703) ni Fray Gaspar de San Agustin, Arte poetico tagalo (sirka 1778) ni Fray Francisco Bencuchillo, Arte metrica del tagalog (1887) ni Jose Rizal, at Peculiaridades de la poesia tagala (1929) ni Lope K. Santos. Noong 1991, kinatas ko mula sa mga dakila bagaman panimulang pagsisiyasat na ito ang aking Taludtod at Talinghaga bukod sa ipinasalin ko ang mga ito para sa koleksiyong Poetikang Tagalog (UP Sentro ng Wikang Filipino, 1996).

(Kailangan kong idulot ang naturang impormasyon upang ihimaton sa mga nais bumalik sa tradisyon ng tugma’t súkat ang mga pangunahin at orihinal na sanggunian sa bagay na ito. Isang paraan din ito ng pagsawata sa mapagpalalo at hunghang na upasala ng mga naggagalíng-galíngang makata, kritiko, at guro na “inimbento” ko lámang diumano ang mga tuntuning isinasaloob ng mga makatang nagdaraan sa workshop ng LIRA. Maraming lisya sa mga haka ngayong pinalalaganap ng mga teksbuk dahil hindi nakabatay sa saliksik bukod sa hindi binabásang mabuti ang mga dakilang tulang may tugma’t súkat mula kay Balagtas hanggang kina Jose Corazon de Jesus, Benigno Ramos, at napakarami pa.)

Matagumpay na naisakodigo nina San Agustin, Bencuchillo, at Rizal ang mga batayan at katutubong tuntunin sa tugma’t súkat. Ito ang maituturing na kodigo ng katutubong tradisyon at naglalatag ng mga kumbensiyong sinusunod hanggang ngayon. Gayunman, sa pagitan nina San Agustin at Rizal ay may naganap nang pagbabago sa katutubo. Ayon kay San Agustin, pipituhin at wawaluhin ang karaniwang súkat ng katutubong taludtod. Ngunit sa ika-19 na siglo ay naging popular ang lalabindalawahin, lalo na nang gamitin ni Balagtas sa kaniyang awit. Isang hiram at naturalisadong súkat mulang Europa ang lalabindalawahin ngunit bahagi na ito ngayon ng tradisyon. Sa panahon ng Amerikano at dahil sa repormasyong isinagawa ng mga makatang Balagtasista ay higit na sumalimuot ang tradisyon. Mararamdaman ito sa mga dagdag na tuntuning ipinasok ni Lope K. Santos noong 1929 at sa mga halimbawa ng reporma sa tugma’t súkat ng mga kapanahong makata. Hanggang ngayon, napapasukan ng pagbabago ang tradisyon ng tugma’t súkat, gaya halimbawa ng tugmang pantigan, at bahagi lámang ito ng pangyayaring aktibo at dumadaloy ang tradisyonal na batis nitó.

Kung ang tuntunin blg 3 ang bibigyang-diin, nakalulungkot ang anyo ng mga nagwaging tula sa 2010 Talaang Ginto. Ang unang gantimpala, ang “Ang Tutulain Kong Harana: Sanlibo’t Isang Pahina ng Istorya’t Historya ng Sintang Bayan Kong Luzviminda” ni David Michael M. San Juan ay isang napakahabàng halimbawa ng pagsuway sa kodigo ng tugma’t súkat. Mahahalatang may natural siyang wido sa paglikha ng ritmang pantaludturan, ngunit nakahihinayang ang gamit niya ng naturang wido sa ala-berdeng pagtutugma at pinagtalì-talìng mga pariralang oksimoroniko.

Isang malaking problema ng mga nagwaging makata ang pagdevelop ng tinatawag na padron ng tugma’t súkat sa kanilang mga saknong. Problema ito ni San Juan at maging ng pangatlong gantimpalang “Pintado: Inuukit sa Kulay ang Hibla ng Hininga” ni Leodivico C. Lacsamana at pangatlong karangalang-banggit na “Panawagan sa mga Bayani ng Panitikang Pilipino” ni Joel C. Malabanan. Malaking problema naman ng unang karangalang-banggit na “Kimay” ni Reynaldo A. Duque ang waring kawalan niya ng tainga sa pagkakaiba ng salitâng nagtatapos sa patinig na  walang impit (malumay at mabilis) at ng salitâng nagtatapos sa patinig na may impit (malumi at maragsa). Kahit ang inaasahan kong higit na bihasang manunugma, si J.C. Malabanan, ay nasisilat sa pagtutugma ng “gintô” sa “gobyérno” at “demónyo” at ng “paglayà” sa “pakikibáka” at “pag-ása.” Malaking kasalanan ang mga ito sa kodigo ng tugma, at higit kong pinapansin sapagkat nangangailangan ng malaking rebisyon kapag iwinasto kompara sa problema sa súkat na madalîng nareretoke sa pamamagitan ng dagdag o bawas na pantig lámang.

Sa ganitong paraan maituturing na higit na maingat at makinis ang paggamit ng tugma’t súkat sa pangalawang gantimpalang “Mga Elemental na Pag-ibig” ni Enrico C. Torralba at sa pangalawang karangalang-banggit na “Kung Kailan Kailangan” ni Joselito D. delos Reyes. Sa mabilisang pagbása ay kapansin-pansin lámang ang kumabyos na lalabing-apatin ng isang linya (“takot na reberendong nagkukubli sa dilim”) sa saknungang lalabing-animin ni J.D. delos Reyes at sumablay na sesura ng lalabindalawahin ng isang taludtod (“naisip niyang ginawan s’ya ng tula”) at pilít na pagtitipil sa pangalawa bago ang hulíng taludtod ni E.C. Torralba.

Katangi-tangi din sa lahat ang matalino’t eksperimental na asamblea ng tugma’t súkat ni E.C. Torralba. Binubuo ng pitong yugto, iniwasan niya ang hulmahang awit ni Balagtas. Sa halip, lumikha siya ng mga padron ng taludturan na kumakasangkapan sa katutubo’t banyaga o Asyano’t Europeo. Nagsimula siya sa padrong may dalawang taludtod, tugmang isahan, at súkat na isahan sa lalabing-animin. Sinundan ito ng padrong may apat na taludtod at súkat na lalabindalawahin, na halos may anino ng taludturan sa Florante at Laura kung hindi pinasukan ni E.C. Torralba ng tugmang dalawahan sa sunuran (aabb). Ang ikatlong bahagi ay binubuo ng tatlong tanaga ngunit modernisado sa paggamit ng tugmang salitan (abab) at dahil sa dagdag na kopla ay naghunos sa isang sonetong Ingles. Ang ikaapat ay dalawang haiku at katangi-tangi ang pagsisikap na lumikha ng tugmang isahan sa loob ng napakakipot na anyong Japanese. Sinusugan pa niya ang paglalaro sa anyong Japanese sa pamamagitan ng limang tanka sa ikalimang yugto na may tugmang sunuran (axabb). Pansinin ang pagbibiro sa lima—may limang taludtod ang tanka at lima ang hinubog ni E.C. Torralba sa ikalimang yugto. Ang ikaanim na bahagi’y isang villanelle. Sa ikapitong bahagi ay bumalik sa mahabàng súkat si E.C. Torralba—ang lalabing-apatin na nilagyan pa niya ng sesurang 7/7—sa loob ng kuwarteto na may tugmang sunuran (aabb). Sa ganitong paraan nagsisilbing parentesis ang anyo ng una’t ikapitong bahagi sa mahabàng tula. Bílang pangwakas na sagisag ng tugma’t súkat, tinapos niya sa isang kodang dalawang taludtod ang limang taludtod ng ikapitong bahagi at ang buong tula.

May pangahas ding eksperimento ang súkat ni L.C. Lacsamana. Sinikap niyang itaguyod ang sukat na dadalawampu’t apatin sa loob ng 20 kuwarteto at isang kopla, isang gawaing sinimulan na noon nina Pedro Gatmaitan at Benigno Ramos ngunit inihinto dahil lubhang mahabà para sa limbagang pahina ng libro. Dahil sa habà, malimit na lumabis sa takdang espasyo ang ganitong linya kayâ’t pinuputol, na hindi naman magandang tingnan. Sinikap din ng mga Balagtasista na lagyan ng sesura ang ganito kahabàng taludtod, halimbawa’y 12/12, o 6/6/6/6 upang mapasikdo ang isang ritmo at maiwasang maging kabagot-bagot ang kanilang tula. Sa kasamaang-palad, hindi naisaalang-alang ni L.C. Lacsamana ang pagdudulot ng ritmo kayâ mistulang monotonong mga taludtod ang kaniyang dadalawampu’t apatin at mapaghihinalaang humabà dahil hindi inedit ang hindi kailangang mga salita.

Sa kabilâng dako, nais kong idagdag na ang disiplina sa tugma’t súkat ay dapat tumbasan ng dobleng ingat sa panig ng tagapaglathala. Kapansin-pansin ang mga malîng ispeling at nagkakadikit o nagkakahiwalay na mga taludtod at saknong sa limbag na programa sa pagdiriwang ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ipinalalagay kong bunga ng ganitong kaburaraan ng proofreading kahit ang sobrang “ang” sa villanelle ni E.C. Torralba at ang nawawalang kudlit (‘) sa “(i)ginupo” ni D.M.M. San Juan.

Bagong Nasyonalismo

Samantala, nais ko ring pag-ukulan ng puna ang talakay sa paksa ng mga nagwaging makata. Sa isang bandá, kapuri-puri ang nagkakaisa niláng hagkis laban sa (nais sanang ipagmalaki ng KWF na tagumpay ng) Matatag na Republika. Tahasang isinawalat ng mga nagwaging tula ang kawalan ng katarungan at maruming pamamahala sa kasalukuyan at pawang nangangarap ng pagbabago para sa bansa. Pinatotohanan ng mga tula ang diwang patriyotiko mula kina Jose Corazon de Jesus, Lope K. Santos, Benigno Ramos, Teo S. Baylen, at Amado V. Hernandez, at hanggang kina Rogelio G. Mangahas, Lamberto E. Antonio, Teo T. Antonio, Elynia Ruth Mabanglo, Michael Bigornia, Fidel Rillo, at Jesus Manuel Santiago.

Subalit nása nabanggit kong hulíng pangyayari ang problema at hamon sa pagpapahayag ng damdaming makabayan ngayon. Unang-una, hindi kayâ inuulit lámang ng mga nagwaging makata ang sinabi na noon ng mga binanggit kong makata ng ika-20 siglo? May bago ba sa itinanghal na kabalighuang panlipunan at pampolitika ni D.M.M. San Juan sa hibik noon ni Florante sa gubat ng Albanya? Ang tagulaylay ba ni R.A. Duque para kay Kemberly Jul Luna ay naiiba sa balangkas ng himutok sa mga biktima ng karahasan noong Martial Law nina T.T. Antonio, F. Rillo, at J.M. Santiago?

Ang unang ibig kong sabihin, hindi masamâ ang mag-ulit (lalo’t importanteng ulit-ulitin). Ngunit kailangan ang bagong treatment sa inuulit, ang bagong pasok sa paksa, ang kahit dagdag lámang na detalye, o kahit bagong himig. Kapuwa halimbawa nagmula sa Fili sina D.M.M. San Juan at J.D. delos Reyes, ngunit naiiba ang epekto ng siste ni J.D. delos Reyes kaysa litanya ng gasgas na mga balintuna ni D.M.M. San Juan. May magandang panukala ang paghalungkat ni J.C. Malabanan sa mga bayani ng epikong-bayan. Ngunit bukod sa nabanggit na silbi nitóng pampaaralan, hindi ba’t iniaatas lámang din ng panawagan niya ang panawagan noon kina Rizal at Bonifacio nina Cecilio Apostol at Iñigo Ed. Regalado? Humabà rin ang panawagan ni J.C. Malabanan dahil sa listahan ng mga bayani sa epikong-bayan, na kung tutuusin ay naipahayag na ang diwa sa unang saknong kay Lam-ang. Higit din sanang naging makabuluhan ang paglilista kung sadyang itinapat sa katangian ng bawat bayani ang nilulunggating bago’t tanging tungkulin nitó sa kasalukuyan.

Ikalawang ibig kong sabihin, nangangailangan ng bagong pagsisiyasat ang pag-ibig sa bayan. Nása isip ko ang malikhaing pagsasaloob nina Rizal at Bonifacio sa diwa ng nasyonalismo noon mula sa Europa na nagpasiklab sa isang pambansang rebolusyon laban sa kolonyalismong Europeo. Nása isip ko rin ang mataimtim na paggamit ni Recto sa nasyonalismo upang ilantad ang balakyot na hangarin at makinasyon ng imperyalismong Amerikano, gayundin ang nasyonalismong ipinambigkis sa EDSA People Power upang ibagsak ang diktadurang Marcos. Itinatanghal sa atin ng kasaysayan ang naging awtentikong diwa para sa atin ng nasyonalismo upang isagot sa nagbabagong kondisyon at pangangailangan ng sambayanan. Nakatanghal din ang sumusulong at malikhaing espiritu ng nasyonalismo sa mga tulang kinakatawan nina Rizal, Bonifacio, Benigno Ramos, Amado V. Hernandez, at Teo T. Antonio.

Ngayon, nagkaroon na ng bagong salimuot ang nasyonalismo alinsunod sa nagbagong mga isyu’t usapin sa Filipinas nitóng nakaraang dalawampung taon. Ano ba talaga ang papel ng nasyonalismo laban sa globalisasyon? Laban sa droga at sobrang paglobo ng populasyon? Laban sa kultura ng korupsiyon? Kailangan samakatwid ang masusing paggagap sa problema ng ating panahon at malikhaing pagsasatula ng ating patriyotismo upang higit na mabisàng magampanan ng makata ang adhika niyang tungkuling politikal. Hindi na niya maisasagot sa problema ngayon ang tinatawag na nasyonalismong barong tagalog. Kailangang maingat siya sa pagsipi ng “malansang isda.” Sino pa ba ang maniniwala sa kaniya na “perlas ng silangan” ang Filipinas na kalbo ang mga bundok at nagpuputik ang tubigan? Kailangan niyang humúli ng bagong talinghaga. Kailangan niyang maghandog ng bagong balintuna’t parikala, ng bagong kislap-diwa o insight, upang makatulong sa paglilinaw ng kasalukuyang krisis pantao’t panlipunan. At isang higit na malaking trabaho ito ng makata. Higit na makabuluhan kaysa pagbuo ng napakahahabàng tula at taludtod. Higit ding nangangahulugan ito ng paggamit ng tradisyonal na anyo at payak na wika upang mabilis na tumimo sa puso ng madla. Sa gayon, iminumungkahi rin ng ganitong mithiin ang pag-iwas sa nakapanggigilalas na salita’t parirala na gaya ng “hegemonya”—na maaaring madalîng makaduling sa antikwadong hurado ngunit (tila siyokoy pa yata?) isang malaking palaisipan sa bayan kung hindi lalakipan ng kongkretong karanasang pambansa—at mahiwagang paglalaro sa tradisyonal na tugma’t súkat.

Bago ang pagtula, nagsisimula ang trabaho ng makata sa taimtim na pag-aaral at saliksik—pag-aaral ng wika’t tradisyon, saliksik sa puso’t bituka ng tao. Sa ganito higit na nagkakaroon ng kabuluhan kahit ang timpalak na konserbatibo at mapangaraping taludturang patriyotiko.

Ferndale Homes

16 Hunyo 2010