Mga tula ni Dimitar Lengechev mula sa wikang Bulgarian
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Khristo Poshtakov.
APOKRIPA PARA KAY HUDAS
Naririto ang aking mga alagad,
ngunit lingid sa akin kung sino si Hudas.
Naririto ang aking mga alagad,
ngunit may isang nagtaksil sa akin.
Wala ni isang nagbigti.
Kaya hindi ko mababatid kung sino
ang naghudas sa aking piling.
SA PILING NI OMAR KHAYYAM
Pitong
gabing
nakipag-inuman ako kay Omar Khayyám:
Mahika.
Mga Salita.
Mga luad.
Mga tapayan.
At napakaraming alak.
At tinungga ko
ang kaniyang mga tula.
OEDIPUS
Tinaga ng kidlat ang karimlan—
tumakbong hubad sa gabi ang ina ko.
Ang kapatid kong si Lazar
na may tsupon sa bibig
ay muslak na napangiti.
Tinaga ng kidlat ang karimlan.
Kinikilig si Oedipus na tangan
ang baso ng alak.
ISANG BASO NG KALAYAAN
Kung itatanong sa akin ng Kamatayan:
“Anong uri ng baso ang pipiliin mo?
Isang milenyo ng kaalipnan
o kisapmatang kalayaan?”
At ako’y tumugon:
“Lasenggo ako, o mahal na Kamatayan!
Tagayan ako ng isang baso ng kalayaan!”