Taglamig, ni Miroslav Válek

Salin ng tulang “Zima” ni Miroslav Válek mula sa wikang Slovak.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TAGLAMIG

Lahat ay malinis at maputi kapag taglamig. May niyebe
at kaputian sa paligid, hanggang ito’y magpakirot.
Sinusuyod ng taglamig ang saluysoy ng tinig nito.
Hinahagupit nang matalas ng bagyo ang mga punò,
at sa kalooban ko’y umaatungal ang ilahas na halimaw.
At darating ang takipsilim,
paiikutin at pakikintabin ang lente ng buwan,
at pagsapit ng umaga’y tatalian sa bawat panig.
Ngunit ito ngayon ang pinakabughaw na taglamig.

Puti ang aking taglamig. Halos hindi humahalihaw
ang pabugso-bugsong hangin sa ilalim ng mga pintuan.
Kay-inam ng aking taglamig.
Iwaksi natin
ang lumang suot na pamimighati,
at tumakbong walang sombrero sa matarik na pasigan.
Banayad ang aking taglamig,
kumikindat ang mga bituin
at kumikislap ang buong latag ng niyebe.

May iba pang taglamig, at isa ang aking natatandaan:
ang mala-rosas na taglamig ng iyong katawan.
Habang sinasamyo ang mala-rosas mong taglamig,
ang lumang puting taglamig ay kinabatuhan ko.
Submarino akong naglakbay sa mga imbiyerno.

Humihiwa sa aking baga ang pagsinghot ng hangin!
Ibig kong marinig ang langutngot ng hugpungan
ng mga kinyáng, at pumulupot ang magagaspang
na hibla ng maitim na taglamig sa aking daliri.
Hayaang tumulo nang tumulo
ang mapupulang dugo ng karaniwang tao
sa niyebe.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.