Salin ng “Izinkondlo Zemililo” [Mga Tulang Sinilaban] at “Imbono Yasekudingisweni” [Pagbabalik ng Ibong Pinalayas] ni Mazisi Kunene, batay sa bersiyong Ingles ni Vusi Mchunu.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
MGA TULANG SINILABAN
Susundan kita nang hindi mo nakikita papaloob
Sa mga sagradong malig pababa sa bituka
Ng lupang naglilihim ng lumiliyab mong mga tula
Tatanawin ko sa malayo ang mga salitang tumatanglaw
Na parang bulalakaw sa kailaliman ng mga takipsilim
PAGBABALIK NG IBONG PINALAYAS
Napalungayngay ang ating sampanaw sa buhanginan ng dagat
Tahimik na tinanaw ang hampas at ampiyas ng alon sa baybay
Walang tinag na parang mga albatros na nagtinikling sa bahura
Nagkakaisa ang diwa, at balisang sumugod para sa kalayaan
Tiniktikan ng ating paninging dapithapon ang higanteng pipit
Na bumabalangkas ng landas na pasikot-sikot
Sa pinilakang linya ng mga nagbababalâng ulap
Isang malinaw na hudyat na ituloy ang panggabing martsa
Bawat tao’y umaasam ng mainit na dapugan sa loob ng bahay
Ang anino ng ibon ng kalayaan ay hinahatak tayo pa-Hilaga