salin ng tulang “Labor and Capital” ng makatang lawreado Charles Simic.
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
PAGGAWA AT PUHUNAN
Ang kalambutan ng kama ng motel
Na ating pinagtatalikan ay nagpapamalas
Sa akin sa pambihirang pamamaraan
Ng superyoridad ng kapitalismo.
Doon sa pabrika ng kutson, nawari ko,
Ay masaya ang mga empleado ngayon.
Linggo na at kumakayod sila nang libre,
Gaya natin, nang labis-labis sa oras.
Gayunman, kung paano mo ibinubuka
Ang mga hita’t iniaabot sa akin ang kamay
Ay nagpapagunita sa akin ng Rebolusyon,
Mapupulang watawat, sumasalakay na madla.
May isang aakyat sa isang kahon ng sabon
Habang nilalamon ng apoy ang palasyo,
At ang kitang-kitang matandang prinsipe
Ay hahakbang pa-hukay mula sa balkonahe.