Sawikaan 2010: Kumperensiya sa Salita ng Taon sa UP Diliman sa Hulyo 29-30, 2010
Itatanghal ng Filipinas Institute of Translation Inc. (FIT) sa tulong ng Blas Ople Foundation, Anvil Publishing, Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Komisyon sa Wikang Filipino, U.P. Sentro ng Wikang Filipino, at ng U.P. Kolehiyo ng Arte at Literatura ang Sawikaan 2010: Pambansang Kumperensiya sa Salita ng Taon sa Hulyo 29-30, 8:00n.u. -5:00n.h. sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal, Diliman, Lungsod Quezon.
Noong 2007, “miskol” ang naideklarang salita ng taon dahil sa angkop na paglalarawan sa pag-angkin ng Filipino sa hiram na konsepto ng komunikasyon. Hindi lamang ito di-nasagot na tawag kundi isang paraan ng paramdam, pagyayabang, at iba pang ugaling Filipino.
Hindi isinagawa ang kumperensiya noong 2008 at 2009 dahil naniniwala ang Sawikaan na walang karapat-dapat na salitang lumaganap ng panahong ang maitatanghal na salita ng taon. Sa ngayon, nagkaroon na ng sapat na dami ng mga salita para mapagpilian at maipagpatuloy ang Sawikaan.
Tinanggap ng Sawikaan ang mga mungkahing salita na nagkaroon ng malakas na impluwensiya sa larangan sosyokultura, politika, ekonomiya at iba pang aspekto ng buhay-Filipino sa nakaraang dalawang taon. Hiniram ito sa dayuhan o lokal na wika, o lumang salita na may bagong kahulugan. Mahalagang karagdagan sa diksiyonaryong Filipino ang salita ng taon.
Tulad sa nakaraang kumperensiya, nag-imbita ang Sawikaan ng mga eksperto sa wika para talakayin ang paraan ng pagpapaunlad sa wikang pambansa. Kabilang sa mga tagapagsalita sa mga sesyon ng Hulyo 29 sina Dr. Mario I. Miclat, dekano ng U.P. Asian Center; Dr. Jaime Caro, siyentista sa agham-computer; at Dr. Jesus Federico Hernandez, Tagapangulo ng U.P. Departmento ng Lingguwistika; at higit sa lahat, Dekano Dr. Zeus Salazar na pangunahing teoriko at istoryador ng Filipinas. Pangunahing paksang tatalakayin ang neolohismo (pagbuo ng bagong salita), paghiram mula sa mga wikang di-Ingles, wika at kompiyuter, at kalikasan ng wika ng mga bakla.
Pagkaraan ng mga diskusyon, ilulunsad ang bagong edisyon UP Diksiyonaryong Filipino (Anvil Publishing) na pinamatnugutan ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Si Dr. Isagani Cruz ang magbibigay ng kritika sa naturang diksiyonaryo para makatulong sa mga guro at estudyante sa pag-unawa sa naturang aklat.
Sa Hulyo 30, sampu hanggang labindalawang tagapagsalita ang magtatanghal ng kani-kanilang papel. Kabilang sa mga lahok para sa salita ng taon ang “jejemon, “unli,” “load,” “tarpo,” “spam,” “solb,” “emo,” “load,” “korkor,” “namumutbol,” “Ondoy,” at “Ampatuan.” Hahatulan ang mga presentasyon sang-ayon sa mahusay na saliksik, husay ng ebidensiya at argumento, at ganda ng pagkakasulat. Igagawad ng Blas Ople Foundation ang premyong salapi sa una, pangalawa, at pangatlong gantimpala para sa salita ng taon. Ilalathalang libro ang lahat ng papel na binasa sa Sawikaan.
Sa katanungan at impormasyon, mag-email kay Bb. Eilene Narvaez sa filipinas.translation@gmail.com. O bumisita sa opisyal na website sawikaan.net.