salin ng tulang tuluyang “Hysteria” ni T.S. Eliot.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
ISTERYA
Habang tumatawa siya, namamalayan kong nahahawa ako sa kaniyang halakhak at sumasanib doon, hanggang ang mga ngipin niya ang maging tanging di-sinasadyang mga bituing may talento para sa pagsasanay-tilap. Nahatak ako ng maiikling paghinga, sumamyo sa bawat pansamantalang pagbawi, ganap na naglaho sa madilim na yungib ng kaniyang lalamunan, at nagalusan sa kilapsaw ng di-nakikitang kalamnan. May isang nakatatandang serbidor, na may nanginginig na mga kamay ang mabilis na naglatag ng pink at puting telang guhitan sa lungting mesang kalawangin, ang nagsabing: “Baka gustong dalhin, baka gustong dalhin ng binibini at ginoo ang kanilang mga tsaa sa hardin . . .” Nagpasiya ako na upang maihinto ang pag-alog ng kaniyang mga suso, kailangang tipunin ang ilang piraso ng hápon, at ibinuhos ko ang tuon nang may maingat na pagdulog sa mithing ito.