salin ng “Une Saison en Enfer” ni Arthur Rimbaud mula sa Pranses.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
ISANG PANAHON SA IMPIYERNO
Kangina lamang, kung tama ang pagkakatanda ko, ang buhay ko’y mahabang pagsasaya na bukás ang lahat ng puso at umaagos ang lahat ng alak.
Isang gabi, ikinandong ko ang Kagandahan.—At natuklasan ko siyang nakaiinis.—At dinahas ko siya.
Pinatatag ko ang sarili laban sa katarungan.
Tumakbo ako. O mga mangkukulam, O kalungkutan, O hinanakit, lahat ng aking yaman ay naisalin sa inyo!
Sinikap kong pawiin ang bawat bakás ng makataong pag-asa mula sa aking isip. Sinaklaw ko ang bawat kasiyahan gaya ng mabangis na hayop na sabik yaong saklutin.
Tinawag ko ang mga berdugo, upang habang naghihingalo, ay malasap ko ang dulong tatangnan ng kanilang mga riple. Tinawag ko ang mga salot upang supalpalin ako ng buhangin, ng dugo. Diyos ko ang kamalasan. Naglunoy ako sa putikan. Nagbilad ako sa simoy ng krimen. At pabirong nanlinlang ng kabaliwan.
At ang Tagsibol ay humalakhak nang nakasisindak na parang hangal.
Kamakailan, nang matanto kong nasa bingit ako ng pangwakas na palahaw, naisip kong hanapin muli ang susi sa sinaunang kasiyahang katatagpuan ng gana.
Susi ang kawanggawa.—At patunay ang inspirasyong ito na nangangarap lamang ako.
“Mananatili kang yena, at iba pa. . . ” singhal ng demonyo na pinutungan ako ng marikit na korona ng amapola. “Tamuhin ang kamatayan nang sukdulan ang gana, ang kasakiman, ang lahat ng kasalanang mortal!”
Ay! dinanas ko na ang lahat ng iyan:— Ngunit mahal na Satanas, nagsusumamo ako na pabawahin ang nanlilisik na paningin! At habang hinihintay ang pagsapit ng bagong munting dungông kilos, yamang hangad mo ang kawalan ng masinop na paglalarawan o ang gasgas na pagtuturo ng manunulat, hayaan mong punitin ko ang ilang nakahihindik na pahina mula sa aking kuwaderno ng kaluluwang isinumpa.