Mainit na tinangkilik ng mga akademiko, estudyante, editor, manunulat, at iba pang may malasakit sa wika ang nakaraang SAWIKAAN 2010 na ginanap noong nakaraang linggo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. May 250 kalahok mulang hilaga hanggang timog ng Filipinas ang nakiisa, at nagpalitan ng kuro-kuro kung paano mapayayaman ang wikang Filipino. Ang Sawikaan ang isa sa mga tanyag na pambansang kumperensiya na isinusulong ng Filipinas Institute of Translation Inc. (FIT) tuwing taon.
Nagwaging Salita ng Taon ang “jejemon” na ipinagtanggol ni Dr. Rolando Tolentino at pinili ng mga hurado mula sa lupong binuo ng FIT. Napili sa ikalawang puwesto ang “ondoy” na ipinakilala ni Jayson Petras at pumangatlo ang “korkor” ni Schedar Jocson at “tarpo” ni Jelson Capilos. Samantala’y tumanggap ng People’s Choice Award ang “tarpo” mula sa buong kapulungan ng mga delegado.
Batay sa napagpasiyahan sa serye ng mga pulong ng FIT, ang Salita ng Taon ay “maaaring bagong likha; bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika; luma ngunit may bagong kahulugan; at patay na salitang muling binuhay.”
Ang mga panukalang salita ng taon ay dumaraan sa proseso ng pagpili mula sa kalipunan ng mga salitang tinanggap ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT). Bawat salita ay inuusisa ang etimolohiya o pinagmulan nito; ang mga tiyak na gamit nito sa pangungusap at bahagi ng pangungusap; at ang mga pangangatwiran kung bakit dapat kilalanin yaon bilang salita ng taon.
Pagpapasiyahan ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT kung aling salita ang karapat-dapat na tanghaling nominado para sa Salita ng Taon.
Pagkaraan, ang napiling nominadong salita ay gagawan ng isang ganap na papel na magpapaliwanag kung bakit dapat itampok iyong Salita ng Taon.
Ang mga isinumiteng papel hinggil sa Salita ng Taon ay susuriin ng mga editor at magbibigay sila ng mga mungkahi kung paano mapahuhusay pang lalo ang nilalaman, balangkas, at talakay nito. Ang binagong papel ang siya ngayong ihahain sa kapulungan ng mga delegado at pagpapasiyahang muli ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT.
Ang magwawaging Salita ng Taon ay ibinabatay sa “lawak ng pananaliksik, bigat ng mga patunay, at linaw ng paglalahad at pangangatwiran.” Ang mga delegado sa kumperensiya ay binibigyan din ng pagkakataon na pumili kung anong salita ang karapat-dapat magwagi, at dapat magkamit ng People’s Choice Award.
Kabilang sa mga nominadong salita ang “load” nina Christine Marie Magpile at Geraldine Uy-Escolar; “ampatuan” ni Vladimeir Gonzales; “emo” ni Anna Mariette Dy; “namumutbol” ni Joselito delos Reyes; “ “spam,” ni Genaro Gojo Cruz; “solb” ni John Enrico Torralba; at “unli,” ni April Perez.
Mahalaga ang SAWIKAAN dahil ito ang nagsisilbing talyer ng wika sa buong kapuluan. Ang mga kalahok ay malayang makapag-ambag ng mga mungkahi at puna kung paano ipakakahulugan ang mga salita; at naisasaalang-alang kahit ang usaping pangkultura at kaligirang pinagmulan ng salita. Ang sinulat na papel ng isang kalahok, halimbawa, ay maaaring dumaan sa masusing rebisyon, alinsunod sa mga mungkahi ng tagapayo, editor, at buong kapulungan ng mga delegado.
Kabilang sa mga panauhing tagapanayam si Dr. Jaime Caro na ipinaliwanag ang impluwensiya ng teknolohiya sa paghubog ng makabagong Filipino; at si Dr. Jesus Federico Hernandez, na nagpaliwanag ng impluwensiya ng mga bakla sa paghubog ng makabagong Filipino.
Pinakamabigat ang tampok na panayam ni Dr. Zeus Salazar hinggil sa pagpapayaman ng wika, alinsunod sa diskursong pangkasaysayan, at maaaring sumaklaw sa isang semestre sa kolehiyo. Inilugar niya ang panghihiram ng salita ng Filipino sa mga wikang banyaga at paglikha ng neolohismo alinsunod sa aniya’y “dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa kasaysayan ng bansa.” Namamayani ngayon ang Ingles at Inglesero sa estado, ekonomiya, edukasyon, at kulturang poskolonyal sa loob ng lipunang Filipino. At nagsimula ito nang magwagi ang pangkat ni Emilio Aguinaldo sa Kudeta sa Tejeros (1897) laban sa Himagsikan ng 1896 ni Andres Bonifacio.
Nang mamayani ang Ingles, ani Salazar, ang mga institusyong pampolitika, pang-ekonomiya, pangkultura, at iba pa ay isinalalay sa Ingles. Uminog sa Ingles ang mga transaksiyon at komunikasyon. Maibibilang dito ang batasan, hukuman, edukasyon, agham, inhinyeriya, moda, musika, tanghalan, kalakalan, at iba pa. Ginamit ang Ingles bilang midyum ng komunikasyon, at ito ang nagbukod sa mga elitista at sa mga karaniwang mamamayan.
Lumubha pa aniya ang sitwasyon nang makipagpatintero ang mga Filipinong intelektuwal sa Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone sa pag-aakalang makikinabang sa magandang kabuhayang ipinangangako ng mananakop. Ang ilang nangabigo ay nagkaroon ng nostalhiya sa Filipinas. Samantalang ang ibang nagtagumpay makapasok sa akademya ng Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone ay nagpaulan ng batikos sa Filipinas, partikular sa mga “suliraning etnolingguwistiko” o dili kaya sa mga wikang “inaaapi” umano ng Tagalog.
Ipinanukala ni Salazar na matatalakay ang panghihiram ng wika sa dalawang antas: una, sa sosyolingguwistiko o panlipunang antas; at ikalawa, sa pang-lingguwistikang antas ng bilingguwalismo. Walang hanggahan umano ang paglikha ng mga kataga [neolohismo]. Lipunan lamang ang nagtatakda ng hanggahan batay sa mga taglay nitong “kaisipan hinggil sa seksuwalidad, moralidad, panlasa, a iba.” Bagaman naitatakda ng diksiyonaryo ang hanggahan ng panghihiram, lalabagin at lalabagin umano ito ng mga gumagamit ng wika sa pasulat man o pabigkas na pamamaraan.
Iminungkahi ni Salazar ang pagbubuo ng Akademya sa Wika, gaya ng Académie Française, na binubuo ng mga tanyag na gumagamit ng wika sa iba’t ibang larang at aktibidad sa bansa. Mabubuo ng nasabing akademya ang isang saligang diksiyonaryo at Ensiklopedyang Filipino sa sariling wika. Magpapakita umano ito ng kabihasnang natamo ng Filipinas sa kasalukuyan, at sa maaaring makamit pa sa hinaharap.
Kabilang sa mga tumulong sa SAWIKAAN si Dr. Emerlinda R. Roman, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas; Dr. Sergio S. Cao, Tsanselor ng UP Diliman; Lirio Sandoval, pangulo ng Book Development Association of the Philippines; Atty. Andrea Pasion-Flores ng National Book Development Board; Departamento ng Edukasyon; Komisyon sa Wikang Filipino; Adarna House; at Nestle Philippines.
Ang SAWIKAAN ay itinaguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc., UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, Anvil Publishing, Inc., at Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman.