Pagkahilig sa mga Gulod, ni Rachel Wetzsteon

salin ng “Taking to the Hills” ni Rachel Wetzsteon.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PAGKAHILIG SA MGA GULOD

Kung ang paglalakad, gaya ng alak, ay nagpapasulak ng lungkot,
subukin natin ito, sabi ko, at ginawa ko nga:
sa likod ng mga buról na ito na hindi nakababatid ng pighati
ay walang mapagmuning buwan ang dumaan. Humukay hanggang
magpantay ang gulód, at hukayin lamang ang lupa. Ipagmalaki
na alam mo ang kemikal na anyo ng ulan, ang suma-total
ng lahat ng mabagsik  na singaw ng anumang takipsilim.
Dahil kung kailangan mong hilahin sa mga gasgas na linya
ang mga mapagpatiwakal na wilo, panig man o salungat ang bituin
sa iyo, ikakalat mo sa matataas, di-maliparang uwak na tanawin
ang sarili mong mga bagahe. Gabi ng pag-ibig, araw ng babala
ng gabi, matatangkad na bundok ng mga pag-asang nakamit,
lambak na ang mapapait na hangin ay binubughan
ang mga pinagkaitan tungo sa pagiging nangapopoot na baliw—
sila ay walang iba kundi makukulimlim na pagsasahinagap
ng nagdaraang hilig, labis na pinapayak na mga bersiyon
ng anumang walang hangga ang laki? Ang pangitain sa harap mo
ay walang iba kundi tatluhang pilas na punongkahoy, dalisdis, ilog,
matatag at eternal. Ngunit sa sandaling magsimula kang mabalisa,
at kapag, habang inihahandang kunin ang rolyo ng mga retrato’y
napansin mo ang nakaliligalig na paglalaho ng landas,
gumuguho ang iyong kapinuhan: tutuligin mo ang himpapawid,
at haharanahin ang buwan, susubsob ka sa harap ng mga pino,
sasabihing, ay, bumalik ka, kaluluwa ng pook, na walang buhay
kung wala ka,  ay namumukadkad sa kung anong dingal
na higit sa namamagitang kabaliwan;
bumalik ka, malalaking ensina na naghihintay sa ating pagdating;
ang ukitin ang mga titik ay ganap na katuparan ng pagiging tao;
ang mga araw ay nababatikan ng ating mga sukdulang libog,
ang mga bundok ay tatayog at guguho sa ating kadakilaan at kahangalan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.