Sigwa sa Pulo

Kumikirot ang mga talampakan ng magkapatid na Rodrigo at Gerardo sa paglalakad sa gilid ng dalampasigan. Sinuyod nila ang buhanginan at batuhan upang makapag-ipon ng mga tulya, kapis, tirik, at tahong na ipinadpad ng mga alon. Tumindi ang sikat ng araw, at kumati ang tubig na tila ayaw nang magbalik sa pulo.

Namatahan ng magkapatid ang balsang nakapadpad sa putikan. Nakabalatay sa balsa ang ar-arosip at sakay ang tuyong palapa. Nagmadali sina Rodrido at Gerardo na magtungo roon, ngunit nagulantang sa nakita: isang lalaking may kaliskis at buntot-isda ang nakahandusay sa namumuting korales, habang panakip wari sa kabaong ang balsa.

Napako sa pagkakatayo si Rodrigo. Ngunit si Gerardo’y hindi nasindak bagkus napahalakhak. Niyakag ni Gerardo si Rodrigo sa lalaking-isda. Kumikinang sa sikat ng araw ang mga kaliskis ng lalaking-isda at nasilaw ang magkapatid sa nasaksihan. Ilang sandali pa, ang pagkamangha ng magkapatid ay nawala at parang ordinaryong bangus lamang ang nakita.

Hindi tumitinag ang lalaking-isda. Habang tumitindi ang sikat ng araw ay lalong kumikinang ang mga kaliskis na waring diyamante. Ibig sanang basagin ni Gerardo ang ulo ng lalaking-isda sa pamamagitan ng pagbagsak ng malaking bato ngunit mabilis siyang pinigil ni Rodrigo. “Huwag, kuya,” aniya, “huwag mo nang patayin ang patay na!”

Nagtalo ang dalawa kung ano ang gagawin sa natagpuan. Nagugutom na si Gerardo at naisip niyang biyakin, sa anumang paraan, ang kalahating katawan ng lalaki. Pero hindi naman niya malaman kung saan at paano ililibing ang kalahating katawan ng tao. Kapag nagkataon, ngayon lamang sila makatitikim ng isdang sinlaki ng lumba-lumba; ngunit may panganib ding pagbintangan silang salarin ng kung anong uri ng bibihirang lamandagat.

Tinawag nina Rodrigo at Gerardo ang mga magulang na sina Josefa at Luis. Nagtaka ang mag-asawa kung ano itong nilalang na nakita nila. Baka isang halimaw ito na kumakain ng bata, ani Josefa. A, hindi, baka naman isang siyokoy ito, singit ni Luis. Subalit wala siyang natatandaang kuwento ng matatanda na may siyokoy na guwapo’t makisig ang kalahating katawan, samantalang parang sa bangus ang balakang pababa sa talampakan.

Sinipa ni Gerardo ang mukha ng lalaking-isda. Hindi iyon nagsalita at tumulo lamang sa gilid ng bibig ang malansang laway. Sinundot-sundot ng patpat ni Rodrigo ang katawan ng lalaking-isda, at inusisa kung totoo o huwad ang katawan ng lalaki. Sinabuyan naman ni Josefa ng buhangin ang mga kaliskis, na tila nagtataboy ng masasamang espiritu. Sa huli, nagpasiya si Luis na pasanin nilang mag-asawa ang walang-malay na lalaking-isda at ilagak doon sa silong ng kanilang bahay.

NATAKOT ANG MAGKAPATID na Gerardo at Rodrigo baka pagmultuhan sila ng lalaking isda. At kung magsing iyon, baka kumalat ang lagim sa bahay, saka mabulabog ang buong baryo. Kinagabihan, pumuslit ang dalawa sa kanilang silid upang silipin ang nilalang. Akala nila’y nakakikilos na ang lalaking-ida ngunit muli silang nabigo dahil parang tuod lamang iyon. Pagdaka, sinubok duraan at ihian ni Gerardo ang mukha ng lalaking-isda.

Bumukad ang paningin, ang lalaking-isda ay suminghap-singhap na tila uhaw na uhaw. Nang mapansin ito ni Rodrigo, kinuha niya ang isang baldeng tubig sa batalan, at ibinuhos sa lalaking-isda. Ilang sandali pa’y kumisay-kisay iyon, saka nagsalita sa kakaibang wikang ngayon lamang nila narinig.

Nagsitakbo ang magkapatid, at nagsisigaw, at tinawag ang kanilang mga magulang. Ngunit nang dumating sina Josefa at Luis ay natagpuan nilang himbing na himbing ang nilalang. Tumanggap pagkaraan ng kurot at palo ang magkapatid, at sinabihang manahimik nang hindi makapukaw ng pansin sa mga kapitbahay.

Kinabukasan ay sinikap ng magkapatid na alagaan ang kanilang huli. Hindi kumakain ang lalaking-isda kahit minsang pagtangkaang subuan ng magkapatid sa pamamagitan ng patpat na may kapirasong saging na saba sa dulo. Parang baka lamang itong uunga-unga. Higit silang nabalisa dahil ang lansa nito ay waring kumakapit sa kanilang damit, o sa haligi’t dingding na pawid.

Makalipas ang isang linggo, umalingasaw ang amoy ng lalaking-isda. Nayamot ang mga kapitbahay, at inusisa ang baho sa bahay ng mag-asawang Luis. Nang mabatid ng kapitbahayan na may lalaking-isda sa silong ng mag-asawa, nagkulumpon sila sa paligid ng silong at sumilip sa mga butas ng sawali na parang nanonood ng karnabal.

Isang lola ang naghakang baka nagkatawang tao ang isda upang maghiganti laban sa polusyong dulot ng tao. Hindi, sagot ng binatang pilay; baka may gamot siya sa karamdaman ng sinumang imbalido. Sumabat ang Kapitan del Baryo at nang-usig na baka tangkang sakupin ng lipi ng lalaking-isda ang buong pulo at gawing alipin ang mga tao. May mga batang walang tigil sa kabubungisngis, at tila nakatuklas ng laruang malaki pa sa kanila. Dumating ang pastor at nagsabing kampon ng halimaw ang lalaking-isda; at idinagdag pang malapit na ang paghuhukom sa mga makasalanan. Humaba nang humaba ang usapan hanggang magtalo-talo ang mga nag-uusyoso kung ano ang gagawin nila ukol dito.

Gayunman, hindi umimik ang lalaking-isda, at humikab lamang na tila inaantok sanhi ng bigat ng kalooban

Kumalat ang balita sa buong baryo hinggil sa lalaking-isda. May dumadayong pangkat sa bahay ng mag-anak na Luis. Hindi naman magkandaugaga sina Rodrigo at Gerardo sa pakikiharap, at kung ano ang itutugon sa sangkaterbang tanong ng mga bisita. Bagaman naiinis ang magkapatid, lumuwag kahit paano ang kanilang loob dahil maraming salapi at pagkain ang iniaabot ang mga tao. Hindi naglaon, nakaipon ng yaman ang mag-anak mula sa samot-saring bigay ng mga panauhin. Nagkaroon ng sapat na yaman ang pamilya at umupa ng katulong na magbubuhos ng tubig sa lalaking-isda at maglilinis ng silong.

Habang lumalaon, higit na lumalansa ang lalaking-isda. Pag nasisikatan ng araw ang lalaking-isda, nakasisilaw ang mga kaliskis nito at natakot ang mga manonood na kung magpapatuloy ito, baka tuluyang lumabo ang kanilang paningin. Isang araw, nagtulong-tulong ang mga tao na humukay ng munting balon, pinuno iyon ng tubig, at doon inilagak ang lalaking-isda na nasisilungan ng bubong.

Hindi umiimik ang lalaking-isda ngunit mahigpit niyang minamasdan ang nakapaligid sa kaniya. Napangiwi siya sa sari-saring mata ng mga tao na para bang tinitimbang ang kaniyang kalagayan. Nagtukop siya ng tainga laban sa mga tawanan at uyam ng mga bata. Ngunit ang higit na nakatigatig sa kaniya ay kung may naglalakas-loob na haplusin siya na waring siya ang magiging tagapagligtas ng buong sangkatauhan. Bawat haplos wari niya ay gumuguhit ang hapdi, at ito ang hindi niya maunawaan.

BUMUHOS ANG ULAN-BANAK, at namuo ang balaklaot sa panginorin. Dumating ang gabing bumaha kasabay ng taog. Ang balon na kinalalagyan ng lalaking-isda ay sinalpok ng malalaking alon. Samantala’y umabot hanggang ikalawang palapag ng bagong tayong bahay ng pamilyang Luis ang tubig. Hindi malaman nina Gerardo at Rodrido kung ano ang gagawin nila sa mga kasangkapang lumubog sa baha. At si Josefa’y walang patid sa kadadasal upang maligtas sila sa bagyong nagbabadyang wasakin ang kabuhayan nila.

Nagsilikas na sa bakood ang mga mamamayang naninirahan sa gilid ng dalampasigan.

Nang sandaling iyon, ang malalaking patak ng ulan ay mistulang gamot na nagpahilom sa kirot sa mga kaliskis at laman-loob ng lalaking-isda. Napasigaw ang lalaking-isda nang tumaas ang tubig. Humiyaw siya na waring hukbo ng mga kawal na nagmamartsa pabalik sa lupang sinilangan. At kumawag siya, marahan hanggang pabilis nang pabilis, animo’y iyon na ang huling paglangoy niya patungo sa malawak na karagatan.

Napansin iyon nina Gerardo at Rodrigo na nakadukwang sa bintanang maaabot na ng baha. Nalimutan nila ang ang kanilang mga basang damit, ang bigas na dapat sana’y ililikas nila sa mas mataas na puwesto, at ang pasigaw na utos ng kanilang mga magulang. Hindi nakapagsalita ang magkapatid. Ang patak ng ulang tumatama sa kanilang mukha ay mahapdi at lumalatay. Lumingon ang lalaking-isda at umungol sa magkapatid, na parang dambuhalang nakatakas sa bilangguang yungib.

Pagdaka’y lumapit ang lalaking-isda sa tabi ng bahay ng mag-anak. Umatungal siya, at itinulak ang bangkang nakataob patungo sa kinalalagyan nina Gerardo at Rodrido. Napasigaw si Josefa nang sumilip sa bintana. Nasindak si Luis at napamulagat. Naiwan ang bangka na nasalalak sa gilid ng bahay, saka mabilis na lumangoy palayo ang lalaking-isda. Kumawag siya nang buong sigla, palundag na lilitaw at lulubog, na waring sinasabayan ang hugong at elektrisidad ng mga alon.