Sumiklab ang pagtatalo sa usapin ng paggamit ng malayang taludturan sa panulaang Tagalog noong dekada 1930 dahil na rin sa mga pangyayaring may kaugnayan sa pagpapanatili ng tradisyon ng nasabing panulaan samantalang rumaragasa ang pagpasok ng impluwensiyang Amerikano at Ingles sa panitikang Filipinas at pinaiiral bilang opisyal na komunikasyon sa transaksiyon ng pamahalaan, edukasyon, at negosyo ang kapuwa Espanyol at Ingles. Nakaugat sa mahabang kodipikasyon ng panulaang Tagalog ang susi ng pagtatalo, at matutunghayan kung babalikan ang mga sinaunang tekstong nalathala sa bansa.
Unang bumanat si Fray Gaspar de San Agustin, sa kaniyang akdang Compendio del Arte de la Lengua Tagala (1703), sa pagsasabing, “La poesia tagala no es tan difícil como parece, porque no tiene el rigor de la cuantidad de medias y ultimas, como la latina: ni las leyes del consonante formozo, como la castellana. Ni consta de la variedad de metros de ambas. Consta sólo de cualidad de voces y uniformidad de finales, cuya concordancia llaman ellos tola.”[1] Payak lamang ang ibig sabihin ni San Agustin:“walang panuto ang tulang Tagalog na singhigpit ng Latin, kung pag-uusapan ang bilang ng gitna at huling pantig ng salita; at ni walang sinusunod na alituntunin sa sapilitang gamit ng katinig, tulad ng sa Kastila. May katangian lamang daw ito ng tinig, at pagkakatulad ng mga [tunog] ng huling kataga.
May prehuwisyo si San Agustin sa panulaang Tagalog, at mababanaagan ito kahit sa kaniyang pag-uuri na may dalawa lamang na tugma ang tulang Tagalog: una ang “mariin” (nagtatapos sa patinig ang salita); at “mababaw” (nagtatapos sa katinig ang salita). Ginagawa niyang simple ang tulang Tagalog at inihahambing sa padron ng Latin at Kastila, imbes na pag-aralan ang tula alinsunod sa parametro ng Tagalog. Higit pa rito, itinuturing niyang may iisang balahibo ang tradisyon ng panulaang Latin, Kastila, at Tagalog, na waring nagmula sa iisang malig ng wika at tradisyon ang mga ito. Sa gayong paghahambing lumilitaw ang Mataas na Wika (dayuhan) laban sa Mababang Wika (katutubo) na naglalagay sa alanganin sa Tagalog sa hanay ng mga wika at panitikang pandaigdig.
Kulang na lang na sabihin ni San Agustin na ang panulaang Tagalog ay may “malayang taludturan” dahil iba ang ulinig niya sa tugmang Tagalog kompara sa mga tugma ng mga tulang Latin at Kastila.
Kumambiyo nang kaunti si Fray Francisco Bencuchillo sa kaniyang Arte Poetico Tagalo (1895) at nagwikang, hindi umano napakahirap ngunit hindi rin napakadali ng tulang Tagalog. May bahagi lamang nito ang madali, na may kinalaman sa huling pantig ng dulong salita sa isang taludtod. Na kapag nagwawakas sa katinig o mala-patinig ang pantig ng dulong salita sa taludtod ay nagiging “Norte o Gabay upang mabatid ang magiging anyo ng mga sumusunod na anyo.”[2] Ginamit ni Bencuchillo ang konsepto ng kompas at inilapat sa tula, at ipinakilala kung bakit nagtutugma ang mga salitang nagwawakas sa b, c, d, g, p, s, t kapag ang naunang patinig nito ay magkapareho; o kaya’y ang mga mala-patinig na l, m, n, ng kung ang naunang patinig nito ay magkahawig.
Ngunit mahihirapan si Bencuchillo sa tugmang patinig. Na kahit magkakapareho ang dulong pantig ng dulong salita sa bawat taludtod ay hindi nangangahulugang magkakatugma na iyon. Ito ay dahil nahihirapan ang mga Kastila na bigkasin ang mga salitang may impit, na gaya ng malumì at maragsâ, na pawang wala sa wikang Latin o Kastila. Gayunman, ipapakilala ni Bencuchillo ang henyo ng paglalapi sa mga salitang may mabibilis o malulumay na bigkas, na pawang tatawagin niyang tugmang “mariin”; at ang mga salitang may mararagsa o maluluming bigkas na tatawagin niyang tugmang “mababaw.”
Para kay Bencuchillo, ang tulang Tagalog ay may tatlong uri lamang. May tatlo o apat o higit pang bilang ng taludtod ang bawat saknong na puwedeng ituring na buong tula; at bawat taludtod ay may pito o walong pantig bawat isa. Kapag ang isang saknong ay binubuo ng lalabindalawahing pantig ang bawat taludtod, hindi na ito itinuturing na “tula” bagkus “prosa” o “plosa.” Sinipi niya ang isang halimbawa:
Nang catahimican nang Gabing malamig
calaliman baga tolog pagcaidlip
cataoua,i, nanğala,i, ay napanagiuinip
o naquiniquita nang boocong baet.
Caracaraca,i, napaguitang tambing
ysang Calolouang cahihiualay rin
sa Pataouan sic-sic manğa salangsauil
nanacagaouian ang Cataouang tacsil.
Ayon kay Bencuchillo, ang prosa o plosa ay ginagamit lamang sa mga “liham ng pag-ibig at pag-iisang-dibdib.” Mahihinuhang esklusibo ang prosa o plosa at ikinakahon sa kumbensiyon ng panliligaw, pagtatalik, pagmamahalan, at pagpapakasal, gaya lamang na may natatanging tula para sa isinilang (oyayi) at namatay (dung-aw). Sa pag-aaral ni Virgilio S. Almario, ang lalabindalawahin at lalabing-apating pantig na taludtod ay hindi likas sa panulaang Tagalog bagkus imitasyon mula sa dulang Ewropeo. Posibleng ipinasok umano noong panahon nina San Agustin at Bencuchillo ang nasabing mga padron at itinuring na “prosa.” Ngunit posible ring bago pa man ipinakilala ng Kastila ang gayong anyo ng pananaludtod ay ginagamit na ito sa Tagalog, dahil sa pangyayaring ang Tagalog ay higit na rumirikit at nagkapagpapahayag ng malalalim na talinghaga sa paggamit ng lalabindalawahin at higit pang bilang na pantig na pananaludtod.
Kahit sabihin pang “prosa” o “plosa” ang lalabindalawahin at lalabing-apating pantig na saknungan, nagtataglay pa rin ito ng tugma. Isang katutubong kritiko ang magsasabing “magaling, datapoua hindi tola” ang gayong anyo, at ang ganitong pananaw ay posible ngang nagmumula sa pananaw ng isang taal na Tagalog at hindi Kastila. Sa kabilang banda, ang paglilimita sa mga katutubong tula sa makikitid na sukat ay paghahangga sa kapasidad ng Tagalog na lumitaw sa higit na maluwag na taludturan. Kung ituturing na prosa ang lalabindalawahin at lalabing-apating pantig, ang kasalukuyang pakahulugan ng “malayang taludturan” ay isang kabalintunaan. Ang prosa o plosa sa Tagalog, noon pa man, ay isang anyo ng pagsasakataga na may sukat at tugma para sa paksang angkop sa pagliligawan at pagpapakasal, bagaman ang sukat at tugmang ito ay lihis sa nakagawiang makikitid na pananaludtod na pipituhin, wawaluhin, o sisiyaming taludtod.
Mahalaga ang sinaunang pagpapakahulugan at paggamit ng anyong “prosa” o “plosa” at ito ang tatatak kahit sa winika ni Jose Rizal: “Los Tagalos desconoces el verso libre, por presentarse su idioma facilmente a la rima y por ser esta muy sencilla y natural.”[3] Hindi umano kinikilala ng mga Tagalog ang malayang taludturan, dahil maluwag at madaling gamitin sa pagtutugma ang wika [na Tagalog]. . . .” Maiuugnay ang winikang ito ni Rizal sa winika ni P. Joaquin de Coria, na ang “likas at katutubong tula ng mga Indio ay ang lapatan ng taludtod ang prosa, at magbigay ng tugma. . . .”[4] Iniugnay ni Rizal ang kalikasan ng wikang Tagalog sa panulaan nito. Tinukoy niya ang labindalawang uri ng tugma (anim sa katinig at anim sa patinig). Ang tugmaang patinig ay nahahati sa dalawa: ang “karaniwan” o vocal ordinaria (na tumutukoy sa malumay at mabilis na bigkas) at “mabigat” o vocal pesada (na tumutukoy sa malumi at maragsang bigkas). Samantala, ang tugmang katinig ay inuri niya sa “malakas” o consonante fuerte (na nagwawakas ng b, d, g, k, p, s, t) at “mahina” o consonante débil (na nagwawakas sa l, m, n, ng, y, w) Binanggit din ni Rizal ang isang panuto, na lahat ng taludtod sa isang saknong ay dapat magkaroon ng isang tugma, at ang sumusunod na saknong ay nararapat maging iba ang tugma, “kung hindi’y magiging isang tunog lamang at pawang nakababagot at nakapapagod.”[5]
Sa pakahulugan ni Rizal, ganap na inaalis sa ekwasyon ng panulaang Tagalog ang malayang taludturan. Ngunit pagsapit kay Lope K. Santos, ang “tugma” at ang “sukat” ay ilulugar bilang “bahagi ng estruktura o anyo ng tula.” Para kay L.K. Santos, ang tulang Tagalog ay may apat na sangkap: tugma, sukat, talinghaga, at kariktan.[6] Ang sukat at tugma ay pisikal o panlabas na anyo ng tula; samantalang ang “talinghaga” at “kariktan” ang pinakakaluluwa ng tula. Mahihinuhang ginamit ni L.K. Santos ang konsepto ng “katawan” at “kaluluwa” alinsunod sa paniniwala ng Kristiyanismo. Kinakailangan umano ang tugma at sukat para makasulat ng taludtod, samantalang kailangan ang talinghaga at kariktan upang makasulat ng tula.
Ngunit ang abanseng obserbasyon ni L.K. Santos ay hindi maglulundo roon. “… Kung mayroon mang tula sa isang tuluyan o prosa,” aniya, “ay maaari ding magkaroon ng taludturan kahit walang tula. Ang malapit na ugnayan ng taludtod at tula ay siyang magsisilbing suhay sa wika ng isang makata.” Sa pakahulugang ito ni L.K. Santos, ang “malayang taludturan” ay nagkakaroon ng sariwang pagtanaw, at maaaring ikabit din kahit sa tinatawag ngayong “tulang tuluyan” [prose poems; poeme en prose]. Binubuksan ni L.K. Santos ang posibilidad ng di-regular na sukat at walang tugmaang pananaludtod at saknong, bukod sa mga talatang matulain. Samantala, pinupuna rin ni L.K. Santos ang mga sampay-bakod na makata, na mahusay lamang magtugma at sukat subalit walang kakayahang maglubid ng talinghaga.
Mahalaga ang binanggit na ito ni L.K. Santos sapagkat maikli ang tradisyon ng anyong prosa sa panitikang Filipinas, na gaya ng maikling kuwento at nobela. Halimbawa, ang Ang mga Anak Dalita (1911) ni Patricio Mariano na nagtataglay ng eksperimentasyon sa pananaludtod at saknungan ay tinatakang “Nobelang Tagalog” sa pahinang pampamagat. Samantala, napakatradisyonal naman ang saknungan ng Kahapon, Ngayon, at Bukas (1913) ni Aurelio Tolentino, at may tatak na “nobelang Tagalog” gayunman ay nagtataglay ng mga talinghagang kontra-imperyalismo. Ang kalituhan kung anong uri ng akda ang “nobela,” “maikling kuwento,” “prosa,” at “tula” ay malulutas lamang noong 1947 nang sinupin ng Institute of National Language ang mga katawagang pampanitikang dumaan sa mga dalubhasa.[7]
Kung binubuksan ni L.K. Santos ang posibilidad ng malayang taludturan at tulang tuluyan sa kaniyang mga pahayag, ibabalik naman ni Iñigo Ed. Regalado ang tradisyonal na pagtanaw sa panulaang Tagalog. “Sa simula pa’y nagtataglay ang tulang Tagalog ng apat na bagay: sukat, tugma, kaisipan, at kariktan. Noon pa man at ngayon, kapag ang isang tula ay wala ng apat na bagay na ito ay hindi maituturing na tunay na tula.”[8] Sa nasabing pakahulugan ng tulang Tagalog, mistulang anomalya ang “malayang taludturan” at kinakailangang baguhin ang pakahulugan ng “tula” upang makapasok ang pakahulugan ng “malayang taludturan” at “tulang tuluyan.”
Halos magkapareho ang apat na sangkap [o katangian] ng panulaang Tagalog kung paghahambingin ang mga sinabi nina L.K. Santos at Regalado. Nagkakatalo lamang sila sa pagpapakahulugan. Kung si L.K. Santos ay ginamit ang “talinghaga,” gagamitin naman ni Regalado ang “kaisipan.”
Para kay L.K. Santos, ang talinghaga “ay hindi lamang sumasakop sa tatlong anyo ng wikang patalinghaga, tulad ng sinekdoke, metapora, at metonimiya, bagkus ang kabuuang Retorika at Poetika na tumatalakay sa mga kaisipan at ng sari-saring pamamaraan ng pagpapahayag dito.”[9] [Akin ang diin]. Ang kaisipan, sa panig naman ni Regalado, “ay siyang salik na kinapapalooban ng diwa’t mga talinghagang ipinapasok ng sumusulat.”[10] Mapapansin na higit na malawak ang pakahulugan ni Santos kompara kay Regalado, at siyang mananaig magpahangga ngayon. Samantala, kikitid ang “kaisipan” na itutumbas sa “central idea” sa Ingles.
Ang mahigpit na pagpapakahulugan ni Regalado ang magtutulak kay Alejandro G. Abadilla upang puwingin ang apat na katangian ng panulaang Tagalog. Para kay Abadilla, ang “katutubong balangkas, sa bisa ng tugma at sukat, ay hindi sarili ng Tulang Tagalog kundi ng lahat na ng panulaan sa daigdig.”[11] Gayunman, mapanlahat ang pahayag na ginawang pagdulog ni Abadilla. Hindi niya inusisa kung may natatanging sukat at tugma ang tulang Tagalog gaya ng naunang pag-aaral ng mga frayle at nina Rizal, L.K. Santos, Balmaseda, at Regalado.
Ikinatwiran ni Abadilla na “ang sinasabing katutubong balangkas ng tulang Tagalog, sa bisa ng tugma at sukat, ay hindi ang kabuuan ng mga katutubong balangkas ng Tulang Tagalog, at ito’y dahil sa katotohanang ang panulaan natin, ayon sa patotoo ng mga mananalaysay, ay mayroon ding malayang taludturan na siya ngayong kinagigiliwang gawin ng mga makabago.” Ngunit nabigong magbigay ng halimbawa si Abadilla na susuhay sa pahayag na ito, bagaman mahihinuhang ang tinutukoy niya ay mga epikong bayan. Ngunit kahit walang estriktong tugma at sukat ang naturang mga epiko, alinsunod sa pamantayang pasulat o palimbag, ginagabayan pa rin iyon ng kumbensiyon ng himig at indayog na umaayon sa pabigkas o pahimig na pagtula, batay sa nakagawian ng mga katutubo.
Binanggit ni Abadilla na “ang balangkas, ang pamamaraan, o ang kaanyuan, kung baga sa tao, ay damit lamang ng tula” at siyang tumutukoy sa “daloy na panlabas.” Kung babalikan ang unang winika ni L.K. Santos, ang tugma at sukat ay may gayon ding pakahulugan, na itinuring niyang panlabas na anyo. Ano kung gayon ang mahalaga sa tula? Para kay Abadilla, higit na mahalaga ang “damdaming matulain [i.e., kalamnan o daloy na panloob]—yaong damdaming may hubog, may kulay, at may tinig.” Ito rin ang unang binanggit ni L.K. Santos, subalit sa panig ni Abadilla, ang “damdaming matulain” ay malapit ang testura sa “objective correlative” na pinatanyag ni T.S. Eliot at unang binanggit ni Washington Allston. Ginagamit sa objective correlative ang simbolikong bagay upang iugnay na pahiwatig patungo sa mga dating di-maipaliwanag, kung hindi man abstrakto, na damdamin. Para kay Allston, ang panlabas na daigdig ay kinakailangan ng katumbas na sariwang diwain sa isip, at mahalaga ito sa ebolusyon ng kalugod-lugod na damdamin.[12] Ginamit naman ito ni Eliot sa pagsusuri sa dulang Hamlet (1599?) ni William Shakespeare, at nagsabing “ang tanging paraan upang maipahayag ang damdamin sa sining ay sa pamamagitan ng paghanap ng katumbas. . . ng kalipunan ng mga bagay, sitwasyon, o magkakatanikalang pangyayari na magiging pormula ng isang tiyak na damdamin; na kapag nagwakas ang pagdama sa mga panlabas na bagay ay kagyat na madarama ang damdamin.”[13]
Pinuna ng isa pang modernistang makatang Tagalog na si Ildefonso Santos ang panulaang Tagalog na “sentimental, walang orihinalidad, at maligoy.”[14] (Sumasapol ang banat na ito sa mga duplero at mambabalagtas, at sa mga tula nilang naglulunoy sa pag-ibig o pag-iibigan.) Gayunman, sumasang-ayon umano siya na wala nang maipagmamalaki ang mga tulang makabago kundi ang kawalan ng tugma at sukat. “Ngunit kung naririto ang ‘pag-uumapaw ng di-mapigilang damdamin,’ ay walang dahilan kung bakit hindi ito dapat tawaging tula.”
Ang “pag-uumapaw ng di-mapigilang damdamin” na binanggit niya ay maaaring iugnay, kung hindi man itumbas sa “matulaing damdamin” ni Abadilla, ngunit maaari ding sipatin na labis na sentimental at maramdamin ang pinatutungkulan. Kung babalikan ang koleksiyon ng mga tula ni Regalado, na pinamagatang Damdamin (1968), mahihiwatigan dito na ang damdamin ay hindi literal na na katumbas ng “emosyon” na pupuwinging “kinalburong damdamin”[15] ng kritikong Almario, bagkus tumutukoy sa “inanyuang kalooban” ng makata na kaniyang idinisenyo sa tula. Tinumbasan ni Regalado ng iba’t ibang anyo ng damdamin ang mga paksang hinggil sa pag-ibig, mulang bata hanggang matanda, at mulang pansarili tungong panlipunang usapin. Para naman kay Ruben Vega, ang sining ng panulaan “ay mabisang pagpapahayag ng makahulugang damdamin (emotional meaning) na gumigising sa kaisipang panloob upang maging pangkalahatang larawan ng daigdig. . . .”[16]
Magiging lantad ang usapin ng “malayang taludturan” habang tumantayag ang pagkatha ng mga nobela, kuwento, sanaysay, at anekdota bukod sa pagsibol ng tinaguriang “dagli” at “pasingaw” noong bungad ng siglo beynte hanggang makaraan ang digmaang pandaigdig. Ang dagli, gaya ng ibig ipahiwatig nito, ay mabilisan ang pagkakasulat, na maaaring mapaglarawan, mapagsalaysay, o mapaglahad sa pinakamatipid na paraan at sa masiste at matalinghagang pamamaraan. Ginagamit ang dagli mulang pangulong tudling hanggang mala-sanaysay at tulang tuluyan, at ang himig ay maaaring mapamuna, mapanuos, mapagpatawa, seryoso, at bumabagay minsan bilang pamuno sa mga natitirang espasyo ng pahayagan o magasin.[17] Samantala, ang pasingaw ay magiging esklusibo sa pagkatha ng mga pangyayaring may kaugnayan sa pag-iibigan.
Malayang Taludturan
Nalathala noong 1934 sa pahayagang Taliba ang tulang “dios ko!” ni Abadilla na nagtataglay ng malayang taludturan at pulos maliliit na titik ang simula ng bawat salita ng bawat taludtod na animo’y ginagad sa mga tula ni e.e. cummings. Nilagyan pa ng talababa ng editor ang tula, na nagsasaad ng “Ang vers libreng ito’y hindi ito lamang. May hangad, marahil, itong magpakilala ng pinakamakabagong hilig sa tula.”[18] Higit namang nauna ang kaniyang eksperimento ng tulang tuluyan, na tinawag niyang “kaunting tula at kaunting tuluyan” nang ilathala ng Liwayway ang “Ang Panahon” (1932). Sa dalawang tulang ito, nagtatangka na si Abadilla na kumawala sa mahigpit na pakahulugan ng tulang Tagalog ayon sa mga winika nina L.K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, at Iñigo Ed. Regalado. Ang sukdulan ng pagkalas ni Abadilla ay ibabandila ng tulang “Ako ang Daigdig,” na naggigiit ng indibidwalidad sa kabila ng kumbensiyong itinatakda ng tula at daigdig.
Iniuugnay ang paggamit ng malayang taludturan sa kabaguhan sa panulaan, at pagsunod sa padron ng banyagang panulaan. Subalit hirit ni Vega sa kaniyang panayam sa Manuel L. Quezon University noong 14 Agosto 1970:
Sa aking pag-aaral ay nalaman ko rin na walang malayang taludturan: ito’y pagsusuwagan ng kahulugan. Wala ring tulang malaya: ang kalayaan sa kulungan ay wala ng kahulugan. Paanong magiging malaya ang taludturan samantalang ang berso ay isang disiplinang nakakulong sa matipid na pangungusap at igkas ng damdaming narerendahan ng sukat at ritmo? Alisin mo ang sukat, ang tugma—subalit kailanman ay dadalhin ng indayog ng ritmo ang taludturan. Ang berso ay isang disiplinang minana sa klasisismo. Ibahin natin ang verse [sic] libre sa katawagang Pilipino.[19]
Para kay Vega, ang pinagkakakilanlan ng isang mahusay na tula ay wala sa pagkasangkapan sa tugma at sukat, o kaya’y sa paglabag sa mga tuntunin nito, bagkus sa “lirisismo.” Ang lirisismo, aniya, ay ang esensiya o kakang-gata ng tula, walang pagkakaiba sa pagpapakahulugan ng vertisismo ni Ezra Pound. Sumasalungat din ang kaniyang paliwanag sa sinaunang pagpapakahulugan ng panulaang Tagalog, at sa pagtatampok sa naunang winika nina L.K. Santos, Abadilla, at I. Santos hinggil sa pananalinghaga at nilalaman ng tula. Kulang ang paliwanag ni Vega sa lirisismo, at mahihinuhang nakasandal sa “indayog ng ritmo.”
Kung susundin ang talakay ni Vega, ang “vers libre” ay iba kaysa sa “malayang taludturan” kung ituturing na ang “vers libre” ay may bukod na diskurso sa “malayang taludturan” batay sa pinag-ugatang mga wika at tumbasan ng mga salita at diwa. Halos hindi nalalayo ang kaniyang pahayag sa winika ni T.S. Eliot, na “Walang malayang berso sa tao na ibig gumawa ng mabuting trabaho.” At sa ipinahayag ni Robert Frost na ang pagsusulat ng malayang taludturan “ay tila paglalaro ng tenis nang walang lambat.”[20]
Sinabi naman ni Charles O. Hartman sa kaniyang sanaysay, na “Sinasalungat ng malayang taludturan ang sarili nito.”
If “free verse” were to be admitted as verse at all, everything that had been achieved in the study of prosody would have to be rethought. Verse itself was defined, and still is in many dictionaries, as “metrical composition.”. . . If the definition of verse were in question, so would be the nature of poetry, with which it was habitually confused.[21]
Sa pahayag ni Hartman, walang mahigpit at permanenteng pagpapakahulugan sa “tula.” Kinakailangang baguhin din ang pagpapakahulugan sa “berso” o “taludtod.” Ngunit kahit ipagpalagay na malawak ang pakahulugan ng tula, may mga katangian pa rin itong masisipat at mahuhugot doon ang ilang kumbensiyong lumitaw noong nakaraang panahon hinggil sa pagsulat ng malayang taludturan.
Mga Kumbensiyon
Pagbubuo ng taludtod at saknong ang lunduan ng malayang taludturan, at heto ang ilang maituturing na kumbensiyong lumitaw sa iba’t ibang panahon:
- Maaaring magkaroon ng isa o mahigit pang saknong, bagaman di-regular ang sukat at tugma ng mga taludtod sa saknong.
- Nakasalalay ang haba o ikli ng taludtod sa disenyo, balangkas, at pamamaraan ng pagdiriin ng ritmo at himig.
- Maaaring magkaroon ng simetriya [at kadensiya] ang mga saknong, bagaman walang mahigpit na sukat ang mga taludtod, at nang maipamalas ang balanseng arkitektura ng tula. Halimbawa, kung ang unang saknong ay binubuo ng sampung taludtod, ang ikalawa at kasunod pang saknong ay may gayon ding bilang ng mga taludtod.
- Sa maraming tulang may malayang taludturan, hindi isinasaalang-alang ang simetriya ng mga saknong, bagkus ang ang tinig o mga tinig ng mga tauhan.
- Kung mala-epiko ang tula, maaaring hatiin ito sa mga yugto, at bawat yugto ay maaaring makapagsarili o kaya’y makalikha ng isang bukod na tula sa loob ng tula. Sa mahahabang tula ni Rio Alma, halimbawa sa Oriental, ginamit ang pamamaraan ng simponiya sa musika, kay may simulang mabagal, pagdaka’y bibilis, lalakas, tataas, bababa, at hihina, at muling tataas na yugto na waring akyat-baba sa bundok nang mapatindi ang kapanabikan, at masustini ang damdamin o kaisipan.
- Sa mga tulang tuluyan, ang saknong ay nagiging talata. At ang tula ay maaaring isang talata lamang.
Matatagpuan ang kumbensiyon sa estruktura o balangkas ng tula, at ang balangkas ng tula ay nakasalalay sa nilalaman at pinapaksa ng tula.
- May pagpapahalaga sa mga tunog ng dulong salita ng bawat taludtod o pangungusap, at pagpili ng mga salitang may maiindayog na tunog.
- May ritmo, ayon na rin kay Vega, at ito ay ginagabayan ng mga taktika ng repetisyon ng mga salita at diwa.
- Sa mga tulang tuluyan, may isa o higit pang talata.
- May partikular na paglalahad, paglalarawan, o pangangatwiran na pawang iniaayon sa persona, tinig, at himig ng tula, at maihahalimbawa rito ang buong koleksiyon ng tulang tuluyan ni Mike L. Bigornia, na pinamagatang Prosang Itim (1996).
- Sinematograpiko ang punto de bista, gaya sa mga tula ni Aloysius Bertrand.
- Ang anyo ng mga saknong ay maaaring idisenyo sa anyong ipinahihiwatig ng pamagat o kabuuan ng tula, halimbawa, gaya ng anyo ng bulkan ni Benigno Ramos o ni Frank Peñones, ahas ni José Corazón de Jesús, at kuhol ni Rio Alma.
Nagkakatalo ang maraming tula sa nilalaman, bagaman ang nilalaman ng tulang may malayang taludturan ay nagagabayan pa rin ng ilang kumbensiyon, gaya sa sumusunod:
- Ang “organikong anyo” [i.e., balangkas ng akda na likas na sumibol mula sa paksa at mga bagay na kinasangkapan ng makata], gaya sa pakahulugan ni Samuel Taylor Coleridge, ang magiging gabay sa retorika ng tula, kung hihiramin ang konsepto ni Hartman. Kung babalikan ang kritika sa “Ako ang Daigdig” ni Abadilla, ang banat ni Clodualdo del Mundo sa di-pagkatula ng akda ni Abadilla ay masasagot sa pag-urirat sa organikong anyo ng akda at ang sinadya o di-sinasadyang paglitaw ng tani-tanikalang pahiwatig at pakahulugan mula sa serye ng pag-uugnay ng mga salitang “ako,” “daigdig,” at “tula.”
- May “panloob na daloy” o “damdaming matulain” kung hihiramin ang winika ni Alejandro G. Abadilla; at “pag-uumapaw ng damdamin” kung hihiramin ang winika ni Ildefonso Santos.
- Kaugnay ng binanggit sa itaas, may “lirisismo” ayon kay Vega, bagaman ang lirisismong ito ay higit na nakakiling sa indayog ng tunog ng bawat salita sa taludtod na nakapagpapasidhi ng damdaming kaugnay ng kaisipan ng tula.
- May “talinghaga/kaisipan at kariktan” na pawang pinakakaluluwa ng tula, kung hihiramin ang winika nina Lope K. Santos at Iñigo Ed. Regalado.
- May sentral na diwain ang tula, at ang diwaing ito ay gumagalaw alinsunod sa pamamaraan at himig ng personang nagsasalita sa tula.
- Karaniwang kumbersasyonal ang himig ng nagsasalita sa tula.
- Maaaring isang piraso ng hulagway ang linangin sa loob ng tula, at ang hulagway na ito, na kaugnay man ng malaking lawas ng iba pang hulagway, ay nagkakaroon ng sariwang pagtanaw kapag itinanghal sa pambihirang anggulo.
- Ang wakas ay kabaligtaran ng mga isinaad sa mga unang talata o saknong.
Ilan lamang ang binanggit dito na maituturing na kumbensiyon sa pagsulat ng malayang taludturan. Nakakargahan lamang ng iba’t ibang pagtanaw ang malayang taludturan, na isang kakatwang taguri, dahil ang “pagkamalaya” ng taludturan ay nakasalalay pa rin sa kabihasaan ng makata sa pagsasakataga ng mga bagay na matalinghaga.
(“MALAYANG TALUDTURAN: Pag-ugat, Paglaganap, at Pagtanaw sa Panulaang Filipino,” lektura ni Roberto T. Añonuevo para sa mga bagong fellow ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo [LIRA] na ginanap sa Ortigas Foundation Building, Ortigas, Lungsod Pasig noong 15 Agosto 2010.)
MGA TALA
[1] San Agustin, Fr. Gaspar de S. Compendio del Arte de la Lengua Tagala. Manila: Imprenta de Amigo del Pais, 1703. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.
[2] Bencuchillo, Fr. Francisco. Arte Poetico Tagalo, 1895. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.
[3] Rizal, Jose. Arte Metrica de Tagalog, Traducido del Aleman, 1887. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.
[4] Mula sa Reglas del Tayotay en Tagalog ni P. Joaquin de Coria, na sinipi ni Lope K. Santos sa kaniyang Santos sa kaniyang Peculiaridades de la Poesia Tagala.
[5] Rizal, op. cit.
[6] Santos, Lope K. Peculiaridades de la Poesia Tagala, Manila: Universidad de Filipinas, 1929. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.
[7] Kabilang sa mga bumuo nito si Iñigo Ed. Regalado na naglista ng mga katawagang pampanitikang isinumite niya sa Institute of National Language noong 1947.
[8] Regalado, Iñigo Ed. Ang Panulaang Tagalog, 1943, na dumaan sa ilang rebisyon hanggang mailathala noong 1947 ng Institute of National Language, Tomo 6, Bilang 5.
[9] Santos, op. cit.
[10] Regalado, op. cit.
[11] Abadilla, Alejandro G. “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan” na nalathala sa Liwayway noong 8 Hulyo 1944, at muling inilathala sa Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan, na inedit ni Soledad S. Reyes ng Anvil Publishing Inc. noong 1992.
[12] Basahin ang pambungad na diskurso sa Lectures on Art (1840), na ang elektronikong teksto ay nasa http://www.gutenberg.org/files/11391/11391.txt.
[13] T.S. Eliot (1888–1965). The Sacred Wood: Essays on Poetry and Criticism. 1922.
[14] Basahin ang “Simula ng Bagong Panahon ng Tulang Tagalog” ni Ildefonso Santos na nalathala noong 1944, at muling inilimbag sa Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan, na inedit ni Soledad S. Reyes ng Anvil Publishing Inc. noong 1992.
[15] Basahin ang “Kinalburong Damdamin o Musang Pinormalin” ni Virgilio S. Almario sa kaniyang aklat na Ang Makata sa Panahon ng Makina. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 1972 na sumasagot sa uri ng pamumuna nina Aniceto Silvestre at Clodualdo del Mundo samantalang pinupuwing ang koleksiyon ni Regalado na “tila pagsisinop ng mga buto ng dinosaur” [i.e., sinauna o laos na]. Na isang mabalasik na puna na hindi natitigan nang maigi ang konsepto ng “damdamin” bilang panloob na agos [Abadilla] o kaluluwa [L.K. Santos] ng tula.
[16] Vega, Ruben. “Ang Pagkakaisang-Anyo ng mga Panahon sa Panulaan,” na kabilang lathala ng Surian ng Wikang Pambansa (na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino), bilang 34-02, Pebrero 1971, p. 47.
[17] Basahin ang aking karagdagang paliwanag sa “dagli” at “tulang tuluyan” sa http://alimbukad.com/ 2008/08/06/prosang-itim-at-tulang-tuluyan-sa-filipino/.
[18] Kabilang sa Mga Tulang Tagalog, Unang Bahagi, na antolohiyang binuo ni Teodoro A. Agoncillo ngunit hindi pa nalalathala. Walang petsa ang nasabing antolohiya.
[19] Vega, op. cit., p. 42.
[20] Interbiyu kay Robert Frost, 1950, at sinipi sa Ikalabing-anim na edisyon ng Bartlett’s Familiar Quotation, na inedit nia John Bartlett at Justin Kaplan. Boston New York Toronto London: Little Brown and Company, 1992, p. 625.
[21] Hartman, Charles O. Free Verse: An Essay on Prosody. New Jersey: Princeton University Press, 1980.