Awit ng Sugat, ni Farrokh Tamimi

salin ng tatlong tula ng makatang Iranian Farrokh Tamimi.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TAGLAGAS

Hungkag ang pugad ng mga uwak
na nasa sangang tuyot ng ubaning sikomoro.
Sa himpapawid,
dalawang satin-tinta ang pumatak.

BUHAY

Hiniwa ko ang gabi
sa labaha ng umaga
at isinabit ang araw
sa bulawang kuwadro
sa nabiyak na pader
ng kalendaryo ng buhay.

AWIT NG SUGAT

Pumasok sa bintana ang simoy
na sakay ang huni ng mga kanaryo
ng kapitbahay at aking narinig.
Sugatan ang huni ng mga kanaryo
na nakakulong sa mga hawla,
at nanatili nang matagal sa lalamunan
ng ibon ang luma’t maantak na kirot.

Ikinuwadro sa semento at bakal ng lungsod,
malayo sa kariktan ng bukid, parang, at burol,
pinahalagahan namin ang awit ng bilanggo.

Ang Babaeng Minamahal ko, ni Hafez

salin ng tula ng makatang Iranian na si Hafez (Khwāja Šamsu d-Dīn Muḥammad Hāfez-e Šīrāzī).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles ni Daniel Ladinsky.

ANG BABAENG MINAMAHAL KO

Dahil ang Babaeng minamahal ko ay nabubuhay
Sa  kaloob-looban mo,

Lumalapit ako sa katawan mo sa anyo ng mga salita
Hangga’t makakaya ko—

At iniisip kita sa lahat ng oras, mahal kong peregrina.

Dahil ang tao na iniibig ko ay sumasama sa iyo
Saan ka man magtungo,
Si Hafez ay palaging nasa tabi mo.

Kung uupo ka sa tabi ko, manlalakbay,
Ikaw na may busilak na sinag mula sa maraming
Bato-balani,

Mapipigil ng labi ko ang humangos sa iyo at dampian
Ang namumula mong pisngi,

Ngunit ang aking mga mata’y mabibigong ikubli
Ang kabigha-bighaning katotohanan kung sino
Ka nga ba talaga.

Ang Maganda na aking sinasamba
Ay nagtirik ng kaniyang Maharlikang Silungan
Sa loob mo,

Kaya malimit kong idirikit ang aking puso
Nang matalik sa iyong kaluluwa
Hangga’t aking makakaya.

Baalbek, ni Nadia Tueni

salin ng tula ng makatang Lebanes Nadia Tueni (na isinilang sa pangalang Nadia Hamadeh).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles ni Samuel Hazo.

BAALBEK

Kapag sinalpok ng sinag ng araw ang tuod,
At namukadkad ang buwan,
Batid ng mga landas ng Baalbek
Ang kabughawan ng mga sayaw;
Nababalot ng katahimikan ang mga bagay
Na animo’y pinahiran ng langis.
Ang mga bato at uniberso ay nagbubunyag
Ng mga lihim.
Sumasakay ng kabayo ang mga gunita,
Waring mabibigat na nakabaluting kabalyero
Na kinakaladkad ang mga dasal at diyos
Pababa sa mga lansangan.
Umaahon ang gabi mula sa madilim na selda,
Tulad ng buwitre mula sa maputing paghimbing.
Mag-uulap ang Heliopolis na maunos.
Sa paanan ng bawat ng haligi’y sumasabog
Ang natutulog na bituin at magliliwanag
Sa katanghaliang-tapat.
Kumikinang ang wika nito, may-sa arkitektura
Ang mga galaw,
Ang Baalbek ay handog mula sa mga pamana
Ng daigdig.

Mga haligi ng Baalbek. Retrato mula sa Wikimedia Commons.

Mga haligi ng Baalbek. Retrato mula sa Wikimedia Commons.

Taglagas Ngayon, ni Mihai Eminescu

TAGLAGAS NGAYON

salin ng tula ni Mihai Eminescu.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Taglagas ngayon, kalat sa lupa ang mga dahon,
At naiiwan ang mga hamog sa may bintana;
Nagbabasa ka ng lumang liham na kupas, sira,
at binalikan ang iyong búhay minsan pa noon.

Sa munting bagay ay nalugod kang maglustay-oras
At nayayamot kung lumagitik sa may salamin;
Kung nagyeyelo sa labas-bahay, mas nanaising
Nabí sa siga saka payapang lubos-mangarap.

Umupo ako sa aking silya nang nakatitig
Sa apoy nitong lumang salaysay at adang reyna;
Sa paligid ko’y may singaw-ulop na lumalamig.

At kumaluskos ang mga sutlang nukaw sa akin,
Habang ang yabag na mararahan ay papalapit . . .
At tinakpan mo ng yelong kamay itong paningin.

Guhit ni Gustave Dore. Dominyo ng publiko.

Guhit ni Gustave Dore. Dominyo ng publiko.

Kalungkutan, ni Rainer Maria Rilke

salin ng “Die Einsamkeit” (1902)  ni Rainer Maria Rilke.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

KALUNGKUTAN

Ang pagkakalayo at pangungulila ay gaya ng ulan.
Umaalimuom ito sa gabi mula sa pusod ng dagat,
mula sa kapatagan, dalisdis at ilang, inaakyat nito
ang langit, na siya nitong sinaunang tahanan.
At kung aalis na sa langit, saka papatak sa lungsod.

Umuulan sa ating piling sa mga sandaling tikatik
ang oras kapag humaharap ang mga daan sa liwayway,
at kapag ang dalawang lawas ay walang natagpuan,
nangabigo at nanlulumo, at nagpapagulong-gulong;
at kapag ang dalawang tao na nasusuklam sa bawat isa
ay kailangang matulog nang magkasiping sa isang kama—

iyan ang yugtong sumasagap ng mga ilog ang lungkot.

Magdaragat at Isda, ni Alis Balbierius

salin ng mga tula ng makatang Lithuanian Alis Balbierius.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

MAGDARAGAT SA TABERNA

Lumalalim nang lumalalim ang kopa: naging dagat ito,
. . . . . . na walang matatanaw na baybayin.
Kung ikaw ay gaya ng baroto, magaan kang makapaglalayag
sa pulahan, sumasayaw na lalim, na ang bulawang
araw ay nakapinta sa layag mo at ang tunay na araw
. . . . . . ay nasa iyong ulunan.
Nasaan ang mga paglipad, ang maririkit na sayaw sa kambas
ni Matisse? Ang mga pagdama’y nababasag na yelo,
habang ang kopa ng alak ay gaya ng angkla, ipinapako
. . . . . . ka sa ibabaw ng mesa ng taberna.
At hinggil sa dagat, naroroon lamang ang asul sa mga balintataw
. . . . . . ng matandang magdaragat.
Hindi na lamang bagyo ang naghahari sa kaniya tuwing gabi sa kama,
. . . . . . bagkus ang ulilang alak na hindi bumabagsak ang halaga.

KALISKIS-ISDA

Ang aklat ng mangingisda: ang mga kaliskis ng isda.
Mula sa dagat, mula sa lawa, mula sa batis ng mga ilog.
Ang kaliskis ay singsing na marka sa punongkahoy:
nakasulat doon ang talambuhay ng isang isdang taglay
ang mga kuwentong-buhay ng lahat ng isda ng daigdig:
ang mga taon, taglamig at tag-araw, ang bawat sandali.
Tandaan: bawat isda ay marangal, nabubuhay na nilalang.
Kung hindi ka nagugutom, huwag pumatay ng isda:
iyan ang mensahe na nakasulat sa bawat kaliskis mahigit
ilang milyong taon na ang nakalilipas.

DAAMBAYAN

Sa pagdagdag ng bilis, lumalabo ang mga mukha sa walang-
. . . . . . anyo, di-kilalang lawak.
Ang mga tanawin ay naghunos na mga larawang ipininta
. . . . . . ng kung sinong baliw na pintor, na may mga kulay
. . . . . . na marumi at ang mga linya ay tungo sa walang hanggan.
Sino ang nariyan upang tingnan nang panatag ang puno, bato, tao?
Ang daambayan ng sibilisasyon ang pinakamapanganib
. . . . . . na narkotikong matatamo ng tao.
Pagmumuni, linaw ng isip: ito ang mga estatikong bagay
. . . . . . na marapat ilahok sa Pulang Aklat.
Totoo ba na isinumpa tayo na humarurot nang mabilis,
. . . . . . pabilis nang pabilis, hanggang tayo’y maglaho?
Pakaunti nang pakaunti ang mga tao na may tapang lumundag
. . . . . . sa daambayan tungo sa walang tinag, basâ sa hamog
. . . . . . na damuhan sa gilid ng lansagan.

Simula ng Pag-ibig, ni Jason Montana

salin ng tulang “Love Beginning” ni Jason Montana.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

SIMULA NG PAG-IBIG

Ngayong umaga’y umimbulog ang pulang banog
upang tingnan ang iyong pag-akyat sa kubling bagnos.

Samantala, umaawit ako sa mga ganitong tarik
ng pagmamahal na sumisibol sa Ifugaw na langit.

Naglaho ang maiitim na pangkat ng mga rebelde,
at muling lumitaw ang malilinaw na bukal sa tabi

ng lupain upang magtipon bilang paglalagom
ng daan-daang ilog ng mga masang nagugutom.

Ang Partido ay nasa gitna ng gayong pakikibaka.
Umuulan ng pinilakang anyo ng kamalayang masa

upang dumaloy nang masinop sa bawat payyo,
sa bawat hamlet,  sa mga tao tungo sa bagong hukbo.

Ang saluysoy ng mga batis sa loob ng mga gubat
ay babala sa bulók na rehimeng ito ay babagsak.

Dumarating ang mga taganayon para sa pulong-bayan.
Nabubuo ang mga sirkulo sa lilim ng tatlong bahay.

Ipinapasa ang bilot para sa mga ngangang ngunguyain,
at sasapit ang dambuhalang banog upang lumilim.

Pagsunog ng Koran

Binubuhay ni Pastor Terry Jones, pinuno ng munting sekta ng mga Protestante sa Estados Unidos, ang sining ng prehuwisyo at poot laban sa Islam na taliwas sa dapat asahan sa isang alagad ng simbahan. Sa Setyembre 11, nakatakda niyang sunugin ang mga sipi ng Koran sa piling ng kaniyang mga alagad, upang ipagunita ang madugong 9-11 atake ng mga Islamistang rebelde sa Amerika. Marami ang nabulabog sa dogmatikong pahayag ng butihing pastor, na ikinangingitngit ng mga Muslim sa iba’t ibang panig ng daigdig, dahil ang kaniyang pahayag ay sinasaplutan ng pangangatwiran ng pananampalatayang relihiyoso imbes na maging lohiko.

Pinanaig ni Jones ang sukal ng damdamin laban sa itinuturing na sagradong aklat ng mga Muslim na tiyak kong hindi niya nabasa sa kabuuan. At ang Koran, na nagtataglay ng samot-saring pakahulugan, sagisag, at halagahan sa panig ng pangunahing relihiyon sa daigdig, ay yuyurakan sa paraang sinematograpiko upang igiit ang sinaunang krusadang relihiyoso na handang sumabay sa armadong digmaan at pananakop na pawang isinusulong ng Amerika at ng mga alyado nitong bansa sa Afghanistan, Iraq, Lebanon, Pakistan, Palestine, at sa Gitnang Silangan sa kabuuan.

Ngunit sa oras na gawin iyon ni Jones, ang mga salita sa Koran ay lalong magiging eternal at makapangyarihan. Ang Koran ay hindi na lamang magiging newtral na artefakto at malamig na teksto. Ito ay babangon mula sa mga abo, magkakaroon ng bagong anyo, magtitindig ng kontra-diskurso laban sa baryotikong pananaw ni Pastor Jones, at marahil ay makahihimok ng bagong hanay ng mga radikal na deboto upang ipagpatuloy ang pakikibaka para wakasan ang prehuwisyo, katangahan, at kapaluan ng mga Amerikanong hangga ngayon ay bansot mag-isip.

Nakapangingilabot ang pagsulpot ni Jones dahil isinasakatawan niya ang diwain ni Joseph McCarthy na lumilikha ng Kubling Digmaan na sa pagkakataong ito ay may kaugnayan sa relihiyon. Ngunit higit na barbaro bagaman banal itong si Jones, na parang emperador o obispo na handang sunugin ang aklatan at ilibing nang buháy ang mga iskolar ng Islam. Sabihin mang simboliko ang pagsunog ng Koran, ang mismong asal na iyon ay nagpapalaganap ng ultimong karahasan na pangkaisipan at pangkalooban na pawang tumututol kumilala sa pambihirang pananampalataya at paraan ng pamumuhay.

Kailangang iwaksi ang halimbawa ni Pastor Jones.

Nakapagtataka na kahit sa Amerika ay nagaganap pa hangga ngayon ang librisidyo. (Kung ang librisidyo ay tumutukoy sa panununog ng aklat at iba pang kaugnay na babasahin dahil sa pagtutol na moral, politiko, at relihiyoso, ang pagtutol na ito ay dapat ibinabatay ni Pastor Jones sa aral na nakalimbag sa Koran at hindi sa mga lihis na pangangaral ng kung sinong radikal na Islamista.) Ang librisidyo ay ginagawa upang ipataw ang kapangyarihan ng awtoridad sa madla, at imbes na hayaan ang madlang mag-isip ay binabansot ng propaganda ang madla para sumunod sa atas ng awtoridad alinsunod sa paghalukay ng damdamin. Ang pagpapasiklab ng damdamin ang minamabuti ng librisidyo, at ang dapat sanang diskurso hinggil sa isang usapin ay natatabunan ng paninigaw at pang-uusig.

Kahit sabihin pang bulok ang isang aklat o babasahin, hindi mawawakasan ang halina nito sa panununog, gaya sa Sunog sa Moriones noong dekada 1940 na ginawa ng mga panitikerong tutol sa sinauna’t de-kahong pagsusulat sa Tagalog, o kaya’y pagsisiga ng mga aklat at tropeo sa tabi ng Pambansang Aklatan noong dekada 1970 para tutulan ang nakababansot na literaturang pinalulusot umano ng matatandang tinale. Sa panununog ng aklat, nabubura nang pansamantala lamang ang mga salita, ngunit nananatili ang bulok na diwaing maaaring umiral at magsilang ng bagong prehuwisyo kahit sa isip ng mga tao. Ang kinakailangan kung gayon ay paglikha ng sariwang panitikang sumasagot, at sabihin nang nagdudulot ng alternatibong kaisipan kung alternatibo ngang maituturing, sa mga dating inilalathala ng awtoridad.

Ang kailangan ng panahong ito ay mga intelektuwal—imbes na arsonistang pastor at aktibistang utak-pulbura—na handang isatitik ang kanilang karunungan, saliksik at guniguni sa pinakamasining na paraan. Sa unang malas ay mapanganib ang ganitong tindig, dahil sino bang nasa poder ang nais makabangga ang mga intelektuwal na magbubunyag ng kaniyang lihis na pamamalakad? Ngunit kinakailangan ang mga intelektuwal na magpapanukala ng sariwang pagtanaw at pananaw, para ipaliwanag ang mga sinaunang diwaing nangangailangan ng sariwang pagtitig at interogasyon, na makatutulong sa mga tao sa paraang realistiko, pragmatiko, at pilosopiko.

Naganap na ang madugong 9-11, at maaaring maulit pa ito kung hindi mapipigil ang paglaganap ng mga sungayang Pastor Jones na handang maghayag ng ebanghelyo ng poot, prehuwisyo, at katangahan laban sa mga mamamayan ng daigdig.

Guniguning Kirot

salin ng tulang tuluyang “Phantom Pain” ni Maxine Chernoff.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

GUNIGUNING KIROT

Makaraang mawala ang hita, nanatili ang kirot gaya ng emblema; kaya ang kidnaper ay hindi malilimot ang mga pabatid na ransom. Ang mataas na maninisid, na naglaho sa subway, ay binabanat nang mapagsanggalang ang kaniyang mga kalamnan. Pumusyaw ang mga manonood na parang alon sa tubigang walumpung talampakan ang lalim. “Doon,” itinuro ang ilong ng nakaupong pasahero, “ako babagsak.” Lumingon ang baliw na bombardero sa kaniyang asawa at nagwikang, “Iiwan ko ang aking trabaho para sa iyo.” Inisip niya ang maseselan nitong bomba na pinauupos, gaya sa mga tagpo sa pelikulang pinaaandar nang pabalik. Samantala, ang kidnaper, na naging pabaya  dahil sa pagiging maramdamin, ay nailaglag ang pabatid na ransom sa upuan ng subway. Ang konduktor ng tren, na kagabi’y napanaginip ang salarin, ay itinago ang pabatid gaya ng ninakaw na pistolang isinilid sa sombrero. Pagkaraan, ang bombardero ay huminto sa hapunan ng mga tanyag na bombardero. Balisa, naibagsak niya ang  tasa ng kape, na ang mga piraso ng bubog ay sumambulat sa kaniyang paanan.

Mga Apotegma at Payo, ni Colette Inez

salin ng “Apothegms and Counsels” ni Colette Inez
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA APOTEGMA AT PAYO

Kapag may nagwikang napakapandak o napakaliit mo,
sabihing di nunusok sa karton ang diyamanteng aspile.

Kapag may nagwikang napakalapad ng lawas mo,
sabihing ikaw ay Amazon na ganap na nakalarga.

Kapag may nagwikang malalaki ang suso mo,
sabihing binili mo iyon sa Kathmandu
at nang isukat ay madilim ang mga silid.

Sabihing ang gisantes ay hinahangad sa Prague
kapag may nagwikang maliliit ang utong mo.

Ano ang timbang mo sa araw o kaya’y sa buwan?

Tone-tonelada kung sa araw.
Libra-libra kung sa buwan.
Ginagawa kang magaan ng pagmamahal.

Kapag may nagsabing napakalayo mo,
ikatwiran ang Epektong Doppler,
na isinusulat mo ang kasaysayan ng liwanag
para sa mga anak ni Pythagoras.