Parang Ganiyan, ni Nicanor Parra

salin ng tula ng makatang Chileno Nicanor Parra.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PARANG GANIYAN

Natatawa si Parra na tila kondenado sa impiyerno
ngunit kailan hindi natawa ang mga makata?
Kahit paano’y inihayag niyang tumatawa siya

pinalipas niya ang mga taon
ang mga taon
kahit paano’y waring lumilipas
hindi ito hungkag na hinuha
umiiral ang lahat na waring dumaraan

ngayon magsisimula na siyang maluha
makakaligtaan na siya’y laban-sa-makata.

0

Huwag mo nang pigain ang utak [sa kasusulat]
walang nagbabasa ng mga tula ngayon
hindi mahalaga kung mabuti o masama iyon

0

Apat na kahinaang di ako patatawarin ni Ophelia:
matanda
dukha
komunista
at Pambansang Premyo ng Literatura

<<maaaring patawarin ka ng aking pamilya
sa unang tatlo
ngunit hindi kailanman para sa pangwakas>>

0

Ang bangkay ko at Ako
ay nauunawaan ang bawat isa nang kahanga-hanga
tanong sa akin ng bangkay: naniniwala ka sa Diyos?
at tumugon ako nang malakas HINDI
tanong sa akin ng bangkay: naniniwala ka sa gobyerno?
at sumagot ako ng karit at martilyo
nagtanong ang bangkay ko: naniniwala ka sa pulis?
at sinagot ko siya ng malakas na bigwas sa mukha
tumindig siya at lumabas ng kaniyang ataul
at magkakawit-bisig kaming nagtungo sa altar

0

Ang tunay na problema ng pilosopiya
ay kung sino ang naghuhugas ng pinggan

wala nang labas sa daigdig ang mahalaga
. . . Diyos
. . . . . . ang katotohanan
. . . . . . . . . ang paglipas ng panahon
ang ganap
ngunit bago ang lahat, kung sino ang naghuhugas-pinggan

sinuman ang nais gumawa nito, sige magpatuloy
magkita muli tayo, buwaya,
at magbabalik tayo bilang magkaaway

0

Gawaing bahay na takdang aralin:
sumulat ng soneto
. . . na nagsisimula sa sumusunod na sukat:
. . . nais kong mamatay nang una sa iyo
at magwawakas sa karugtong na taludtod:
. . . ngunit mabuti nang kasunod mo ako

0

Batid mo ba ang naganap
habang nakaluhod ako
sa harap ng krus
at nakatitig sa Kaniyang mga sugat?

ngumiti Siya sa akin at kumindat!

akala ko dati’y hindi Siya humahalakhak:
ngunit ngayon ay nananalig ako nang tapat

0

Isang uugod-ugod na matanda
ang naghagis ng mga pulang klabel
sa ibabaw ng ataul ng mahal niyang ina
ang naririnig ninyo, mga binibini’t ginoo:
isang huklubang lasenggo
na binobomba ang libingan ng ina niya
ng mga kuwintas ng mga pulang klabel

0

Huminto ako sa isports kapalit ng relihiyon
(nagsisimba ako tuwing Linggo)
ipinagpalit ko ang relihiyon para sa sining
ang sining para sa matematikong agham

hanggang sumapit ang liwanag ng isipan

at ngayon, naglalandas na lamang ako
na walang pananalig sa kabuuan o bahagi nito

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.