salin ng mga tula sa Hapones ni Ryuichi Tamura.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
TANAWIN 1
Bumulusok sa langit ang ibon
Naroon ang bukid
para sa isang ibong binaril noong walang katao-tao
Lumabas ng bintana ang palahaw
Naroon ang daigdig
para sa palahaw na binoga noong walang katao-tao
Naroon ang langit para sa maya. Bumagsak ang munting maya sa langit
Naroon ang bintana para sa sigaw. Narinig ang sigaw sa bintana lamang
Hindi ko alam kung bakit gayon
Nadarama ko lamang kung bakit gayon
Para sa ibon, kailangan ang kung anong taas
Kailangang may bagay na ipinid nang mahigpit
upang marinig ang siyap
Habang may patay na ibon sa bukid, sakmal ng kamatayan ang aking isip
Habang sakmal ng kamatayan ang isip, walang tao sa bintana ng daigdig
DAAN PAUWI
Hindi na dapat ako nag-aral ng mga salita
higit na makagagaan sa akin
kung mamumuhay ako sa daigdig
na walang saysay ang mga pakahulugan,
ang daigdig na walang mga salita
Kung maghiganti sa iyo ang maririkit na salita
ay wala akong pakialam
Kung paduguin ka ng mga impit na pahiwatig
ay hindi ko na iyan dapat alalahanin
Ang mga luha sa iyong matimtimang mata
ang kirot na tumutulo mula sa tahimik na dila—
Susulyapan ko lamang iyon at tatalikdan palayo
kung ang ating daigdig ay walang mga kataga
May kubli bang pakahulugan
ang mga luha mong gaya ng ubod ng prutas?
May kumikinig bang alunignig ng kislap ng gabi
ang takipsilim ng daigdig sa patak ng dugo mo?
Hindi na dapat ako natuto ng mga salita
kahit alam ko ang Hapones at katiting na banyagang wika
Tuwid akong nakatindig sa loob ng iyong mga luha
at mag-isang nagbabalik padaloy sa iyong dugo