salin ng mga tula ni Charles Simic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
MGA KULIGLIG
Mapapalad ang mga hindi
Nauubusan ng panahon
Sa kailaliman ng magdamag,
Ngunit hila ang mga paa nito,
Bilanggo ng sandali,
Tulad ng nag-iisang layag
Na nakabitin sa baybayin
Habang takipsilim,
May ilang kanaway
Na kapiling doon sa langit,
At malapit sa tahanan,
May kuliglig, kuliglig, kuliglig.
MAY ILAW SAANMANG PANIG
Hindi dapat ipabatid sa hari na sasapit ang gabi.
Tinutugis ng kaniyang mga hukbo ang mga anino,
Hinuhuli ang mga tariktik at tigmamanukin
At pinalalagablab ang mga bayan at nayon.
Sa kabisera, naglilibot sila para kumpiskahin
Ang mga orasan, sinisigaan ang mga erehe’t
Kinukulayan ang liwayway sa ibabaw ng bubungan
Para batiin natin ang isa’t isa ng magandang umaga.
Tumitilaok ang tandang na nakatali ang paa,
Pinilit na nakabukad ang mga bulaklak sa hardin,
Ngunit nagmantsa ang dilim sa sahig ng palasyo
Na hindi kailanman mapapawi ng anumang kuskos.