Anos

Matutunghayan isang araw na tumatawid ka sa lansangan ng apoy at guho. Ang palasyo na tinutuluyan mo’y alaala na lamang ng abo at usok. Naubos ang mga punongkahoy at halaman sa bakuran. Humilig kung hindi man tumumba ang mga poste at pader. Nagsisilikas ang iyong mga kaanak at kapitbahay, at nag-uunahan sa pagsakay sa trak, dyip, o kalabaw. Humuhugong ang sirena, at ang panganib ay lumulukob na parang kawan ng ilahas na paniki. Maglalakad ka na waring may hinahanap. Kakabahan ka sa sinapit ng kapatid. Lilingon ka nang paulit-ulit, at pilit na isinasahinagap ang rimarim at kaguluhan. Lilinga ka sa kanan, at pagkaraan sa kaliwa, at kung may diwata kang ninang ay naisip mo marahil na ililigtas ka ng mahiwagang karwahe. Wala kang baon, at umaasa na lamang na magpapaulan ng tinapay ang kung sinong Maykapal. Maya-maya’y masasalubong mo ang isang gusgusing hukluban, at nang magtagpo ang inyong paningin ay ano’t tila binabati ka ng “Maligayang kaarawan!” Hindi mo matandaan kung saan mo nakita ang matanda, at magtataka sa kaniyang winika, at aakalain mong napagkamalan ka lamang na kakilala o kaibigan. Iiling ka na lamang, at mapapabuntong-hininga. Lalakad ka pa nang lalakad na waring walang katapusan. Pagkalipas ng ilang taon, at ganap ka nang tigulang, matutuklasan mo ang sarili kung bakit kailangang itindig ang tahanan o pamayanan; o kung bakit dapat manalig sa taimtim na pagmamahal.

[“Ános,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 11 Nobyembre 2010.]
"Paglikas sa nayon," pintura ni G.N. Gruzinsky

"Paglikas sa nayon," pintura ni G.N. Gruzinsky. Dominyo ng publiko.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.