Ano ang maisisilid sa puwang na ito? Matatangkad na gusali marahil, na magkaharap at nagkikislapan ang mga salamin, at sinumang tumingin ay malulusaw sa init. Mainit ang pagitan ng mga pader gayong napakalamig ng akondisyonadong paligid. Nanaisin ng sinumang magkabalikat na tawirin ito, panatilihin sa gunita, at sa piling ng saitan ay hahayaang matunaw ang gulugod sa paghuhugpong ng mga katawang lumulusog na tambakan ng basura at layaw. Bawat panig ay napakasiksik, at upang mapanatili ang mga estruktura’y kinakailangan ang matatag na lupaing nag-aangkin ng bituka ng adobe o marmol. Maaaring kumuliling ang kung anong kalatong kung hindi man batingaw na hudyat ng pagwawakas o paghuhukom ni Tuhan. Magiging simbilis ng mola ang sikad ng panahon. Sisingasing ang mola na sumasakay sa elektromagnetikong alon. Magtitinginan ang mga gusaling pumikit-dumilat ang mga bintana. Samantala, mananatili sa gitna ng lansangan ang estatwa ng tsonggo na tangan ang binalatang saging, at nakamuwestrang lastag, nanggagalaiting suwail. Lalawak nang sukdol ang espasyo kahit limitado ang panahon, tulad ng maisisilid sa komiks. Maiiwan sa sahig ang mga anino, habang bumabanda ang sinag sa kanilang landas na sinisilip, kung hindi man bantulot na tinatahak.