Humihirap ang pag-unawa sa tula dahil ang pakahulugan ng “tula” ay hindi na lamang maikakahon sa “tugma, sukat, kariktan, at talinghaga” gaya ng unang winika ni Lope K. Santos, at pinalawig pagkaraan nina Julian Cruz Balmaseda at Iñigo Ed. Regalado. Pumasok ang kaso ng “malayang taludturan” nang tawagin ni Amado V. Hernandez noong 1931 ang kaniyang akdang pinamagatang “Wala nang Lunas” na “maikling kuwento sa tuluyang tula.” Samantala, gagamitin ni Alejandro G. Abadilla noong 1932 ang tawag na “kaunting tula at kaunting tuluyan” sa kaniyang kauna-unahang pagtatangka ng munting tulang tuluyan [petit poeme en prose].
Lalong hihirap ang pag-unawa sa tula kung ilalahok sa pakahulugan ang bersong itinatanghal nang paawit kung hindi man pahimig, at inaangkupan pa minsan ng indak, iyak, at paglulupasay. Ang dating Balagtasan—na matalim na pagtatalo sa pamamagitan ng tulang may sukat, tugma, siste, at talinghaga—ay napalitan ng “rap contest” at “lyrical battle” sa kasalukuyang panahon ng jologs at jejemon. Itinuturing na ring tula ang mismong disenyo at ayos ng mga salita o larawan, kaya ang disenyo ay pinapatawan ng higit na pagpapakahulugan kaysa sa kayang isaad ng nilalaman. Sa ibang pagkakataon, ang “tula” ay naikakahon sa gaya ng pinauusong mababaw na berso ng Makatawanan ng Talentadong Pinoy at waring panatikong representasyon ng himig ni Marc Logan.
Kung ganito kalawak ang pagpapakahulugan sa “tula,” kinakailangang baguhin din natin ang nakagawiang pagbasa ng tula. Hinihingi ng panahon ang masinop na paggamit ng mga lente ng pagbasa, at ang bawat lente ay dapat iniaangkop din sa piyesang sinusuri. Hindi ko ipagpapaunang higit na tama ang isang paraan ng pagbasa kaysa ibang paraan ng pagbasa. Gayunman, masasabing mapadadali ang pagbasa sa isang tula kung hahanapin ang mga panloob at panlabas na reperensiya ng pagbasa ng tula.
Ang panukala kong pagbasa ng tula ay may kaugnayan sa dalawang aspekto. Una, ang panloob na reperensiya ng tula, at siyang may kaugnayan sa gaya ng pananaludtod, pananalinghaga, at pagtukoy ng tauhan, himig, tinig, at iba pang sangkap na ginagamit ng makata. Sa yugtong ito, ang tula ay sinisikap na basahin alinsunod sa pamamaraan, sining, at punto de bista ng awtor, at ang mambabasa ay ipinapalagay na “maláy na mambabasa” na bagaman malaya ang pag-unawa ay kinakailangang pumasok sa itinuturing na kaayusan ng mga pahiwatig at pagpapakahulugan ng makata.
Sa kabilang dako, ang panlabas na reperensiya ng tula ay may kaugnayan sa tao, bagay, at pangyayari sa lipunan o kaligiran at siya namang ipinapataw sa pagbasa ng tula. Sa ganitong yugto, ang mga nagaganap sa lipunan ay hinahanapan ng katumbas na pakahulugan o pahiwatig sa tula; kaya ang tula ay mistulang alingawngaw o kabiyak, kung hindi man salamin ng lipunan. Kabilang sa panlabas na reperensiya ang pagtanaw at pagpapakahulugan ng mambabasa sa masasagap na pangyayari, talinghaga o disenyo mula sa realidad ng lipunan, at bagaman may bukod na pagpapakahulugan ang awtor ay nadaragdagan, nababawasan, o nahahaluan ng pagpapakahulugang nililikha ng mambabasa.
Higit na magiging dinamiko ang pagbasa ng tula kung susubuking gamitin ang dalawang reperensiya, na matatawag na “salimbayang pagbasa,” bagaman hindi maipapalagay na balanse ang pagtalakay. Maihahalimbawa ang tula ng batikang makatang Mike L. Bigornia.
SIYUDAD
Sinasamba kita, Siyudad,
Emperatris ng bangketa at bulebard,
Sultana ng estero at ilaw-dagitab.
Ikaw na parakaleng hiyas,
Kaluluwa at katauhang plastik,
Maha ng basura at imburnal,
Palengke ng busina at karburador,
Gusali, takong, pustiso at bundyclock.Sinasamba kita, Siyudad,
Kurtesano real ng karimlan,
Ikaw na pulang bampira at mama-san,
Primera klaseng bakla,
Paraiso ng bugaw, torero at burirak,
Sagala ng pulubi, palaboy at patapon,
Kantaritas ng kasa at sauna,
Beerhouse, nightclub at motel.Sinasamba kita, Siyudad,
Donya marijuana,
Unang Ginang ng baraha, nikotina at alkohol,
Matahari ng haragang tsapa, lumpeng tato,
Halang na gatilyo at taksil na balisong,
Ikaw na una’t huling dulugan
Ng kontrabando, despalko at suhol,
Pugad ng salvage, dobol-kros at rape.Sinasamba kita, Siyudad,
Ikaw at ikaw lamang ang aking amor brujo.
Itakwil man kita’t layasan,
Tiyak na ako’y magbabalik sa narkotikong katedral
Upang ulit-ulitin
Ang isang nakaririmarim na pag-ibig
At sambahin ang iyong ganggrenong kariktan
At kamatayang diyaboliko.
Maaaring sipatin ang tulang ito ni Bigornia alinsunod sa panloob na reperensiya, na may kaugnayan sa lungsod na inilalarawan ng isang tiyak na personang nakababatid o nakakikilala rito. Kung gagamiting punto ng reperensiya ang lungsod na ginamit ng makata, ang kasiningan ng tula alinsunod sa pananaw ng awtor ay maibabatay sa husay ng pagkasangkapan sa personang nagsasalita sa loob ng tula, at sa pagkatalogo ng mga bagay o pangngalang ginawa nito, na pawang maiindayog ang tunog, at kaugnay ng maselang pananaludtod at pananalinghaga. Pambihira ang ginawang paghahanay ng mga salita ng makata, at bawat pukol ng salita ay nag-iiwan ng nakaririmarim na imahen subalit ang parikala’y lalong nagiging kaibig-ibig ito sa panig ng personang nagsasalitang sungayan din kung mag-isip. Animo’y nabuhay muli ang gaya nina Charles Baudelaire at Arthur Rimbaud sa taktika ni Bigornia, at ang isang nakahihindik na tagpo’y naisasalin nang hindi binabanggit ang isang tiyak na marumi’t napabayaang pook. Maidaragdag din sa pagsusuri ng tula na ang paraan ng pagsasakataga ni Bigornia ay taliwas noon sa paglalarawan ng lungsod na kinasusuklaman. Ibig sabihin, sinusuway ni Bigornia ang kumbensiyon ng pagpuri sa lungsod, at kahit ang itinuturing na pinakapangit na pook ay napagbababanyuhay na pinakamaganda sa daigdig.
Kung gagamitin naman ang panlabas na reperensiya ng tula, ang tula ay maaaring basahin alinsunod sa representasyon ng mga salita doon sa realidad na ginagalawan ng mga mambabasa. Nagiging mabisa ang pagbasa alinsunod sa ipinapataw na pakahulugan ng maláy na mambabasa sa mga pangyayaring may kaugnayan sa trapik, prostitusyon, krimen, basura, droga, sugal, sindikato, at iba pa. Ang isang mambabasa, kung gayon, ay makapagpapanukala ng kaniyang haka-haka hinggil sa kaniyang lipunang batbat ng katiwalian at korupsiyon, at kung paanong tinatanggap [o dinadakila] ito ng isang tao na nagsasalita sa tula. Maaaring basahin kung gayon ang tula alinsunod sa laro ng kapangyarihan ng mga uring panlipunan, o kaya’y sa pananaw na moralistikong alagad ng simbahang tagapangalaga ng kaluluwa, at kung bakit tingnang mapanganib ang lumpeng intelektuwal na nagsasalita at pumupuri sa lungsod.
Kung paglalangkapin sa pag-unawa ng tula ang panloob at panlabas na reperensiya ng tula, ang tula ay magkakaroon ng panibagong pagtanaw. Lalalim ang saliksik hinggil sa pormalistikong pagdulog sa tula, gaya ng paglalaro ng tunog at salita, pagtitimpla ng pahiwatig at hulagway, pagsasalansan ng mga saknong at diwaing pinagbulayan nang maigi. Maiisip din na ang realidad ng lipunan ay hindi lamang ginagagad o ginagaya sa loob ng tula. Matutuklasan ng mga mambabasa ang naiibang realidad sa loob ng tula, kung iuunay ang nasabing kaligiran sa kanilang lungsod na pinagmumulan. Ang mga salita sa loob ng tula ay maaaring kumatawan sa ilang bagay, tao, o pangyayari sa tunay na buhay, ngunit hindi masasabing may iisang tabas ng realidad ang pinagmumulan ng lahat.
May sariling realidad ang loob ng tula; at kung matagumpay itong naitaguyod ng makata, at naaarok ng mambabasa dahil sa pagsasalupong ng diskurso ng makata at mambabasa, marahil ay masasabing nagtagumpay nga ang pagsulat ng tula.
Sa ibang pagkakaon, ang reperensiya ng tula ay higit na nakakiling sa panlabas na pagtanaw. Dito, ang mambabasa ay higit na makapangyarihan dahil sa kapangyarihan ng kaniyang guniguning hanapan ng pakahulugan ang mga simpleng bagay. Heto pa ang isang tula ni Bigornia:
PANINDIM
. . . . .Padalos-dalos
Nadulas
Ang aking puso
At nabasag.. . . . . Nagising ang ulan
Sa alingawngaw
At nang makita ito’y
Biglang pumalahaw.
Sa tulang ito, ang panloob na reperensiyang ginamit ay personang malungkutin. Sa paglalarawan ng kaniyang kakatwang puso, at daigdig ay natigatig nang ito’y mabasag dahil sa kapabayaan. Nagbunga ito ng paghagulgol o pagsigaw ng kaligiran. Kung palalawigin pa ang pagsusuri, maaaring dumako sa anyo ng pagkakahanay ng mga taludtod, na ang unang taludtod ng bawat saknong ay waring gumagagad kung hindi man representasyon ng anyong pagkakabiyak, pagkakabitin, at napipintong pagbagsak ng mga salitang may kaugnayan sa bigat na tinataglay ng persona.
Kung gagamitin naman ang panlabas na reperensiya ng tula, ang “puso” na tinukoy sa tula ay humuhulagpos sa dating pagpapakahulugan dito ng karaniwang tao. Ang puso ay maaaring reperensiya ng pag-ibig, at ang persona’y maiisip na palikero o malandi. Dahil mapaglaro ang persona, maghahatid ng kalungkutan ang ipinapalagay na kalikutan. Ang mambabasa, kung gayon, ay makapagdaragdag pa ng iba pang pahiwatig o pakahulugan, na hindi na lamang sakop ng romantikong pagmamahalan bagkus maaaring umugnay din hanggang pagmamahal na dibino’t makabayan. Hahaba pa ang talakay sa panig ng panlabas na reperensiya kung iuugnay dito ang iba’t ibang konseptong may kaugnayan sa “puso,” “loob,” “kalooban,” “dibdib,” “ulan,” at iba pang hulagway.
Kung pagsasalikupin naman ang dalawang pagbasa, ang mambabasa ay maaaring dumako sa “labis na pagbasa,” dahil maaaring ang mga pagpapakahulugan ay lumampas sa itinatakda ng disenyo at haba ng tula, at mailalahok kahit ang mga komentaryong labas na sa teritoryo ng panulaan. Dito dapat mag-ingat sa pagsusuri, sapagkat ang tula ay sinusuri nang higit sa parametro ng sining at panulaan, at kinakargahan ng sari-saring pagpapakahulugan, at kumikiling sa pangkulturang politika o pampolitikang kultura.
Magiging palaisipan din sa guro kapag ang ginamit na pamamaraan ng makata ay tulad ng tulang tuluyan. Hindi naman dapat ikatakot ito, dahil madaling maunawaan pa rin ang tulang tuluyan alinsunod sa kumbensiyong naitatag na rito. Maibibilang sa kumbensiyon ang paglalahad, paglalarawan, paghahambing at pagtatambis, at pagsasalaysay, at kahit ang pagbubuo ng mga talata ay sumusunod wari sa padron ng prosa. Ang pagkakaiba nga lamang, ang tulang tuluyan ay hindi basta prosa na salat sa talinghaga. Ang tulang tuluyan ay nagkukunwa lamang na prosa ngunit ang pakahulugan ay nakaririndi kung minsan. Tunghayan natin ang halimbawang ito ni Bigornia:
PASENSIYA
Silang pino at makinis, anila’y kapita-pitagan yaong marunong sumikil sa silakbo ng dugo, kaya’t bago raw magdilim ang aking paningin ay magbilang muna ako hanggang sampu.
Ayaw ko nang maging sibilisado kung hinihiling ng kagandahang-asal na ngumiti habang tinatapakan nila ang aking mukha. Ako ay may dilang babad sa abo at asin, ako na may puso at matang may lintos.
Silang pino at makinis, sila ang aking guro sa pagkagat ng labi, mga paa nila ang nagtakdang hagkan ko ang alabok at pusali, mga pangako nila ng langit ang nag-atas na ialay ko ang sariling balikat upang maabot nila ang bunga at pangarap.
Nasubok ko na ang haba ng luha at sugat. Lunod hanggang leeg ang aking kaluluwa. Ngayon pa ba ako hindi gagamit ng kuko at pangil?
Kung gagamitin sa pagbasa ang panloob na reperensiya ng tula, mahalagang pag-aralan ang taktika ng makata sa paghahanay ng mga talata, at kung paanong ang paghahanay na ito nang marahan at matimpi ay umuugnay din sa personang mababa, dukha, at mapagtiis. Ngunit higit pa rito, kailangang pag-aralan ang tinig at himig ng persona [na bukod sa tinig ng makata], at kung bakit ang angking pagrerebelde ay naipahahatid sa payak ngunit marubdob na pamamaraan. Ang pangwakas na talata ay binabaligtad ang konsepto ng ános o pagtitiis, sanhi ng pagdurusang umiral nang napakatagal. Bagaman patanong ang pagwawakas, ang tanong ay waring naghuhudyat ng dapat isagot ng sinumang binubusabos ng mga awtoridad at maykapangyarihan.
Lulusog lalo ang pagbasa kapag ang representasyon ng persona sa tula ay iugnay sa mga pangyayari sa lipunan—na panlabas na reperensiya ng tula. Ang kaalipnan ay magkakaroon ng gulugod; at ang pagbabalikwas ay masisipat na reaksiyon sa pang-aapi ng mga maykaya’t nakatataas. Maaaring dukalin sa pagbasa ang kasaysayan, relihiyon, at kultura, gayunman ay dapat pa ring ipagpaunang walang direktang tumbasan ang maaaring matunghayan sa loob ng tula at sa loob ng lipunang ginagalawan ng mga mambabasa.
Kung pagsasalikupin muli ang dalawang pagbasa, maaaring dumako hanggang sa kasaysayan ng lipunan at kasaysayan ng panitikan; at kung bakit karapat-dapat dakilain si Mike L. Bigornia sa pagpapakilala ng anyong panitikang halos napakanipis ng hanggahan ng pagkatula at pagkaprosa. Ito ang dapat pang pag-aralan ng mga estudyante at guro, habang hinihintay ang Kimera ng bawat makatang nakatakdang magbalik “sa loob ng sandaang libong siglo ng araw at buntala.”
Magandang umaga sa inyong lahat.