Salin ng katha ni Viggo Stuckenberg, at batay sa saling Ingles ni Anthony Weir.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
GABI NG TAGLAGAS
Nakatirik ang tore sa gilid ng kahuyan, ang luma’t naaagnas na tore na binalot ng lumot at palumpong ang mga silipang butas, na pawang pinalooban ng mga damo ang mga puwang at singit, at ang tuyong baging ay nakabiting gaya ng matigas, tuyong buhok na nakalugay sa duguang bato. Sa itaas sa gawing silangan ay nakatimo ang tanging bintana ng gumuguhong pader.
Sa likod ng kulimlim na bintana’y nakatindig ang babaeng nakatitig sa sumasapit na takipsilim. Maliit siya at balingkinitan, at ang kaniyang mga kamay na simputi ng sinag ng buwan ay nakapatong sa pasamano ng bintana, at ang kaniyang babà’y maputla at may hubog na gaya ng liryo. Ngunit kumikislap ang mga itim niyang mata, na waring tumutulo mula sa nagliliyab na sulo. Nakatanaw siya sa kapatagang sinlawak ng laot, habang ang mga uwak ay nangagliliparan sa tuktok ng mga punongkahoy at umikot-ikot bago bumulusok sa mga duklay at humiyaw nang nakaririndi sa kahuyan. Sa likod ng babae’y may isang silid ng tore na sinlamig ng bato sa agaw-liwanag, at umaalunignig nang matinis ang kuliglig sa baak na bato.
Tanging ang mga kalawanging damo ng Taglamig ang naiwan sa kapatagan, tila ba pinatag ng niyebe, at doon sa damuhan ay namuo ang mumunting sanaw. Sa tabi ng tore ay sumasalamin ang tubigan sa pulahang langit ng kanluran, samantalang sa may kalayuan ay nagiging abuhin gaya ng mga ulap. Habang tinatanaw niya ang kapatagan na ang kalangitan ay dumidilim at pinatatahimik ng mga hamog ng gabi, pinakikinggan niya ang paikid na hagdanan kung may lagitik ng mga yabag. Matamang inuulinig niya ang kamay na pipihit ng kandado ng bakal na pinto. Pinakikinggan niya ang kislot ng isang buhay na lawas sa patay na tore. At wala siyang nasagap kundi ang sitsit ng kuliglig at atungal ng simoy sa mga hungkag na silid sa ibaba.
Humilig siya at ipinatong ang mga siko sa pasamano. Malamig ang pasamano ngunit hindi niya alintana. Hindi niya napansin na ang duguang langit ay pumusyaw sa sanaw sa damuhan, ni ang kapatagang dating sinlawak ng laot ay puminid ngayon. At hindi niya napansin ang pananahimik ng mga uwak.
Dahil iniisip niya ang lalaking dumating isang gabi at itinali ang kaniyang kabayo sa may pintuan, inakyat ang kaniyang silid, at sumiping sa kaniya sa kama—upang pagkaraan ay maglaho bago lumatag ang liwayway. Siya ang lalaking dumating sa kaniya gaya ng unos, at may pananalitang gaya ng habagat na humahalihaw sa kahuyan, at ang mga yakap ay sinindihan ang kaniyang mga panaginip at naghatid ng mainit na sinag ng araw sa kaniyang puso. Siya ang lalaking nag-iwan sa kaniya ng mga marka, na ang kabayo’y kinahig ang lupa sa paanan ng tore. Balisa at di-makatulog, tumitig ang dilag sa magdamag.
Tahimik na nakaupo sa tabi ng bintana ang Malungkot na Pananabik, na ang di-maliparang uwak na kapatagan ng gastadong buhay ay nasa harap ng babae, Malungkot na Pananabik, nagdurusa sa kaniyang gunita, at katulad ng imortal na kabataang katumbas ng kabaliwan ng Pag-asa.
Lumubog na ang araw. At sa palibot ng tore ay gumapang ang kagubatan ng karimlan.
May you have a very Happy New Year , my friend !
LikeLike
Masagana, mapayapa, at mapagpalang Bagong Taon sa iyo, kaibigan.
LikeLike