Salin ng tulang tuluyan ni Silvio Giussani.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
PASIMULA
Tinahak ng mga tren ang nagmamadaling mga tulay na ang hangin ay nilalabanan ang antok sa karimlan, patungo sa tahol ng mga aso na ang pahiwatig ng kisapmatang pangalan ay umiiral. Nakapagkit ang nomena sa mga puwang na waring mga anino sa aking isipan.
Sumilang ang luma’t marupok na awit kung saan-saan. Matamang naghintay ang mga bahayan ng tiyak na sandaling darating o lilipas. Ngayon, sa pagitan ng mga sanga, ang simoy ay sumisipol ng mga heograpiya ng sarili at tinatangay ang mga kaluluwa sa hanggahan ng panginorin.
Ako’y nasa labas ng anumang isipan na pinaniniwalaang angkin ko, at nang higit sa lahat nitong gawi. Napangiti habang nakaupo ang aking ama sa kaniyang ataul. Sumalpok ang baha-bahagdang tikatik laban sa panahong pinabagal—ang yungib na pinapasok namin sa pagbabalik.
GANDA.. ITS LIKE MERMAIDS NA nagka paa then napunta cla sa cave..hmm i love it!
LikeLike