KAPAG MAHAL NG BABAE ANG LALAKI
Salin ng “When a Woman Loves a Man” ni David Lehman.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Pag sinabi ng babae na margarita, nais niya’y daiquiri.
Pag sinabi ng dilag na mapangarapin, nais niya’y maliksi.
At pag winika niyang, “Ayaw na kitang kausapin pa,”
nangangahulugan ito ng, “Yakapin mo akong nakatalikod
habang nagtatampo’t nakatanaw sa tabi ng bintana.”
Dapat batid iyan ng lalaki.
Pag iniibig ng lalaki ang babae, nasa New York ang una at nasa Virginia
ang ikalawa o siya’y nasa Boston, nagsusulat, at ang babae’y
nasa New York at nagbabasa, o ang babae’y nakasuot ng suweter
at itim na salamin sa Balboa Park, samantalang ang lalaki’y
nangangalahig ng mga dahon sa Ithaca
o nagmamaneho ang lalaki pa-East Hampton at ang babae’y
nagmamaktol sa may bintana habang nakatitig sa lawa
na ang regata ng samot-saring layag ay naglalandas
habang ang lalaki’y naipit sa trapik sa Long Island Expressway.
Pag mahal ng babae ang lalaki, ngayon ay ala-una y diyes ng umaga’t
natutulog ang babae at nanonood ang lalaki sa iskor ng mga bola
at ngumangata ng pretzel, tumutungga ng lemonada
at dalawang oras pagkaraan, gigising ang lalaki at susuray sa kama
na kinaroroonan ng babaeng nahihimbing at napakainit.
Pag sinabi ng babaeng bukas, ang totoo’y tatlo o apat na linggo.
Pag sinabi ng babaeng, “Ako na naman ngayon ang pinag-uusapan,”
hihinto sa pagsasalita ang lalaki. Darating ang matalik na kaibigan
ng babae at magwiwikang, “May namatay ba?”
Pag iniibig ng babae ang lalaki, sabay silang lalangoy
nang nakahubad sa sapa
isang araw sa maningning na Hulyo
na ang tunog ng talon ay gaya ng hagikgik
ng tubig na dumadaloy sa makikinis na batuhan,
at wala ni isang banyaga sa uniberso.
Malalaglag ang mga hinog na mansanas sa kanila.
Ano pa ang magagawa nila kung hindi kumain?
Pag sinabi ng lalaking, “Naghuhunos ang ating panahon,”
tutugon ang babae ng, “napakaorihinal naman iyan,”
na tuyot gaya ng martini na nilalagok ng lalaki.
Mag-aaway sila sa lahat ng panahon
Nakatutuwa
Ano ang utang ko sa iyo?
Magsimula tayo sa paghingi ng paumanhin
OK, pasensiya na, buratsero.
Itataas ang senyas na nagsasaad na, “Tawa!”
Tahimik ang pelikula.
“Kinantot ako nang di nahagkan,” wiwikain ng babae,
“at masisipi mo ako hinggil diyan,”
na kahanga-hanga ang tunog sa puntong pa-Ingles.
May taon na naghiwalay sila nang pitong ulit at nagbantang
gagawin muli iyon nang siyam na beses.
Pag mahal ng babae ang lalaki, ibig ng babaeng sunduin siya
ng lalaking nakadyip sa paliparan sa banyagang lupain.
Pag mahal ng lalaki ang babae, naroon siya. Hindi maiinis
ang lalaki kung mabalam nang dalawang oras ang babae
at ni walang laman ang loob ng refrigerator.
Pag mahal ng babae ang lalaki, nais ng babaeng manatiling gising.
Tila batang umiiyak ang babae
sa takipsilim dahil hindi niya ibig magwakas ang araw.
Pag mahal ng lalaki ang babae, tititigan niya ang babae sa kaniyang
pagtulog, at mag-iisip:
gaya ng magdamag sa buwan, ang paghimbing sa minamahal.
Isang libong alitaptap ang kumikindat sa lalaki.
Kumokokak ang mga palaka gaya ng seksiyon ng mga bagting
sa orkestra na nag-eensayo.
Lumalaylay ang mga bituin gaya ng mga hikaw na hugis-ubas.
Simulan natin ang pagkritiko sa tula, kung pakasusuriin, ang pagsasalin ay makatarungan. Bagama’t may mga linyang ang syntax o ang pagkakasunod-sunod ng bawat salita sa mismong linya ay higit na makapagbibigay ng panibagong kislap-diwa ay sadyang naghatid ng ibang pakahulugan sa una kong basa sa orihinal na tula ni David Lehman.
Bilang isa sa mga naniniwala at nagtitiwala sa kakayahan ng makata bilang tagasalin na siyang unang nagpahatid ng mensahe ng sinematograpikong pananaw noon sa amin, matatawag ko itong talagang tula, kahit hindi kagandahan. Subhektibo naman ang kagandahan. May hinahanap lamang akong isang elemento sa eleganteng pagsasaling ito, may kung anong kakulangan o kalabisan. Kahit pa lubos ang pananaliksik ng makata bilang tagasalin sa akdang ito, masasabi nating iba pa rin ang orihinal sa sinaling bersiyon. Sa isinaling wika, nagkaroon ng ibang kulay ang tula na mismong may tatak sa bawat Filipino na magbabasa nito, hindi basta tatakbo sa unang wika na pinaghanguan.
Hayaan niyong bigyan ko ng higit na kakalasan ang kalakasan nito sa iba ko pang kritisismo.
Kalugod-lugod ang pagkakakilala ko sa tula, kahit pa may mga kahinaang, tulad ng wika, ay nakapaghahandog ng diversity sa ating sining at literatura.
LikeLike