salin ng dalawang tula ni Carlos Drummond de Andrade.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Pighati sa Langit
May oras ng pighati sa langit.
Matinding oras na sakop ng duda ang mga kaluluwa.
Bakit ko nilikha ang mundo? naisip ng Diyos,
At ang mga sagot: Hindi ko alam.
Sumalungat sa kaniya ang mga anghel.
Nangalagas ang kanilang balahibo.
Lahat ng ipotesis: grasya, eternidad, pag-ibig
ay bumabagsak. Pawang balahibo lamang iyan.
Isa pang balahibo at mawawasak ang langit.
Napakatahimik, ni walang kaluskos na nagsasabi
ng sandali sa pagitan ng lahat at wala.
Ibig sabihin, ang kalungkutan ng Bathala.
Lihim
Mabibigo kang ihayag ang panulaan.
Manatiling walang tinag sa iyong sulok.
Huwag umibig.
Nauulinig ko na may barilan
Na abot ng ating mga katawan.
Himagsikan ba iyon o pagmamahal?
Huwag umimik.
Lahat ay posible, ako lamang ang imposible.
Umaapaw sa mga isda ang dagat
Na parang naglalakad lamang sa lansangan.
Huwag magwika.
Ipagpalagay na ang anghel ng lagablab
ay sumaklaw sa mukha ng daigdig
at ang mga isinakripisyong tao
ay humiling ng kapatawaran.
Huwag magmakaawa.