Salin ng tulang “At a Window” ni Carl Sandburg.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Sa Bintana
Itulot sa akin ang gutom,
O mga bathala na nakaupo at nag-uutos
Sa daigdig.
Itulot sa akin ang gutom, kirot, kasalatán,
Ibilibid ako sa kahihiyan at kabiguan;
Mula sa inyong mga ginto’t tanyag na pinto’y
Ibigay sa akin ang sukdol, nakapanlulumong gutom!
Ngunit iwan sa akin ang kaunting pagmamahal,
Ang tinig na magwiwika pagsapit ng takipsilim,
Ang kamay na hahaplos kapag madilim ang silid
At babasag sa mahahabang pangungulila.
Sa dapithapon, na ang mga hulagway
Ay pinalalabo ang paglubog ng araw,
Isang munting lagalag, kanluraning bituin
Ang lumitaw mula sa nagbabanyuhay na dilim.
Hayaan akong lumapit sa bintana,
Tanawin mula roon ang araw, ang anyubog ng hapon,
At hintayin at alamin ang pagbabalik
Ng aking munting minamahal.