Salin ng “Pronóstico del tiempo” ni Luis Vicente de Aguinaga.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Taya ng Panahon
Talos ko ang lihim ng mga bagay.
Hindi ako nabuksan ng mga susi ng kamatayan
O nakipag-usap sa mga anghel o estatwa,
Ngunit nauunawaan ko ang mga sanaw
At ang repleksiyon ng mukha sa gayong tubigan
At iwasang tagurian ang mga ito sa parehong paraan
Dahil hindi matitighaw ang parehong uhaw.
Ang mga sanga ng naranha
Ang mga kamay sa orasan ng prutas.
Bagaman totoo, na hindi ko alam ang lahat
Ng kaso ng mga sanaw at repleksiyon.
Lumilipas ang panahon
Nang wala ako sa tabi, nang walang hinto:
Nauuna sa tubig at sa mga bato
Natutuklasan ko na lamang ang lihim,
Ang mga nasa loob at nasa likod.
Ang ilang bagay, gaya ng nasabi ko:
Alam kong sasablay din ako.
Ang orasan, gaya ng punongkahoy, ay yuyuko,
Pananatilihin ang mga banayad at ilahas.
Sa kabila ng lahat, mag-uusap ang anghel
At ang estatwa, titingala sa langit,
At huhulaan nang kusa,
Ang pagsapit ng ulan, buhawi o kulog.