Papel ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapaunlad ng Kurikulum sa Filipino

Papel ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapaunlad ng Kurikulum sa Filipino: Ugat, Posibilidad, at Panukalang Hakbang

Roberto T. Añonuevo
KWF Direktor Heneral

Umalingawngaw muli ang pangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) dahil ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag nito, bukod sa kumalat sa merkado ang bagong dalawampung pisong papel na gumugunita sa wikang pambansa. Pagkaraan nito ay parang walang nangyari, at nagpatuloy ang lahat sa kani-kanilang tungkulin o gawain. Kung iisipin nang maigi, mapanganib ang gayong katahimikan. Ang katahimikan ay maaaring senyales ng paghina ng KWF, at lantarang pagpapamalas ng di-pagpansin ng publiko o panlalamig ng Tanggapan ng Pangulo sa mahalagang papel ng KWF sa pagbubuo ng patakarang pambansa hinggil sa usaping pangwikang may kaugnayan, halimbawa, sa multilingguwalismo o pagbubuo ng Filipinong kurikulum.

Makabubuting ipakilala muli ang KWF, at itampok ang tungkulin at pananagutan nito sa sambayanan.

Noong 27 Oktubre 1936, inihayag ni Pang. Manuel L. Quezon sa Unang Pambansang Asamblea ang pangangailangan “sa isang pangkalahatang wikang katutubo na sinasalita ng sambayanang Filipino.”[1] Bagaman maraming wika at diyalekto sa Filipinas, nanatiling Espanyol at Ingles ang opisyal na wika sa komunikasyon at transaksiyon sa gobyerno, negosyo, hukuman, at edukasyon, na pawang nagbunga ng pagkatiwalag ng mga mamamayan sa sariling bansa. Kinakailangang gawin ito ng gobyernong kolonyal at ng mga kabalikat nilang opisyales na lokal upang manatili sa poder sa mahabang panahon.

Payak ngunit mabigat ang pangangailangan sa pambansang wika. Ang wika, ani Quezon, “ang pinakamatibay na ugnayang magbibigkis sa mga tao at magtataguyod ng pagkakaisa ng pambansang lunggati, pangarap, at sentimyento.”[2] Mahihinuhang may pagkilala si Quezon sa lipunang multilingguwal, ngunit napakahalaga ng pambansang wikang inaasahang magiging tulay pagsapit sa mga lalawigan, at kakawing sa pag-uugnayan ng mga tao na nagmula sa kung saan-saang panig ng Filipinas.

Sinubok na noon na gamitin ang Espanyol at Ingles sa edukasyon at gobyerno, ngunit may hinuha ang pangulo na imposibleng maging lingua franca ang naturang dalawang wika pagsapit sa mga lalawigan. Dumating ang sandali na pinili ang Tagalog na maging batayan ng wikang pambansa, matapos ang mahabang saliksik, konsultasyon, at pag-aaral ng mga eksperto. Lumusog ang bokabularyo ng Tagalog nang maging bukás sa iba pang wika sa rehiyon at mga wikang internasyonal sa usapin ng panghihiram, pag-angkop, pagsasalin, at pag-angkin ng salita’t kaugnay nitong konsepto. Ipinamalas din sa mga pag-aaral, gaya ng The Family of Philippine Languages and Dialects [1957] ni Jose Villa Panganiban, at Tagalog-Hiligaynon [1973], Tagalog-Iloko [1972],  at Tagalog-Sebwano [1972] Cognate Words ng Surian ng Wikang Pambansa [Institute of National Language] ang matalik na pagkakahawig ng mga termino mulang ugat na salita, ispeling, pahiwatig, pakahulugan, at bigkas, na pawang hindi masasabi sa panig ng Ingles na tradisyong Anglo-Saxon ang pinagmulan. Sa maninipis na lathalain ng SWP, ilalathala ang Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Samar-Leyte (1970) ni Alfonsa E. Tizon; Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Hiligaynon (1970) ni Epifania M. Militar; at Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Sebuwano (1970) nina Priscilla Dingcong at Epifania M. Militar. Ilan lamang ang mga ito na patunay kung gaano katalik ang ugnayan ng Tagalog na pinagbatayan ng wikang pambansa sa iba pang wika sa rehiyon.

Marahang nakapagpundar ng mga diksiyonaryo, bokabularyo, at antolohiya ang KWF sa paglipas ng panahon. Habang sinusulat ito, nakapagpalathala na ito ng 13 diksiyonaryo, 19 bokabularyo, at 10 antolohiya ng panitikan na pawang naglahok ng mga panrehiyong wikang bukod pa sa Filipino.[3] Kung sisinupin lamang ang mga ito ay malaki ang maitutulong nito sa pagpapalago ng wikang Filipino at ng mga wika sa rehiyon, bukod sa mailalahok sa Filipinong kurikulum. Kapag binalikan ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Bilang 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino,” kabilang sa mga sangay nito ang sumusunod: 1) Pananaliksik at Ebalwasyon; 2) Leksikograpiya at Terminolohiya; 3) Pagsasalin; 4) Literatura 5) Iba pang mga Wika ng Pilipinas; 6) Pagpapalaganap, Kabatiran at Pagpapalathala; 7) Panlarangang Sentro ng Wika;  at 8)  Pangkalahatang Lingkuran.[4] Hindi kataka-taka kung bakit maraming diksiyonaryo, bokabularyo, at tumbasan ang KWF.

Magbabago noong 2006-2008 ang balangkas ng KWF, alinsunod na rin sa mungkahing pagbabago noong administrasyon ni dating Punong Komisyoner Ricardo Nolasco at siyang isinumite sa Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan (DBM). Maglalaho ang Literatura at iba pang mga wika ng Pilipinas, at higit na maitatampok ang Lingguwistika, Leksikograpiya, Pagsasalin, at Impormasyon at Paglalathala.[5] Magbabago rin ang pangalan ng Panlarangang Sentro ng Wika at magiging Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino (PSWF), na binubuhay ngayon para maging sangay ng pananaliksik sa mga lalawigan. Nalagas ang mga tauhan ng KWF, at ang mga posisyong nabakante ay hindi na napunuan at nailipat sa ibang tanggapan ng gobyerno.

Ang totoo’y salungat sa plano noong administrasyon ni Ponciano Pineda ang plano ng administrasyong Nolasco na alisin ang Sangay ng Panitikan at iba pang mga wika ng Pilipinas sa balangkas ng KWF. Saad nga sa isang lathalain ng KWF, “Sa plano ni Direktor Pineda sa pagpapabulas ng Filipino, mahalaga ang papel ng panitikan at pagsasaling-wika. Ang mga ito ay saklaw ng mga katangiang angkin ng wika na kailangang paunlarin upang yumabong ang Filipino sapagkat sa pamamagitan ng panitikan at pagsasaling-wika ay nakabubuo tayo ng mga bagong salita at kahulugan, parirala at ekspresyon.”[6]

Kung babalikan ang pagsisimula ng SWP, nakasalig ito sa pagpapalathala ng mga kritika at sanaysay hinggil sa katha, tula, at dula na ang ultimong layon ay pataasin ang uri ng panitikang Filipinas sa kabuuan. Pagkalipas ng ilang taon, magbabago ang lupon ng mga direktor o komisyoner ang SWP, at ang dating kiling nito sa panitikan ay malilihis sa lingguwistika.

Patakaran at Programa

Malaki ang kinalaman ng KWF sa pagpapaunlad ng Filipino, lalo sa pagbabalangkas ng mga polisiya mula sa Tanggapan ng Pangulo tungo sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Sa mga naging pangulo ng Filipinas, si Manuel Quezon ang primerang nakinabang dahil hinihingi ng panahon, yamang nakapagpapalabas siya ng patakaran sa pamamagitan ng Kawanihan ng Edukasyon alinsunod sa payo ng SWP. Ang dating SWP, sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, “ay inaatasang maglathala ng diksiyonaryo at balarila sa Filipino [na batay sa Tagalog].” Nagkasanga ang dalawang aklat na ito, at noong 1946 ay inilabas ang pangunang gabay sa ortograpiya na likha ng SWP, at nilagdaan ni Esteban Abada na noon ay Direktor ng Edukasyon.[7] Sa puntong ito, nagsisimula na ang mahigpit na ugnayan ng SWP at Kawanihan ng Edukasyon. Apat na ulit pang mababago ang ortograpiya sa Filipino (1960, 1976, 1987, at 2009). Maglalathala rin ng katipunan ng mga idyoma, kuwento, tula, at dula ang SWP samantalang iminungkahing simulang gamitin noong 1940 ang (F)ilipino sa mga piling pitak sa pampaaralang pahayagan alinsunod sa panuto ng lingguwistikang itinadhana ng SWP.[8] Sisimulan din noong 1946 ang pag-eeksperimento na pagbuklurin sa estudyanteng nakauunawa ng Tagalog at hindi taal na Tagalog.[9]

Hindi basta maipapantay lamang ang Filipino sa Tagalog, kahit pa sabihing malaki ang pagkakahawig ng dalawang wika alinsunod sa gramatika, palaugnayan [sintaks], at paglalapi, at siyang idinidikdik ng ilang lingguwista. Dumaan ang Filipino sa pagpapanday, mulang estandarisasyon ng ortograpiya hanggang eksperimentasyon sa retorika hanggang usapin ng politikang pangkultura, partikular sa sosyolingguwistika. Ngunit higit pa rito, ang Filipino ay malinaw na lumago nang ganap ang korpus. May kaugnayan dito ang aktibong pagbubuo ng mga diksiyonaryo at tesawro; paglaganap ng tradisyonal na midya, internet, at telekomunikasyon; pagsusulong ng sari-saring pambansang kumperensiya, seminar, at palihan hinggil sa wika at panitikan; pagtatatag ng mga samahang pangwika sa loob at labas ng akademya; pagpapalimbag ng mga lathalain at panitikan hinggil sa Filipino, bukod pa ang elektronikong pagpapalathala; pagdami ng mga publikasyong naglalathala ng panitikang Filipino at iba pang wika; pagsasalin sa Filipino ng mga akda mula sa banyagang wika o kaya’y lalawiganing wika; at paggamit at pagpasok ng Filipino sa iba pang lárang o disiplinang dating sakop lamang ng Ingles.

Sumapit na ang Filipino sa abanseng yugto. Yumabong ito at yumaman, dahil sa paglalahok sa korpus nito ng mga wikang lalawiganin at iba pang wikang internasyonal, at maihahalimbawa ang UP Diksiyonaryong Filipino (2009). Malaki na ang mga pagbabago sa pagbubuo ng pangungusap simula nang ipakilala ni Lope K. Santos ang Balarila ng Wikang Pambansa, salamat sa mga manunulat at editor na sa paglipas ng panahon ay nag-ambag ng kani-kaniyang halimbawang akdang pampanitikang mapagsusumundan. Naglathala ng mga teksbuk sa mga espesyalisadong larang ang UP Sentro ng Wikang Filipino, gaya ng siyensiya at teknolohiya hanggang paggugubat at arkitektura hanggang matematika at musika. Hindi ba ito ang mithi ng Seksiyon 6, Artikulo XIV, ng Konstitusyong 1987?

SEK. 6. Ang wikang pambansa ng Filipinas ay Filipino. Samantalang nililinang ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Filipinas at sa iba pang mga wika.

Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasiya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itayugod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.[10]

Kung tititigan nang maigi ang siniping probisyon, mababatid na tinupad na ng kasalukuyang henerasyon ang pagsasagawa ng unang talata ng Seksiyon 6. Ngunit ang ikalawang talata, na may kaugnayan sa pagsasagawa ng mga hakbangin ng pamahalaan sa pagtataguyod sa Filipino bilang midyum ng pagtuturo ay hindi pa lubusang nakakamit sa panahong ito. Ito ay dahil mabagal ang kapuwa Senado at Kongreso sa pagpapasa ng panuhay na batas [enabling law] hinggil sa midyum ng pagtuturo. May panukalang batas si Rep. Magtanggol Gunigundo I ng Ikalawang Distrito ng Lungsod Valenzuela hinggil sa pagtatatag ng edukasyong multilingguwal at programang literasi, ngunit ang panukalang ito ay waring pailalim na pinahihina ang Filipino, pinalalakas ang Ingles bilang lingua franca sa buong Filipinas, habang kunwa’y isinusulong ang edukasyong multilingguwal sa mga lalawigan.

Malinaw ang Konstitusyon ng 1987 sa paggamit ng Filipino: “Filipino, at habang wala pang itinatadhana, Ingles, ang mga wikang opisyal ng Filipinas ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo.”[11] Idinagdag pa rito na ang “mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbing pantulong sa mga wikang panturo roon.”

Bakit kailangang sipiin at balikan ang Saligang Batas ng 1987? Sapagkat narito ang butil na kailangang ihasik at pasibulin para maabot ang pangarap na wikang Filipino. Kailangang balikan din ang Batas Republika 7104, dahil ito ang batas na nagtatatag sa KWF at naglalatag ng mga tungkulin nitong marapat gampanan upang maging matagumpay ang paggamit ng Filipino.

KWF at Kurikula sa Filipino

Nang imungkahi ni Pang. Quezon na itatag ang SWP, malinaw sa kaniya ang dalawang bagay: una, pag-aralan sa pangkalahatan ang mga wika sa Filipinas; at ikalawa, pagtibayin ang “pangkalahatang pambansang wika batay sa isa sa mga katutubong wika.”[12] Gaano man kaganda ang nasabing mithi, isinaalang-alang pa rin ni Pang. Quezon ang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan sa buong kapuluan. Ang ganitong paraan ng pagtanaw ay waring urong-sulong na patakaran, at minamahalaga ang akomodasyon sa banyagang wika para pagbigyan ang hinihingi ng mananakop. Isang parikala na ang “pambansang wikang Filipino” [Filipino national language], ayon sa Batas Komonwelt Blg. 570, ay isinabatas noong 4 Hulyo 1946. “Filipino” ang tawag sa wika, ngunit gagamitin ang Tagalog para ikompara ang dalawang wika, at pahinain ang mithing Filipino para sa ikalalakas ng Ingles.[13]

Sa nasabing tindig ni Pang. Quezon, apektado kahit ang pagbubuo ng kurikulum sa elementarya at sekundaryang antas. Ang buong sistema ng edukasyon noon ay sumandig sa Ingles, habang isinasaalang-alang ang humihinang Espanyol bilang kurso. Iuutos ng pangulo sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263, na sa simula ng 19 Hunyo 1940, “ituturo ang pambansang wika sa lahat ng publiko at pribadong paaralan sa bansa.”[14] Tutugon sa pamamagitan ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 1, s. 1940 ang Kalihim ng Publikong Pagtuturo Jorge Bocobo na “ituro ang Pambansang Wika simula ng 19 Hunyo 1940 sa ikaapat na taon ng lahat ng publiko at pribadong paaralan at pribadong pasanayang panggurong institusyon.”

Noong 3 Mayo 1940, nagpalabas ng Sirkular Blg. 26, s. 1940 si Celedonio Salvador ng Kawanihan ng Edukasyon na nag-aatas na ituro ang pambansang wika sa mga paaralang sekundaryo at normal. Ang introduksiyon sa “Pambansang Wikang Filipino” ay paghubog sa kasanayan ng mga guro, gaya ng pagpapalabas ng “mga unang leksiyon sa pambansang wika.”[15] Nakatuon ito sa mga gurong hindi bihasa sa Tagalog. Sesegundahan ito ng pagbubukod ng mga klase para sa maalam sa Tagalog at di-Tagalog.[16]

Ang Filipino ay hindi lamang ituturo bilang wika, at maihahalimbawa ang Babasahin ng Mamamayan (1950) na koleksiyon ng maiikling kuwento at nakatuon sa edukasyon ng mga tigulang [adult education]. Inendoso ito ni Benito Pangilinan, ang direktor ng mga publikong paaralan, dahil sa pagtataglay ng mga birtud ng pagsisikap, dangal sa paggawa, pag-unawa ng tao, pagkamakabayan, pananampalataya sa Diyos, pakikipagkapuwa, atbp. Higit pa rito’y iminungkahi niya na isalin sa iba pang wika ang mga kuwento upang maiangkop sa mga pangkat ng tigulang.[17] Sa ganitong pangyayari, ang pagpapalusog ng Filipino ay kaugnay ng pagpapalusog ng mga wikang panrehiyon.

Ang unang balangkas sa kursong Pambansang Wika 1 ng Normal na Kurikulum ay lumabas noong 1950.[18] Ang balangkas ay nakabatay sa Balarila ng Wikang Pambansa. Magbabago pa ito habang lumalaon, at maidaragdag ang mga kasabihan, idyoma, at panuntunan sa pagtuturo ng panitikan.[19] Noong 1956, binigyan ng awtoridad ang bawat superbisor ng dibisyon ng Wikang Filipino “na pangasiwaan ang pagtuturo ng [Filipino] sa mga pambansang paaralang pang-agrikultura at pangkabuhayan” na may sariling superintendente.[20] Inilahok din ang Filipino sa edukasyon at kultura noong 1956, ngunit kaugnay lamang sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika. Pinakamalawak ang naging saklaw ng SWP nang magsahimpapawid ito ng mga impormasyon  sa DZHF, tuwing Miyerkoles, alas 8:00 ng gabi.

Maselan ang pagpapalaganap ng Filipino, at kinakailangang magpalabas ng memorandum ang Kawanihan ng mga Publikong Paaralan noong 1957 para sa pagpapalaganap at popularisasyon ng wikang Filipino.[21] Kalakip nito ang ilang mungkahi sa nagagamit at interesanteng pagtuturo, ang pagpapalago ng bokabularyo sa pamamagitan ng panghihiram ng banyagang salita, ang pagkakaroon ng pitak sa Filipino sa mga pahayagang pampaaralan, at ang paghikayat sa mga opisyal at guro ng mga paaralan na gamitin ang mass media at ang pagpapahatid ng mga balita at patalastas sa pamamagitan nito hinggil sa mga proyekto at gawain ng mga paaralan.

Hindi makokontento ang Kawanihan ng mga Publikong Paaralan, at magsasagawa ito ng eksperimento sa paggamit ng Filipino at Ingles bilang tulay ng pagtuturo sa mga Grado III, IV, at V noong 1956-1957 sa limang rehiyong di-Tagalog. Batay sa resulta ng eksperimento, ang Pilipino [Filipino] ay higit na epektibong midyum ng pagtuturo kaysa Ingles sa mga sabjek na pagbasa, wika, aritmetika, at araling panlipunan sa tatlong gradong nabanggit. Gayunman, mahahanggahan ang paggamit ng Filipino sa mga asignaturang gaya ng araling panlipunan, edukasyong pangkalusugan at pagpapalakas ng katawan, edukasyon sa wastong pag-uugali, at edukasyong panggawain.[22] Kung babalikan ang Resolusyon Bilang 73-7 ng National Board of Education noong 7 Agosto 1973, “ang Ingles at Pilipino ay magsisilbing tulay ng pagtuturo at ituturo bilang asignatura sa kurikulum mulang unang grado hangang antas unibersidad sa lahat ng paaralan, publiko man o pribado….” Nagkatotoo ang nasabing pahayag sa panig ng Ingles subalit nanatiling pangarap lamang magpahangga ngayon sa panig ng Filipino.

Sa mga probisyon ng Saligang Batas 1987, hindi limitado ang Filipino sa ilang sabjek, gaya ng HeKaSi (Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika) at Filipino, bagkus maaaring gamitin din sa agham at matematika. Ngunit iba ang interpretasyon ng DepEd, kaya marahil nananatiling Ingles ang midyum ng pagtuturo sa agham at matematika magpahangga ngayon.  Noon pa mang 1985, iminungkahi na ni Direktor Pineda na “pahintulutan ang paggamit ng Pilipino sa agham at matematika.”[23] Sa patakarang bilingguwal na nilagdaan ni Kalihim Lourdes R. Quisumbing noong 1987, pananatilihin ang Ingles bilang internasyonal na wika para sa Filipinas at di-esklusibong wika ng agham at teknolohiya.[24] Bukod dito, layon din ng Patakarang Bilingguwal na Edukasyon ang pagpapalaganap ng Filipino bilang wika ng literasi. May puwang nang binubuksan si Kalihim Quisumbing. Patutunayan naman ng UP Sentro ng Wikang Filipino noong dekada 1990 na kaya nitong lumikha ng mga teksbuk sa agham at matematika sa abanseng antas, ngunit nang mapalitan ang pamunuan ng UP ay nagbago rin ang tangkilik na inilalaan sa pagbubuo ng mga teksbuk sa Filipino.

Sa gitna ng maiinit na debate hinggil sa bilingguwalismo, at ngayon ay multilingguwalismo at Filipinong kurikulum, sangkot palagi ang KWF dahil ito ang ahensiya ng pamahalaang direktang bumubuo ng mga patakarang pangwikang ipinapasa sa pangulo ng bansa upang pagtibayin, o kung hindi man ay nagmumungkahing isabatas ng mga mambabatas bago pagtibayin ng pangulo.

May karapatang makialam ang KWF sa mga patakaran ng DepEd sapagkat nakapahiyas sa titik e, Sek. 5 ng “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad ng Batas Republika Bilang 7104” ang tungkulin ng KWF na:

ganyakin at itaguyod, sa pamamagitan ng sistema ng mga insentibo, mga [sic] grant at award, ang pagsulat at pagpapalathala sa Filipino at sa iba pang mga wika ng Pilipinas, ng mga obrang orihinal, pati na mga teksbuk at mga [sic] materyales na reperens[i]ya sa iba-ibang disiplina.[25]

Sineseryoso ng KWF ang pagrepaso noon ng mga teksbuk at iba pang babasahin para sa mga paaralan. Ngunit habang lumilipas ang panahon, naglaho ang naturang gawain ng KWF, at marahil ay may kaugnayan dito ang pagbabago ng administrasyon, pagsasaayos ng estruktura ng tanggapan, at paghahanay ng priyoridad na mga programa o proyekto, bukod sa pagkaunti ng badyet na taunang inilalaan ng gobyerno. Kailangan pang pag-isipan ngayon sa KWF kung paano makagaganyak at makapagtataguyod ng pagsulat at pagpapalathala ng teksbuk kung ang estado ng nasabing mga gawain ay  kulang sa mga tauhang sapat ang karanasan o kaalaman sa isang tiyak na larang o disiplina, bukod sa nalagasan pa ng sangay na dapat sanang magpapalakas sa panitikan at iba pang wika ng bansa.

Pagsasaayos ng Estruktura

May maitutulong ang KWF sa pagpapanibago ng kurikulum ng DepEd, at kahit sa CHED. Ang KWF, kung gagabayan nang matalino at matuwid ng mga komisyoner na kumakatawan sa iba’t ibang wika at disiplina, ay makapag-aambag ng sariwang kaisipan hinggil sa Filipinong kurikulum, at marahil ay maisusulong ang adyenda ng edukasyon ng administrasyon ng Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Hindi ko sinasabing magagawa ito nang kisapmata. Ngunit magagawa ito. Magagawa ito sa tulong din ng mga organisasyong pangwika (gaya ng Kasugufil) at indibidwal na kinakailangang makilahok sa mga programa at proyekto ng KWF. Ang aktibong pakikilahok ng mga organisasyong pangwika, pampanitikan, pampaaralan, pambayan, at pangmanunulat ay nararapat lamang dahil ito ang manipestasyon ng “Lakas ng Bayan” [People Power] na ginugunita ngayong taon ang ika-25 taon ng anibersaryo. Nakapahiyas sa Saligang Batas ng 1987 ang pagkilala sa pagkikilahok ng taumbayan sa mga gawaing pampamahalaan.[26]

Hindi dapat maging bukod ang KWF sa madla. Sa halip, ang KWF ay dapat maging bukás sa mga mungkahi ng madla at eksperto, nang sa gayon ay makapagbuo ng mga hakbang para sa wika.

Noong mga unang taon ng administrasyon ni Direktor Pineda, kabilang sa priyoridad ang pagsasagawa ng mga sosyolingguwistikong pananaliksik. Aniya, “kailangan ang ganitong mga saliksik upang maging batayan ng mga patakarang pangwika.”[27] Kabilang sa mga sarbey na kaniyang isinagawa ang una, sarbey sa diyalekto ng Maynila; ikalawa, sarbey sa alpabeto; ikatlo, wika at sosyo-ekonomikong pag-unlad ng kanayunan; ikaapat, paggamit sa mga terminolohiya ng SWP; at higit sa lahat, sarbey sa kalagayan ng implementasyon ng edukasyong bilingguwal. May iba pang saliksik ang administrasyon ni Pineda, at ang ganitong programa ay maglalaho sa panahon ng administrasyon ni Punong Komisyoner Nita Buenaobra, aangat nang bahagya sa administrasyon ni Nolasco, at sinisikap na buhayin sa panahong ito.

Kung ipagpapatuloy ang mandato ng KWF, na isulong ang pananaliksik upang makabuo ng mga programa at proyektong makapagpapasigla sa paggamit ng wikang Filipino, ay tiyak na malayo ang mararating nito. Makapagrerekomenda ang KWF hinggil sa mga tumpak na hakbang, halimbawa sa multilingguwalismo na nagtataguyod ng pambansang wikang Filipino, o kaya’y makapaglalahok ng diwain hinggil sa pagbubuo ng mga sangguniang aklat na malusog ang panitikan, kasaysayan, at kultura, bukod sa bukás sa mga pagbabagong hatid ng impormasyon at teknolohiya.

Marahil ay hindi alam ng nakararami na ang dating pamunuan KWF ay listahan ng mga dakilang manunulat, kritiko, dalubwika, edukador, at makabayan. Jaime C. de Veyra. Lope K. Santos. Julian Cruz Balmaseda. Cirio H. Panganiban. Cecilio Lopez. Jose Villa Panganiban. Ponciano BP Pineda. Nakapag-ambag sila ng mahahalagang patakarang pangwika sa paglipas ng panahon, at ngayon ay kinakailangang iangat sa higit na abanse’t matalisik na pagkilos. Nawa’y madagdagan pa ang nasabing listahan ng iba pang dakilang tao, na handang magtaya nang malaki para sa wikang Filipino at mga wikang panrehiyon sa Filipinas. Hinihingi ng panahon ang sariwang pagbabago, at pagbabagong magpapatayog sa simulain at bisyon ng wikang Filipino.

At magagawa ang lahat ng ito sa tulong ninyo.

[*Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Ikalawang Pambansang Kongreso sa Wikang Filipino, na may temang “Ang Kurikulum Tungo sa Pagpapaunlad ng Wikang Filipino at Kalidad ng Edukasyon sa Antas Elementarya at Sekundarya” na ginanap sa Teachers’ Camp, Lungsod Baguio noong 17 Abril 2011 at inorganisa ng KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino). Si Añonuevo ay matinik na makata, kritiko, editor, at tagasalin. Nakapagpalathala na siya ng tatlong aklat ng tula, at ang ikaapat na kalipunan ay ilalathala ngayong taon ng Ateneo de Manila University Press. Naging editor ng mahigit 30 aklat pampanitikan, nakapagsalin ng mga aklat sa kasaysayan, panitikan, pagbabagong-klima, agham pampolitika, kalusugan, at ng mga teksto sa pelikula at pahayagan mulang ibayong dagat. Isa siya sa mga pundador ng Oragon Poets Circle, ang samahan ng mga pili’t premyadong makata ng Filipinas, dating pangulo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), naging pangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kasapi ng Filipinas Institute of Translation (FIT) at Wika ng Kultura at Agham Inc (WIKA Inc). Kabilang sa mga tinamo niyang parangal ang Hall of Fame sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, SEAWrite Award sa Thailand, Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Grand Prize Sawikaan, National Book Award mula sa Manila Critics Circle, at maraming iba pa. Si Añonuevo ang bagong talagang Direktor Heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino sa administrasyon ng Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III.]

Dulong Tala


[1] “Message of His Excellency, Manuel L. Quezon, President of the Philippines to the First National Assembly on the Creation of an Institute of National Language,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 2.

[2] Ibid.

[3] Balikan ang “Mga Publikasyon ng Komisyon sa Wikang Filipino,” sa Ang Wikang Filipino bilang Wikang Panlahat, ni Sheilee Boras-Vega. Komisyon sa Wikang Filipino: Maynila, mp. 66-67. May iba pang hindi nakalahok dito.

[4] Basahin ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas ng [sic] Republika Blg. 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino,” sa Journal ng KWF, Unang Labas, Oktubre-Disyembre 1996, p. 73. Nakapagtataka na hindi ito nakalahok sa Philippine Gazette, at hindi rin makita ang mga pahayagang kinalathalaan nito. Isang obserbasyon ng Direktor Heneral na kailangang baguhin na ito upang umayon sa pagbabago ng panahon, ngunit wala pang aksiyon ang kasalukuyang Lupon ng mga Komisyoner.

[5] Malaking tanong ito sa KWF dahil ang Sangay ng Panitikan at Iba pang Wika sa Pilipinas ay nakapaloob sa “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino.” Hindi maaaring baguhin ang naturang mga tuntunin at regulasyon hangga’t walang opisyal na pagsusog saka pagpapatibay na ginawa ang Lupon ng mga Komisyoner. Isang parikala rin na tinanggal ng administrasyong Nolasco ang sangay na sumusuporta sa mga panrehiyong wika, gayong isinusulong ng nasabing punong komisyoner ang multilingguwal na edukasyon.

[6] Basahin ang Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huling Isa’t Kalahating Dekada (1970-1987), ni Aurora E. Batnag, at batay sa saliksik ni Candelaria Cui-Acas. Lungsod Quezon: Surian ng Wikang Pambansa, walang petsa, p. 12.

[7] Basahin ang “Spelling of the Dipthongs IA, IE, IO and the non-dipthongs IA, IE, IO in the Filipino National Language,” Bulletin No. 8, s. 1946, Nobyembre 9, 1946 at nilagdaan ni Esteban R. Abada na direktor ng edukasyon.  Tumutukoy ito sa lingguwistikong tala na inihanda ng Surian ng Wikang Pambansa. Maiuugnay din sa naturang ortograpiya ang “Scope and Uses of the Verbal Affixes UM- and Mag-” Bulletin No. 2, s. 1950, at “Correct Spelling of Proper Names in Writing in the National Language,” Memorandum No. 73, s. 1950, Disyembre 6, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan na Direktor ng mga Publikong Paaralan.

[8] Basahin ang “The National Language in School Papers,” Bureau of Education, Bulletin No. 26, s. 1940, Nobyembre 15, 1940, at nilagdaan ni Celedonio Salvador, Direktor ng Edukasyon.

[9] Basahin ang “Separate National Language Classes for Tagalog and non-Tagalog” Memorandum No. 9, s. 1946,” na nilagdaan ni Esteban R. Abada, Setyembre 20, 1946.

[10] “Seksiyon 6, Artikulo XIV ng Konstitusyon ng Republika ng Filipinas ng 1987,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 490.

[11] Tingnan ang Seksiyon 7, Artikulo XIV, Konstitusyong 1987.

[12] Quezon, ibid., p. 2.

[13] Nakasaad halimbawa sa artikulong nalathala sa Bagong Buhay, Abril 11, 1955, ang pamagat na “Gamitin ang Tagalog sa lahat ng pagkakataon—RM” ngunit ang talumpati ni Pang. Ramon Magsasaysay ay tumutukoy sa “Wikang Pilipino” [Filipino language] at “Wikang Pambansa.” Ang ganitong detalye, gaano man kaliit, ay nagpapantay sa “Tagalog” at “Pilipino” na isang malaking pagkakamali.

[14] Mula sa Executive Order No. 263 na pinamagatang “Authorizing the Printing of the Dictionary and Grammar of the National Language, and Fixing the Day from which said Language shall be Used and Taught in Public and Private Schools of the Philippines,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 11.

[15] Pinamagatang “First Lessons in the Filipino National Language,” Bulletin No. 9, s. 1946, Nobyembre 21, 1946, na nilagdaan ni Esteban R. Abada, Direktor ng Edukasyon at ipinadala sa mga superintendente ng dibisyon.

[16] Tinutukoy dito ang “Separate National Language Classes for Tagalog and Non-Tagalog,” Memorandum No. 9, s. 1946, Setyembre 20, 1946, at nilagdaan ni Esteban R. Abada na Direktor ng Edukasyon.

[17] Basahin ang “Citizens Reader for Adult Education Classes,” Bulletin No. 6, s. 1950, Abril 5, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan.”

[18] Basahin ang “Outline of the Course in National Language I of the Normal Curriculum,” Memorandum No. 33, s. 1950, Hulyo 25, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan.

[19] Basahin ang “Distribution of Panuntunan sa Pagtuturo sa Wikang Pilipino para sa Mataas na Paaralan,” Memorandum No. 43, s. 1955, Abril 16, 1955, at nilagdaan ni Venancio Trinidad na nanunungkulang direktor ng Kawanihan ng Edukasyon.

[20] Basahin ang “Supervision of Filipino Language Classes in National Agricultural and Trade Schools,” Bulletin No. 81, s. 1956, Hulyo 27, 1956, at nilagdaan ni Venancio Trinidad, Direktor ng mga Publikong Paaralan.

[21] Basahin ang “Propagation and Popularization of Filipino Language,” Memorandum Bilang 56, s. 1957 ng Kagawaran ng Edukasyon, Kawanihan ng mga Publikong Paaralan, at nilagdaan ni Benigno Aldana.

[22] Basahin ang “Mga Panuntunan sa Pagpapatupad ng Patakarang Edukasyong Bilingguwal,” Kautusang Pangkagawaran Bilang 25, s. 1974, Hunyo 19, 1974, at nilagdaan ni Kalihim Juan L. Manuel.

[23] Basahin ang “Edukasyong Bilinggwal sa Pilipinas: Nasasabi’y Di Rasal,” ni Ponciano BP Pineda. Panayam na binasa sa seminar ng KAPPIL (Kapisanan ng mga Propesor sa Pilipino), sa Pablo Nicolas Awditoryum, Pamantasang De La Salle, 17 Mayo 1985. Inilathala sa Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huli’t Kalahating Dekada (1970-1987), Lungsod Quezon: Surian ng Wikang Pambansa, walang petsa, p. 45.

[24] Basahin ang “The 1987 Policy on Bilingual Education,” DECS Order No. 52, s. 1987, Mayo 21, 1987, at nilagdaan ni Kalihim Lourdes R. Quisumbing.

[25] Basahin ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino (Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 7104 Creating the Commission on the Filipino Language),  na nalathala sa Journal ng KWF, Unang Labas, Oktubre-Disyembre 1996, p. 68.

[26] Basahin ang Saligang Batas ng 1987, Artikulo XIII, Seksiyon 15-16 na pinamagatang “Ang Bahaging Ginagampanan at mga Karapatan ng mga Organisasyon ng Sambayanan.” Kailangan umanong igalang ng estado ang mga malayang organisasyon upang matamo at mapangalagaan ng mga tao. . . ang kanilang mga interes at hangarin sa pamamagitan ng mapayapang paraan at alinsunod sa batas.  Ngunit higit pa rito, “hindi dapat bawahan ang karapatan ng sambayanan at ng kanilang mga organisasyon sa mabisa at makatwirang pakikilahok sa lahat ng antas na pagpapasiyang panlipunan, pampolitika, at pangkabuhayan.”

[27] Basahin ang “Huling Isa’t Kalahating Dekada ng SWP,” mp. 6-12, nakapaloob sa Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huling Isa’t Kalahating Dekada (1970-1987).

15 thoughts on “Papel ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapaunlad ng Kurikulum sa Filipino

  1. Sa una pa lang, bumungad na po sa akin ang nagagawa ng katahimikan, na maaaring positibo o negatibo ang epekto sa wika. Ang wikang Filipino ay nangangailangan ng maraming tao o lahat ng Filipino. Sa gayon, ibig ko pong maging bahagi ng nasabing papel ng isang Filipino sa ating edukasyon at sa ating kabataan.

    Bilang Berso ni Berza, ako po ay tahasang makikisangkot sa nasabing proyekto sa pagpapayabong ng panitikan.

    Like

  2. Napakarami kong natututunan sa site na ito, sa tulad kong hindi nakatapos ng pag-aaral ay napakalaking bagay nito. Ar sa tuwing matatapos akong magbasa ng post ninyo sir robert pakiramdam ko ay napakatalino ko na, idagdag pa ang mga lumang awiting napakasarap sa tenga. Happy weekend po 🙂

    Like

      • Ang “batutian” ay terminong inimbento ng yumaong makata Manuel Principe Bautista na kabiyak ng dakilang manunulat Liwayway A. Arceo. Nagsimula itong eksperimento sa mga magasin, at kung gawin man ito sa entablado ay mapapansin ang panggagagad sa orihinal na balagtasan at siyang parang katumbas ng ginagawa ni Michael V sa kaniyang pagpapatawa.

        Like

  3. maraming salamat po sa mga datos at impormasyon na inyong nabahagi sa akin. magagamit ko po ito sa aking pag-uulat.. salamat po ulit.. :))

    Like

  4. Sir Robert, tunay nga kayong makata, saludo po ako sa inyo. Sir, matanong ko nga, ano po ba ang kaibahan at gamit ng dalawang salitang katulad ng kontemporaryo at konteporanyo? Marami pong salamat.

    Like

    • Ang “kontemporaryo” ay maituturing na siyokoy na salita, kung hihiramin ang taguri ni Virgilio S. Almario, sapagkat kombinasyon ito ng salitang Espanyol (contemporaneo) at Ingles (contemporary); mali naman ang “konteporanyo.” Ang tumpak na ispeling ay “kontemporaneo” na hiram mula sa Espanyol. Pinanatili ang \eo\ sa dulong salita sapagkat kapuwa malalakas na katinig ang \e\ at \o\, na gaya lamang sa “leon” at “neon.”

      Like

  5. tanong ko lang po kung ano yung mga papel o tungkulin na ginampanan ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapaunlad ng Kurikulum sa Filipino, lalo na po yung naging Ugat, Posibilidad, at Panukalang Hakbang ?

    Like

  6. Ano po ang masasamang epekto ng gay lingo sa mga mag-aaral? Kailangan lamang po namin ng karagdagang impormasyon sa aming tesis na ginagawa. Maraming salamat po sa inyong magiging tugon.

    Like

  7. Marami pong salamat sa very informative write ups nyo, sir…Nai-inspired po ako at marami akong natutunan sa mga sagot na binibigay nyo sa mga nagtatanong.. how I wish na makapagsulat din po ako katulad nyo.

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.