salin ng “The Psalm I Sing (Beshalach)” ni Rachel Barenblat.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Ang Salmong Inaawit Ko (Beshalach)
Hindi ko ibig umawit sa Panginoon
na maringal na nagtagumpay
na ihagis sa dagat ang kabayo at hinete.
Ayokong sabihin na
ito ang aking Diyos at dadakilain siya
na Diyos ng aking ama, at pupurihin
kung katumbas lamang iyan ng pagdiriwang
kapag ang mga baha at bomba ay iniwang
sugatan at tiklop ang kanilang mga katawan
kahit sila pa’y malulupit na tagapag-utos
kahit sila pa ang unang humataw sa atin
kahit sila pa’y hindi naging katulad natin.
Ang salmong inaawit ko ay nagsasabing
hindi tumatalikod ang Diyos
sa alinmang bahagi ng kaniyang nilikha.
Ang salmong inaawit ko ay nagwiwikang
ang Diyos na may kinikilingan ay hindi
makasusumpong ng pabor sa aking paningin.
Pinupuri ko ang Diyos na nanininghal
sa mga anghel na nagagawang magdiwang
kapag nalulunod ang mga anak ng Maykapal
Ang Diyos na humihiling na gumising tayo
ay hinaharap ang ating pinahihintulutan
na bendahan ng ating mga palad ang duguan.
Gusto ko ito. Mukhang mapadadalas ang bisita ko sa blog na ito.:-)
LikeLike