Kung ang wika’y makatatawid ng dagat, makararating marahil ito sa Igbaras upang isalaysay ang mga panahon ng pangungulila. Parang dasal itong uulit-uliting sambitin kay Santa Rita, at sa gitna ng ingay, kulay, at ringal ng pista, ay maninibugho sa punong bayan, isasakdal sa langit ang ngitngit, ngunit dahil kapos sa kapangyarihan ay malulugmok sa gilid ng daan. Ibubulong ng simoy ang mga kataga ng yungib na dumuduwal ng mga paniki, at samantalang dumidilim ay ibabalik sa alaala ang taginting ng Timapok o Lagsakan. Maaaring ang digmaan ay maiiwang pilat sa kampanaryo, at ang mababangis na Amerikano ay babangon mula sa libingan, darakpin ang marikit na doktora nang mailugso ang puri, at maghihiganti at lulunurin ang sinumang suwail, para mapiga sa kaniya ang hinihinging impormasyon. Nahan ang aking mahal? Ito ang tanong na magpapabalik-balik na waring yumayanig na mga tambol, habang nananaginip ng mga luha ang Rafflesia, at nilalagnat ang gabi.