Gubat na maraming paraan ng pagdulog ang pagbubuo ng ortograpiya, kung ituturing ang wika na lupaing kailangang tuklasin upang mabatid ang paraan ng pagpaloob. Ito ay dahil sinisikap ng ortograpiya na lumikha ng pamantayan at panuto hinggil sa pagbaybay at pagbigkas, at ang bawat titik o sabihin nang pantig, ay tinutumbasan ng natatanging tunog, na kung isasaalang-alang ang Filipino ay maaaring malúmay, maragsâ, mabilís, at malumì. Bukod dito’y isinasaalang-alang sa ortograpiya ang pagsisingit ng gitling, pagtatakda ng malaking titik sa salita, pagsasaad ng paraan ng pag-uulit ng kataga, pagkakabit ng mga panlapi, at iba pa. Ang pagkaligaw sa matalinghagang gubat ay simula ng pagkalito at di-pagkakaunawaan, at ang sinumang may kakayahang makalikha ng sariling landas at makabuo ng mapa, o makagamit ng wika alinsunod sa kaniyang pamantayan na handa namang tanggapin ng ibang tao, ang posibleng maunang manaig.
Bawat wika ay kinakailangang magtakda ng ortograpiya, at ito ang hinihingi ng panahon, nang maisaayos, mapanatili, at mapalaganap ang paraan ng komunikasyon at pagpapakahulugan. Sa isang panig, ang ortograpiya ay nagtatakda ng estandarisadong paraan ng paggamit ng isang sistema ng pagsulat, at ang pagsulat na ito ay magiging tulay para maihayag ng mga tao ang iniisip o nadarama sa pinakamainam na paraan. Kailangang imbentuhin ang ortograpiya nang magkaisa ang mga tao sa paraan ng pagpapahayag, at magsisimula ito kahit sa pagbaybay o pagbigkas. Sa ganitong paraan, inaasahan na magkakaroon ng isang salalayan ng pagkakaunawaan ang mga tao na nag-uugnayan sa pamamagitan ng wika. Sa kabilang panig, nagbubukas ang pagbuo ng ortograpiya ng usapin ng awtoridad at kapangyarihan, dahil hindi maiiwasang itakda ng isang pangkat ang inaakalang pinakamabuti para sa lahat ng gumagamit ng wika.
Hindi madali ang pagbubuo ng ortograpiya dahil nangangailangan ito ng konsultasyon at mahahabang gabi ng pag-aaral. Para itong paglisa sa diksiyonaryo o tesawro, at pagsuyod sa talaksan ng mga katha at tula, upang ang bawat lahok ay matuklas ang identidad at pagsilang. Kasabay ng pagbubuo ng ortograpiya ang produksiyon ng mga akdang pampanitikan, na habang lumalaon ay nagtatakda ng kumbensiyon—na maláy man o hindi maláy na ginawa ng mga manunulat ay nagsisikap umabot sa kaisahan ng diwa—nang magkaroon ng pantay na diskurso ang mga gumagamit ng wika alinsunod sa pambihirang sistema. Inilalatag sa ortograpiya ang mga prinsipyo ng pagbaybay, pagpapantig, pag-uulit, paglalapi, paggitling, pagbigkas, at iba pa, at ang bawat prinsipyo ay kinakabitan ng paliwanag upang maging gabay ng mga gumagamit ng wika, gaya ng editor, guro, at manunulat.
Bumuo noon ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) ng balarila at diksiyonaryo, alinsunod sa atas ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, at noong 1946 ay inilabas nito ang mga pangunang gabay sa paggamit ng kambal-patinig sa ortograpiyang Tagalog na pinagbatayan ng wikang pambansa. Kinakailangan ito dahil sa masigla ang pagpapalathala ng mga akdang pampanitkan sa mga diyaryo at magasin, at nang magkaroon ng kaisahan ang mga manunulat at editor hinggil sa ispeling ng mga salita. Ang ortograpiyang Filipino na lamang ay dumaan sa anim na yugto ng pagbabago, alinsunod sa itinadhana ng Komisyon sa Wikang Filipino: 1946, 1960, 1976, 1987, 2001, at 2009. Wala pa rito ang panukalang pagbabago na isinulong ng UP Sentro ng Wikang Filipno (UP SWF) at National Committee on Language and Translation (NCLT) ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), na pinauunlad ang bersiyong 1987, 2001, at 2009 ng KWF. Bukod ang konsultasyon na ginawa ng KWF sa ginawa ng UP-SWF at NCLT dahil sinangguni nito ang mga eksperto sa iba’t ibang larang at wika, at napakatagal bago naisaayos ang pangwakas na borador na iniharap sa kapulungang binubuo ng mga dalubwika, lingguwista, edukador, editor, at manunulat. Ilang puntos na nabuo ng UP-SWF at NCLT ay tinanggap ng KWF, samantalang ang ilang prinsipyo na ginawa ng KWF ay sinikap ipaliwanag ng UP-SWF na nabigong ipaliwanag noon ng KWF.
Isang paraan ng pagdulog sa ortograpiya ay paggamit ng banyagang padron at termino upang ipaliwanag ang salimuot ng isang taal na wika, halimbawa sa Pangasinan o Iluko. Maaaring pag-aralan ang Pangasinan o Iluko ayon sa paraan ng pagbuo ng ortograpiyang Ingles o Espanyol, at ito ang magiging sakit ng ulo ng isang karaniwang Pangasinense o Ilokano dahil ang kaniyang wika ay ipinapaloob sa batas, pamantayan, at pagtanaw ng banyagang wika. Ginawa na ito noon ng mga frayle nang baybayin sa panutong Espanyol ang Tagalog na “Ama Namin” at “Aba Ginoong Mariya [sic].” Sa kabilang dako, maaaring pag-aralan ang Pangasinan o Iluko ayon sa sariling pamantayan nito, at makahihiram ng leksiyon sa pagbubuo ng Filipino na hindi malayo sa Pangasinan o Iluko.
Sa kaso ng ortograpiyang Filipino, sinikap ng UP SWF at NCLT na bumuo ng sariling ortograpiya alinsunod sa simple ngunit epektibong paraan, habang gamit ang pananaw ng Filipino sa paggawa ng pamantayan sa bigkas at baybay na pasulat. Gayunman, laging nasa isip nasa sa isip ng dalawang pangkat na iba ang pabigkas sa pasulat na paraan, at ito ang isinaalang-alang sa pagbuo ng mga panuto. Pinag-isipang maigi ang mga panuto sa panghihiram ng Espanyol, Ingles, Pranses, at iba pang wikang banyaga, at kung paano ipapaliwanag ang bawat kaso na tinatanggap ng mga tao ang isang banyagang wika. Hangga ngayon ay hindi pa kayang maitakda ang hanggahan ng panghihiram, lalo sa Ingles at iba pang internasyonal na wika. Samantala, isinaalang-lang sa mga panuto ang mga gagamit ng ortograpiya, lalo sa mga rehiyon, at maaaring gamitin din sa pagbubuo ng mga panuto ng bawat panrehiyong panrehiyong wika.
Mapadadali ang pagbubuo ng ortograpiya kung patuloy na ginagamit ang wika sa pasulat na paraan, gaya ng mababasa sa mga panitikan. Habang lumalago ang panitikan, ang ortograpiya ay kusang nabubuo at kinakailangan na lamang sinupin ng mga manunulat ang mga panuto. Ang mungkahi ko’y magtipon-tipon nang malimit ang mga eskperto, dalubwika, panitikero, editor, manunulat, at lingguwista upang pag-usapan nang maigi ang mga panuto na itatakda at tatanggapin ng lahat. Ganito ang ginawa dati ng Aklatang Bayan, ang pinakatanyag at pinakamagaling na samahan ng mga manunulat sa wikang Tagalog noong bungad ng siglo 20, upang makabuo ng panuto at makapagpasok ng kabaguhan sa SWP. Kailangang pag-aralan ang wika hindi lamang sa lingguwistikong paraan, bagkus maging sa sosyolingguwistikong pagdulog na posibleng makaapekto sa pagbubuo ng mga panuto. Ang paglilista ng mga salita, sa ganitong paraan, ay hindi bara-bara at tsambahan, at maipagtatanggol ang isang probisyon o panuto alinsunod sa matalino’t makatwirang paraan.
Hindi ko nais agawin ang oras na laan sa diskusyon ng inyong Ortograpiyang Pangasinan. Anumang mabuo ninyo ay tangkilikin nawa ng inyong butihing gobernador at panlalawigang pamahalaan ng Pangasinan, at ipalaganap sa mga Pangasinense saanmang dako sila naroroon. Bumuo ng ortograpiyang Pangasinan, ngunit huwag isiping kalaban ang paglago ng Filipino sa bisyon ng Pangasinan. Maaaring magtulungan ang dalawang wika, at kapuwa mag-ambag sa pagpapaunlad ng kani-kaniyang korpus, at ang pagtutulungang ito ay hindi kailanman matutumbasan ng pagsandig sa pamantayang Ingles.
Mabuhay ang Pangasinan, at isang karangalan ang makahalubilo ang mga batikang Pangasinense ng panahong ito.
Nagulat ako na ang isang malaking panrehiyong wikang gaya ng Pangasinan ay wala pang sariling ortograpiyang de facto. Sa wikang Iloco, bagaman may mga manunulat na nagsusulong ti lumang ortograpiya at mayroon din namang nagsusulong ng kompromisong ortograpiyang pinaghalong luma at bago, nananaig pa rin ang makabagong sistema ng pagbaybay. Maaaring sabihin na bagaman walang opisyal na ortograpiya ang wikang Iloco na itinakna ng kung anumang tuntuning nakasulat, ang pagkakaunawaan ng nakararaming gumagamit nito ang nagtatakdak sa kung ano ang baybay ng mga salita.
LikeLike