Nakatimo sa kaniyang ulo ang pinagmulan, at ang paglingon ay katumbas ng lungsod ng asin at pag-ulan ng mga bulalakaw. Siya, na naglandas sa hanggahan ng bawal, ang nakauunawa ng pag-ibig na hinaharang ng mga tabak at tinik na makamandag. Hinahatak siya ng dibinong tinig pakiling sa kaligtasan—para manahan sa bagong bahay at lumang buhay—kahit ang kumukutob sa kaniyang loob ay walang langit na hihigit sa kandungang sariwa’t tigmak sa mga hamog ng madaling-araw. Lumalakad siya ngayong nakatungo at nakatukop ang mga tainga, wasak ang budhi at mithi, habang ang mga mata’y nakapinid na tinatakasan ng mga luha. Nalango siya isang gabi kapiling ang dalawang anghel, at isinuko niya ang lakas sa kanilang nakapapasong dibdib. Lumingon ka, sabi ng kaniyang sintang maalat ang labì at sintigas ng bato, mahal na mahal kita; at siya’y walang nagawa kundi pisakin saka dukitin ang sariling mga mata bago lumingon nang duguan ang pananaw sa nagliliyab na lupaing dating sinisipingan.
Katumbas nito ang alegoriya ni Saldavor P. Lopez na naging isang Homer na muling lilikha ng sariling mito at pangalan sa panitikang Filipino.
LikeLike