Bodega

Pabubulaanan mo itong kastilyo ng mga anay, at sasabihin kong dampa ng hitana na pansamantalang nakisukob habang humahalihaw ang bagyo. Sapagkat sinauna ang gamit at moderno ang estetika, hindi mo ipagpapalagay na palawit ito ng tanikala ng mga barumbarong sa tapat ng bintana ng katedral. Maipapaloob dito, ani mo, ang Smokey Mountain at ospital, ang bisikleta at ataul, ngunit sa akin ay sapat na ang sandangkal na piyano na kulang-kulang ang teklado na sa kabila ng abang kalagayan ay humihimig ng musika ng isang paslit sa dibdib ng iyong esposo. Tambakan ng mga damit na ukay-ukay, aparador ng retiradong bag o sapatos, at koleksiyon ng sepilyong pangkaskas ng alahas, bagaman puwedeng himlayan ng gusgusing silyang antigo at tornilyong nakaplastik, bago maging yungib ng mga kahon ng de-lata at sabong panlaba, lamparang Arabe at pinggang porselana, at poster ng kondominyum at polyeto ng kondom. Mag-isip ng negosyo at ito ang Japan Surplus, mag-isip pa at ito ang basar sa simbahan at masjid ng Quiapo, mag-isip pa at ito ang laboratoryo ng puslit na DVD, motorsiklo, at shabu. Sapagkat imbakan, malaya mong maiwawaksi ang lohika. Isaksak dito ang mga aklat ng batas at karton ng martilyo at pako; isalansan ang mga lumang Playboy at bibliya sa tabi ng lason o pintura; at isiksik sa dingding ang mga laruan at basyong bote ng mga pabango, sopdrink at alak. Higit na organisado rito ang bagsakan ng mga bakal at garapa, o kaya’y ang zoo ng mga palaboy na aso at pusa. Imperyo ng daga at tambayan ng mga lamok, ngunit sa kisapmata’y maghuhunos na kombinasyon ng hardin ng Babilonya at mawsoleo ng Taj Mahal. Sa paligid nito’y waring Ilog Cagayan kung hindi man Canal de la Reina, at habang umuulan, maihahaka na umaapaw ang luha ng buwaya sa panig naming mga dukha, ayon sa opinyong legal ng mga bathala.

“Bodega,” 5 Hulyo 2011 © Roberto T. Añonuevo.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.