Bahaghari at Tao, ni Yevgeny Yevtushenko

salin ng dalawang tula ni Yevgeny Yevtushenko.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Bahaghari

Nang lumitaw ang iyong mukha
sa aking kinuyumos na buhay,
ang tanging naunawaan ko noon
ay ang taglay na karukhaan.
Pagdaka’y ang natatanging sinag
sa kahuyan, sa mga ilog, sa mga dagat
ang naging ugat ko sa kinulayang
daigdig at doon ay wala akong simula.
Takot na takot ako, lubos na takot
sa di-inaasahang wakas ng liwayway,
sa mga pagbubunyag
at mga luha at nangauupos na sigla.
Di ko tinikis iyon, ang pag-ibig ko’y
ang pangambang ito, na pinalulusog
nang walang ibang makapagpapalusog,
gaya ng kalinga ng gusgusing bantay.
Kinukulob ako ng pagkatakot.
Maláy ako na maikli ang sandaling ito
at ang bahaghari sa aking balintataw
ay maglalaho
kapag sumisilay ang iyong mukha.

Tao

Walang mga tao na walang kalatoy-latoy.
Ang tadhana nila’y kronika ng mga planeta.

Walang hindi natatangi sa taglay nila,
at bawat planeta’y kakaiba sa ibang planeta.

Kung ang isang tao’y namuhay nang lingid,
ang makatagpo ang mga kaibigan niya
sa gayong oskuridad ay sadyang may latoy.

Pribado sa bawat isa ang kaniyang mundo,
at sa mundong iyon ay pambihira ang minuto.

At naroon sa mundo ang minutong masaklap.
At maituturing na pribado.

Sa sinumang tao na pumanaw, pumapanaw
sa kaniya ang unang niyebe at halik at away.

Sumasáma sa kaniya ang lahat.
Kabilang dito ang mga naiwang aklat at tulay
at kambas na pintado at makinarya.

Kaninong tadhana ang makapananaig?
Ngunit anumang nawala ay hindi rin wala:

sa tuntunin ng laro, may kung anong naglaho.
Hindi tao ang yumayao; bagkus ang mga mundo
na kimkim nila.

Na batid nating may mali, na nilalang ng daigdig.
Ano sa pinakaubod ang alam natin sa kanila?

Kapatid ng kapatid? Kaibigan ng mga kaibigan?
Mangingibig ng mangingibig?

Tayo ang nakababatid ng ating mga magulang
sa lahat ng bagay, sa wala.

Naglalaho sila. At hindi sila maibabalik.
Hindi mapasisibol ang mga mundong lihim.

At sa tuwi-tuwina, paulit-ulit,
nagdadalamhati ako laban sa pagkagunaw.

2 thoughts on “Bahaghari at Tao, ni Yevgeny Yevtushenko

  1. Ayon po sa balarilang Filipino kung saan si Lope K. Santos ay isa sa mga nagpanukala po ng ating wikang pambansa, nasa ika-labinlimang linya po, ang huling salitang “makapagpapalusog” ay marapat po na “makapagpalulusog.” Sabihin man po nating may poetika lisensiya ang tagapagsalin, ito po dapat ang una nating alamin.

    Noon po, nanalo sa isang timpalak (kung Talaang Ginto man po iyon o hindi ay hindi ko na din po lubusang maalala) ang Poetika Lisensiya ni Fidel Rillo. Hindi ko pa po iyon nababasa pero sa pamagat pa lamang po ay kakikitaan na po natin ng poetikong sensibilidad ang makata.

    Tulad ni Rio Alma, ang una po niyang tula na “Setyembre, Halika” na inilathala sa Liwayway ni Alejandro G. Abadilla ay isa po sa mga obra ng panitikan, hindi lamang po ng panitikang Filipino gayundin po sa buong mundo. Alam po nating si AGA (Alejandro G. Abadilla) ay ang una pong tumaliwas sa kombensiyong pampanulaan sa kaniyang tula na “Ako ang Daigdig” at ito po ang simula ng iba pang libre berso. Bukod pa po sa kaniya si Mike L. Bigornia sa kaniyang Prosang Itim (na hindi ko pa po nababasa) bagama’t pinakahihintay ko sa bawat kaarawan ko. Bukod pa po diyan ang iba pang libro lalo na ni Rio Alma. Sa katunayan, siya lamang po ang hinahanap ko sa lahat ng aklatan kabilang na sa bahay. Iilan pa lamang po ang aking koleksiyon. Hindi lamang po si Fidel Rillo na wala naman pong libro alinsunod sa kaniyang batas.

    Kaya Bahaghari ang tula ay sa pagpapalit-kulay nito o pag-iibang-anyo ng mismong taludtod para suhayan ang bawat linya. Nangingibabaw ang emosyon sa tula.

    Sa tuwing makikita ng persona ang isa pang tao ay nag-iiba lalo ang kaniyang pananaw sa buhay. Tulad po ito ng soneto ng Shakespeare na Sonnet 29.

    Sa kabuuan, sa tingin ko naman po naging matagumpay ang pagsasalin niya. Ang decantation ni Sir Marne Kilates ang naging gabay niya (sana naman po) para dito at sa iba pa po niyang akda.

    Like

    • Mahaba ang iyong sinulat ngunit ayokong umikli ang aking pasensiya sa daloy ng iyong pahayag. Una, ang “makapagpapalusog” ay maituturing pa ring tumpak kung isasaalang-alang na ang baseng salita ay “palusog” [pa+lusog] at maitatangi sa ugat na salitang “lusog.” Ikalawa, ang poetika lisensiya ay maaaring tanawin bilang pagsuway sa mga panuto makaraang sundin ang mga batas pampanulaan. Ikatlo, hindi totoong si Alejandro G. Abadilla ang “unang tumaliwas” sa pampanulaang Tagalog, dahil may ginawa ring eksperimento si Balagtas na salungat sa mga sinaunang awit at korido ng mga nauna sa kaniyang makata o kapanahon niyang makata. Hindi rin matatawaran ang mga eksperimento nina Pedro Gatmaitan, Benigno Ramos, Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus at iba pa na maituturing ding paglihis sa namamayaning kumbensiyon noon. Ikatlo, mali ang basa mo ng tula ni Yevtushenko, at nalinlang ka niya. At ikaapat, higit na maganda ang saling Filipino kaysa sa bersiyong Ingles, ituring man ito na pagbubuhat ng sariling bangko. Subalit siyempre, ibang usapan na ito.

      Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.