Estranghero at aso, ni Charles Baudelaire

salin ng dalawang tulang tuluyan ni Charles Baudelaire, mula sa kaniyang koleksiyong Le Spleen de Paris (1869).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Estranghero

“Sabihin mo, mahiwagang lalaki, sino ang pinakamamahal mo, ang iyong ama, ina, o kapatid?”

“Wala akong ama, ina, at kapatid.”

“E kaibigan?”

“Nasa dulo ng dila ko ngunit hindi ko matandaan.”

“Ang bayan mo?”

“Saan man iyon naroroon.”

“Kagandahan?”

“Kalulugdan kong ibigin kung siya’y diyosa at imortal.”

“Salapi?”

“Kinasusuklaman ko, gaya ng pagkasuklam mo sa Diyos.”

“Kung gayon, pambihirang estranghero, ano ang minamahal mo?”

“Mahal ko ang mga ulap. . . ang nagdaraang mga ulap. . . hayun. . . doon. . . ang kahanga-hangang mga ulap!”

Ang Aso at ang Pabango

Halika, maganda at mabait kong aso, at samyuin ang pambihirang pambango na mula sa mahuhusay na manlilikha ng pambango sa buong Paris.

Ang aso, na ikinawag-kawag ang buntot, na sa aking palagay ay paraan ng abang nilalang kung paano magalak at humalakhak, ay lumapit at idinampi ang ilong sa nguso ng walang tapong botelya. Pagdaka’y napaurong ito, at tumahol na waring galit na galit at nanunumbat sa akin.

“Hay, kawawang aso, kung binigyan kita ng tae ay lugod na lugod na sininghot-singhot mo na iyon, at kinain pa marahil. Sa gayong paraan ay kawangis mo ang madla, na hindi dapat handugan ng pabangong ikayayamot nito, bagkus piling basura lamang.”

3 thoughts on “Estranghero at aso, ni Charles Baudelaire

  1. Ang Aso at ang Pabango

    aKo po ay labing-tatlong taong gulang lamang…
    at wariy hindi ko maintindihan ang inyong naisulat..
    gusto ko pong malaman ano ang ibig mong ipahiwatig
    kung inyong mararapatin..
    ako po ay isang journalist ikamo
    sa aming paaralan…….

    Like

    • May ginawang paghahambing si Charles Baudelaire, at maaaring subukin mo sa tumbasang “publiko” at “aso” na maipapalagay, aniya, na may parehong panlasa.

      Mayroong hindi gusto ang aso, gaya ng pabango, gayong katanggap-tanggap ito sa ilang tao na maselan ang panlasa.

      Isipin mo kung bakit hindi maibigan ng aso ang “pabango” at higit na gugustuhin ang tae ng tao o kapuwa aso.

      Tingnan mo rin sa anggulo na may mababa at mataas na uri ng panlasa (o pang-amoy), at maaaring ilapat ang gayong hambingan kahit sa panitikan.

      Ibig sabihin, hindi lahat ng popular ay mataas na ang uri. Maitutuloy mo ang paliwanag sa iba pang aspekto.

      Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.