Kapag nagtalumpati sa Filipino ang Pang. Benigno S. Aquino III, ipinapalagay na nagsisikap siyang kausapin ang sambayanang Filipino sa wika at diskursong mauunawaan ng lahat. Hindi madali ang pagbabalangkas ng talumpati; at maiisip na kinakailangang hulihin niya ang guniguni ng mga karaniwang mamamayan, at tumbasan ng mga salita ang kanilang iniisip at niloloob sa pinakapayak na paraan upang mahimok kung hindi man mapakilos sila—nang nagkakaisa kahit iba-iba ang uri at sanligang pinagmulan—nang may kaugnayan sa pambansang programa ng kaniyang administrasyon. Susi ng pagkakaunawaan ang wika, at sa nakaraang talumpati niyang “Ulat sa Bayan” doon sa Kongreso, pinatunayang muli ng pangulo ang posibilidad na mabibigkis ang kapuluan sa pamamagitan ng wikang panlahat.
Binanggit ko ang “wikang panlahat” dahil may kinalaman ito sa kasalukuyang tema ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Unang lumitaw ang taguring “wikang panlahat” habang binabalangkas ang Saligang Batas 1935 (na mauulit sa Saligang Batas 1973), at pinagtaluhan kung sa aling wika ibabatay ang pambansang wika. May ilang mambabatas ang nagpanukala na ang pambansang wika ay ibatay sa mga umiiral na katutubong wika sa buong kapuluan, at maiisip dito ang konsepto ng haluhalo kung hindi man tsapsuy, o kaya’y pagtatayo ng gusali sa kalawakan na hindi matiyak kung saan magsisimula ng pundasyon. Nagbago ang ihip ng hangin nang lumiham nang lihim si Hukom Norberto Romualdez kay Pang. Manuel L. Quezon at sinabing hindi magkakaproblema kung piliin man ang Tagalog na maging “ubod ng wikang pambansa.”[*] Kinilala ni Romualdez, na isang Waray, ang Tagalog sa panahong iyon na pinakamaunlad at pinakaabanseng wika sa lahat ng diyalekto, na mahalaga sa pagpapalago ng korpus nito, bukod sa pagdalisay at pagpapalago ng sariling bokabularyo.
May batayan si Romualdez sa kaniyang opinyon. Tagalog ang may pinakamalaking kasapian ng mga manunulat—mulang makata at nobelista hanggang mandudula at mananaysay—at ang mga organisasyong gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik ang magsisilbing pabrika ng mga akda at magtatakda ng kumbensiyon sa malikhaing pagsulat, kritika, at teorya kung paano pahahalagahan ang mga akda. Habang patuloy ang produksiyon ng mga katha, sinisimulan na rin noon ang diskusyon sa estandarisasyon ng ispeling, baybay, at bigkas ng mga salita, at tinitipon ang mga salitang magagamit sa partikular na lárang na gaya ng panunuring pampanitikan at pamamahayag. Mahalaga ang ginagampanan ng mga samahang pangwika at pampanitikan dahil ang mga ito ang nagbabantay ng sariling hanay, at ito rin ang nagbubukod sa matitinik na manunulat at manunulat na sampay-bakod. Ang malaganap na pagtanggap sa Tagalog sa mga peryodiko, magasin, at komiks, bukod pa ang pagsikat ng midyum ng radyo, telebisyon, at pelikula, ang magpapabago ng timbangan sa pagsagap sa wika. Kahit pa sabihing isinulong ang malawakang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan, na mauugat sa patakarang pang-edukasyon ng Mckinley Commission, ang nangyari’y ganap na nabura ang kakaunting hanay ng maalam sa Espanyol, ngunit nanatiling buháy ang Tagalog, at pagkaraan, ang Filipino.
Nakasaad sa tema ng Buwan ng Wikang Pambansa 2011 ang pamagat na “Ang Filipino ay wikang panlahat, ilaw at lakas sa tuwid na landas.” Maganda sa unang dinig ang sinipi, dahil lumalakas ang batayan na ang Filipino ay malaganap nang wika sa buong kapuluan, at maaaring gamitin sa iba’t ibang disiplina. Kung ipagpapalagay na ang wika ay katumbas ng ilaw (na may kaugnayan sa karunungan) at lakas (materyal at simboliko sa dominyo ng kapangyarihan), maaaring kalabisan na kung gamitin pa ang mga ito sa pagtalunton sa “tuwid na landas.” Ipinapahiwatig ng “tuwid na landas” ang mabuting paggawa, at pag-iwas sa baluktot na sistema o kalakaran. Isang parikala ang maligaw sa tuwid na landas maliban na lamang kung bulag o duling ang manlalakbay; at hindi na kinakailangan pa ang pagpapakasakit dahil hindi nangangailangan ng imahinasyon ang diretsong tunguhin.
Ang Filipino bilang wikang panlahat ay nagpapahiwatig ng paglampas sa mga hanggahan ng lalalawigan at bansa; nagpapanukala ng pampolitikang basbas upang gamitin sa mga dominyo ng kapangyarihan [controlling domains] na kinabibilangan subalit hindi limitado sa aliwan, edukasyon, hukuman, kalakalan, medisina, teknolohiya, telekomunikasyon, turismo, mass media, at ugnayang panlabas. Isang maangas na pagsasabi ito na nauunawaan ang Filipino mulang Batanes hanggang Basilan, mulang lansangan hanggang paaralan hanggang pamahalaang lokal at ugnayang internasyonal. Ang paggamit ng pangulo sa wikang Filipino ay tahimik na pagkilala na sumapit na ito sa yugto na magagamit kahit ng diasporang Filipino ng siglong ito.
Sa talumpati ni Sen. Blas F. Ople noong ika-121 anibersaryo ng kapanganakan ni Pang. Quezon, kinilala niya ang Filipino bilang pandaigdigang wika dahil ito ang wika ng Diasporang Filipino. Binanggit niya ang sarbey na nagsasaad na pang-anim na wikang banyaga ang Filipino sa Estados Unidos, hinigtan ang Hapones, Koreano o Ruso, at sinasalita sa mga Amerikanong bahayan. Filipino o sabihin nang Tagalog, ang ginagamit din aniya sa mga souk at basar sa Saudi Arabia, Bahrain, at Dubai, at panghatak sa mga parokyanong Filipino. Sa Filipinas, aniya, 92 porsiyento ng mga Filipino ang nakauunawa at nakagagamit ng wikang pambansa, batay na rin sa saliksik ng sosyolingguwista at dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Bro. Andrew Gonzalez. May 12 taon na ang nakararaan nang sulatin iyon ni Ople, at maaaring tumaas na ang bilang ng gumagamit ng Filipino hindi lamang sa Filipinas, bagkus maging sa ibayong-dagat.
Napansin ni Ople na kahit malaganap ang Filipino sa pang-araw-araw na gamit ng mga mamamayan, nabigong makapasok pa rin ito sa dominyo ng kapangyarihan. Kinikilala ng Saligang Batas 1987 na “Filipino ang wikang pambansa,” ngunit ibinilang din ang Ingles bilang opisyal na wika. Sa pananaw ng mga Konstitusyonal Komisyoner, ang dominyo ng opisyal na wika ay “para sa layunin ng komunikasyon at instruksiyon.” Nanaig sa pangyayaring ito ang Ingles sa mga opisyal na komunikasyon sa pamahalaan, at naging pangunahing midyum ng pagtuturo nang ipataw ang edukasyong bilingguwal. Waring pagsasabi ito na hindi pa handa ang Filipino, na dapat pang linangin at pagyamanin ang malig ng mga salita, hanggang sumapit ang yugtong sapat na ang lakas nito para gamitin sa pamahalaan, hukuman, batasan, at pagpapaandar ng iba pang sangay ng lipunan.
Noong administrasyon ni Pang. Corazon C. Aquino, inihayag ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 na humihimok sa lahat ng ahensiya at instrumentalidad ng pamahalaan na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon at komunikasyon. Tumutol ang ilang mambabatas at demagogong Sebwano at nagsampa ng kaso sa Korte Suprema para mabatid ang konstitusyonalidad ng kautusan. Nagkaroon ng debate sa mass media. Napalitan ng pangalan ang mga gusaling dating nasa Ingles ang pangalan; naisalin ang ilang batas at kautusan; at nakabuo ng aklat ng Korespondensiya Opisyal at diksiyonaryo ang KWF, bagaman kailangang rebisahin. Ngunit ang lahat ng ito, na isinagawa ng KWF, ay kulang na kulang pa, at ang probisyon sa Medium Term Philippine Development Plan 2004-2010 na gamitin ang Filipino sa una, komunikasyon ng pamahalaan at promosyon ng mga programa nito, at ikalawa, sa pag-aaral ng mga wika at panitikan sa Filipinas, ay nabigong maisulong nang ganap dahil sa kakulangan ng badyet at suporta ng matataas na opisyal.
Huwag bigyan o paglaanan ng pondo ang isang programa ay tila diplomatikong pagsasabi na dapat itong suwayin o ipawalang-bisa.
Ang hindi pagpapagamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, sa isang banda, ay pagkilala kung hindi man pag-amin sa kakulangan ng sapat na tala at talaan ng mga salita sa Filipino, gaya ng konklusyon ni Gonzalez sa isang pag-aaral.[†] Sa kabilang dako, maaaring sipatin, na ang hindi paggamit ng Filipino sa gaya ng batasan at hukuman ay hindi dahil sa kakulangan ng wikang Filipino, bagkus sa mga abogado, hukom, at mambabatas na tamad mag-aral at magpaunlad ng Filipino, at pulos Ingles ang nais gamitin, kahit sabihing bali-baliko ang gramatika at palaugnayan. Pinatunayan ni Ret. Hukom Cezar Peralejo, ang lolo ng artistang si Rica Peralejo, ang yaman ng Filipino nang isalin niya ang mahahalagang batas at kautusang pinagtibay ng pangulo, at ang mga importanteng pasiya ng Korte Suprema, kung gaano kalalim ang Filipino na angkop sa hukuman at batasan. Kung isinampa noon ang Konstitusyonalidad ng mga KT [‡] 335 at 210, dapat na rin marahil itanong sa Korte Suprema kung nagkukulang ba ang mga unibersidad at kolehiyo na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng mga batas at kautusan ng pamahalaan; at kung nalalabag ang karapatang-pantao ng mga estudyante na matuto at makapagsulit sa wikang alam nila, na ipagpalagay nang Filipino na lingua franca sa ngayon. Ito ay dahil ang hukuman at batasan, na panaka-nakang tumatanggap ng akda na nasa wikang Filipino, ay nasa dominyo ng kapangyarihan at malaki ang kaugnayan sa magiging kabuhayan ng milyon-milyong mamamayan ngayon at sa darating na salinlahi.
Kahit sa dalawang nakaraang internasyonal na kumperensiya hinggil sa tinaguriang “global Filipino,” ang presentasyon ng ilang papel ay nasa wikang Ingles, na kakatwang tumatalakay sa Filipino, at ang ganitong pangyayari’y nagpapamalas na pag-amin sa kahinaan ng Filipino para maunawaan ng mga Inglesero sa Estados Unidos. Kung tunay ang malasakit sa Filipino, ang nasabing wika ay puwedeng gamitin sa diskusyon ng mahahalagang aspekto ng wika, kultura, kasaysayan, at disiplina—bagaman mangangailangan ng Filipinong interpreter at tagapagsalin sa ilang pagkakataon. Sa aking palagay, panahon na upang itanghal sa buong mundo ang Filipino bilang wika ng pandaigdigang kumperensiya, lalo kung kaugnay ito sa kultura, kasaysayan, at kabuhayan ng mga Filipino, upang maigiit at maipakilala nang lubos ang kapangyarihan nito.
Kailangang pag-isipan ng mga Filipino kung bakit nahihirapang pasukin ng wikang Filipino ang dominyo ng kapangyarihan. Maaaring magsimula sa pagtatanong hinggil sa patakarang bilingguwal na nagsimula noong 1974 at pinalakas noong 1987. Sa pangyayaring ito, ang Ingles ay ginamit sa mga paksang may kaugnayan sa agham, matematika, sining ng komunikasyon, at iba pang kaugnay na disiplina, samantalang ginamit ang Filipino sa gaya ng araling panlipunan (na magiging HEKASI pagkaraan), edukasyon at kalusugang pangkatawan, pagtuturo ng mabuting asal, at gawaing panghanapbuhay. Ang ganitong patakaran ng DepEd ay lumilihis sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987, na linangin at gamitin ang Filipino bilang pangunahing wika ng pagtuturo at sinusuhayan ng mga wikang panrehiyon at sinesegundahan ng Ingles at iba pang wikang internasyonal. Upang matupad ang pangarap na intelektuwalisasyon ng Filipino—na para bang pangmababang uri ang Filipino—kinakailangang gamitin ito sa pasulat na paraan. Ito ang mungkahi ni Gonzalez, at ang tanging paraan para makaigpaw ang Filipino sa Ingles. Mahihirapang ihanda ang mga sangguniang aklat sa matematika at agham na pawang nasa wikang Filipino dahil walang nagsisimula. (May ginawa noong teksbuk sa agham at matematika na pawang nasusulat sa Filipino ang Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, ngunit nang magpalit ng pangulo ang nasabing unibersidad ay kinaligtaan nang ganap ang ganitong napakagandang programa.) Kailangang may magsimula, kahit dito sa Saint Louis University-Baguio, at gamitin ang mga konsepto sa Filipino na kaugnay ng wikang Filipino.
Nabigo ang pagpapalago sa Filipino dahil sa akala o prehuwisyo na hindi nito kayang sakupin ang gaya ng matematika at agham, at idagdag pa na kulang na kulang ang materyales na nasusulat sa Filipino. Hindi dapat naging dahilan ang gayong pangyayari para talikdan ang Filipino at ilaan sa mga piling sabjek lamang. Kung iginiit noon sa DepEd—sa bisa ng Saligang Batas 1987—ang Filipino ay magagamit kahit sa pagtuturo ng Ingles, agham, at matematika. Ito ay dahil ang Filipino ang pangunahing wika, samantalang ang Ingles ay itinuring ng Komisyong Konstitusyonal na ikalawang wika lamang na nangangahulugang katuwang na wika [auxilliary language] ng Filipino. Nang magpalabas ng KT 210 ang Pang. Gloria Macapagal Arroyo, at sinegundahan ng DepEd Order 36, serye 2006, na nagtatakda ng alintuntunin sa pagsasakatuparan ng KT 210, ang Ingles na siyang dapat katuwang na wika lamang ng Filipino ang ginawang pangunahing wika sa pagtuturo sa hay-iskul at kolehiyo, na maituturing na kabalintunaan. Umikli ang oras na inilaan sa pagtuturo ng Filipino, pinanatili sa ilang sabjek at hindi ginamit sa agham, kalusugan, at matematika. Nagsampa ng kaso ang pangkat ng Wika ng Kultura at Agham (Wika Inc) laban kina Pang. Arroyo at Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita, at ang kaso ay nakabimbin pa rin sa hapag ng Korte Suprema. Sa kabilang dako, inihain sa nakaraang Kongreso ang apat na panukalang batas na layong palakasin ang paggamit ng Ingles sa primarya at sekundaryong edukasyon sa buong kapuluan. Ang nasabing mga panukala—na binuo nina Rachel Marguerite B. del Mar, Luis R. Villafuerte, Eduardo R. Gullas, at Mark A. Villar—ay halos iisa ang tabas, at sa introduksiyon lamang nagkakaiba. Isa pang panukala, na inakda ni Magtanggol T. Gunigundo I, ay nagsusulong naman ng patakarang multilingguwalismo sa anyong makyabeliko na “hatiin at lupigin,” at nagpapahina wari sa Filipino bilang pambansang wika habang pinalalakas ang pundasyon ng Ingles bilang lingua franca na lalong naglalagay sa alanganin sa panig ng mga wikang panrehiyon. Ang mga panukalang batas na ito ay nakahain ngayon sa hapag ng Kongreso.
Magkakaroon ng kulay ang pagpapatupad ng KT 210 dahil sa pinaiiral na kolonyal na patakarang pangwika at pang-edukasyon ng Estados Unidos sa Filipinas. Ang KT 210, na nilagdaan noong 17 Mayo 2003, ay nag-aatas na gamitin at palaganapin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon, at siyang pinairal sa buong Administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo at inayudahan sa pampolitika’t pampinansiyang pamamaraan ng Estados Unidos. Mainit ang pagtatalo noon kung ano ang wikang gagamitin sa pagtuturo dahil nagsisimulang lumakas ang BPO (Business Process Outsourcing), gaya ng mga call center, ngunit humihina sa Ingles ang nakararaming nagtapos sa kolehiyo. Dahil sa pangyayaring ito, ipinatawag ng embahador ng Amerika ang kalihim ng edukasyon isang araw upang magpaliwanag sa sitwasyon. Ayon sa mga kumpidensiyal na dokumentong nakalap ng WikiLeaks, hiniling ng embahador Kristie Kenney kay Kalihim ng DepEd Jesli Lapus sa pamamagitan ng USAID na “payagan ang mga Peace Corps Volunteer na makapagtrabaho nang lubos bilang guro at tagapagsanay ng mga guro” sa larang ng wikang Ingles. Nagbigay ng kontak mula sa DepEd ang nasabing kalihim at ito ang magbibigay ng gabay at impormasyon sa mga boluntaryo (kung hindi man espiyang Amerikano). Bukod dito, binanggit ng embahador ang mga programa ng USAID sa Mindanao, gaya ng sumusunod: una, pamumudmod ng mga telebisyon, komputer, at radyo sa mga pamilya nang maituro ang agham at matematika sa Ingles; ikalawa, pagpapahusay ng kasanayan ng mga kabataan bago magtrabaho; ikatlo, pamamahagi ng mga audiotape at aklat na laan sa pagtuturo at pag-aaral ng Ingles; at ikaapat, pamimigay ng mga teksbuk at aklat na nasa wikang Ingles sa mga paaralan. Nakipag-ugnayan din si Kal. Lapus sa mga lokal na estasyon ng radyo upang maisahimpapawid ang “English by Radio” ng British Broadcasting Company, at maipalaganap ang indoktrinasyon sa Ingles sa mga dukhang mag-aaral. Bukod dito, may dalawang fellow sa wikang Ingles na itinalaga sa DepEd at PNU (Philippine Normal University) upang “hubugin ang mga guro at paunlarin ang kurikulum” sa pagtuturo ng Ingles.[§] Kritikal ang panghihimasok na ito ng USAID sa Mindanao. Ayon sa pinakabagong sarbey ng National Statistics Office (NSO), anim sa sampung tao na maituturing na functional literate sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay may batayang kaalaman sa pagbabasa, pagsusulat, at komputasyon. Malayo ito sa resulta sa National Capital Region na siyam sa sampung katao na edad 10-64 ang napakikinabangan ang kanilang kaalaman. Sa isa pang sarbey noong 2007, 55.5 porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ng edad 5-24 sa ARMM ang nakadalo sa paaralan noong 2007-2008. Dinaig pa ito ng Baguio na tatlo sa apat na tao (72.2 porsiyento) ang nakadalo sa paaralan sa parehong panahon.[**]
Mapapansin sa nasabing mga dokumento kung paano nanghihimasok ang Amerika sa edukasyon ng mga Filipino. Mapagdududahan ang tunay na intensiyon ng mga grant ng USAID, ang mga fellow sa wikang Ingles na kabilang sa humuhubog ng kurikulum ng DepEd, ang mga donasyong materyal (o pinansiyal) na bumibilog sa ulo ng mga kabataan at nagpapasabik sa mga dukha sa Mindanao, ang malayang importasyon o pagtatapon ng tone-toneladang aklat sa Filipinas, at ang mga pagsasanay pangwika na ibinibigay sa mga guro para humusay sila sa pagtuturo ng Ingles. Sa iba pang dokumento na nakalap ng WikiLeaks, ibinunyag ang taktika ng mga opisyal ng embahada ng Amerika na mag-ikot sa 15 sekundaryong paaralan para hikayatin ang mga Filipinong estudyante na mag-aral at ang mga guro na magturo sa Amerika. Kung gaano kalaki ang suporta sa Ingles ay ni hindi nabanggit kung paano palalakasin ang Filipino sa sistema ng edukasyon, na parang ang Filipino ay ikalawang wika lamang sa Filipinas. Ang ganitong ulat ay puwedeng maging titis para sampahan ng kasong paniniktik [espionage] si Emb. Kenney at ang kaniyang mga kakutsaba, at parusahan ng pagtataksil sa Filipinas na dapat tumbasan ng pagbitay o habambuhay na pagkakabilanggo.
Samantala, gumagawa rin ng hakbang ang Tsina na palakasin ang pagtuturo ng wikang Tsino at edukasyong pangkultura sa 131 paaralang pinaaandar ng mga Tsino, kung hindi man Tsinoy, sa buong bansa. Ayon sa WikiLeaks, target ng Tsina ang 1-4 milyong Tsinoy sa buong bansa. Nagpadala noong 2003 ang Tsina ng 100 gurong estudyante sa Filipinas upang magturo ng wika at kulturang Tsino, samantalang inaasahan ang 150 guro na daraong noong 2007. Naglunsad pa ang Tsina ng study-abroad program, na target ang mga Tsinoy sa Filipinas, upang palakasin ang programa nito sa pagpapalaganap ng wika at kultura. Panaka-naka ring nag-iimbita ang embahador ng Tsina sa kaniyang tahanan sa Forbes Park, at doon ginaganap ang ilang pagtitipon ng mga alagad ng sining, edukador, politiko, at iba pang personalidad. Waring ginagaya ng Tsina ang taktika ng Amerika sa pagpapadala nito ng mga Thomasite, na ang pagkakaiba lamang ay sadyang tahimik ang Tsina kaysa Amerika.[††]
Sa kabila ng pagpupunyagi ng Estados Unidos (at Tsina) na maipundar ang kolonyal na patakarang pang-edukasyon ay patuloy na nakikilala ang Filipino. Malaganap na ang Filipino, ayon sa sarbey ng Ateneo de Manila University at sesegundahan ng NSO. Gayunman ngayon pa lamang unti-unting nakikilala ito sa mga dominyo ng kapangyarihan. Isa na rito ang internet.
Dati, inaakala ng iba na tanging sa Ingles lamang magagamit ang internet at pagpoprograma sa komputer. Nanghinayang halimbawa si Bernardo Villegas, na kilalang ekonomista at edukador, na waring iwinaksi ang Ingles sa panahon ng impormasyong teknolohiya.[‡‡] Hindi naman totoong iwinaksi nang tuluyan ang Ingles; lumakas lamang ang Filipino dahil maraming Filipino ang kabilang sa elektronikong lathalain. Lumitaw ang Blogger at WordPress, at ang dalawang higanteng ito sa larangan ng weblog ay nalahukan na ng Filipino, o sabihin nang Tagalog, bukod sa iba pang wikang panrehiyon. Lumakas ang Filipino, ngunit naiwan ang mga panrehiyong wika, dahil na rin kakaunti ang mga gumagamit ng panrehiyong wika. Lumitaw sa Google ang bersiyong Filipino, at maging sa mga intersosyalang Facebook at Twitter. Bagaman mapupuna ang kahinaan ng bersiyong Filipino kompara sa bersiyong Ingles ng Google, may pagtatangka na paunlarin pa ang Filipino sa pamamagitan ng pagsasalin at pagtutumbas ng mga salita. Sa WikiFilipino naman, isinalin sa Filipino ang mga terminong pangkomputer na ginagamit sa mga pahina nito, na sa unang pagkakataon ay nasilayan ng madla. Aaminin kong isa ako sa mga nagsalin ng termino sa WikiFilipino at WordPress Tagalog, ngunit nawalan ako ng gana pagkaraan dahil ang ibang nakikialam ay higit na mahusay sa komputer kaysa sa pagkakaunawa sa wika. Alam kong hindi ito dahilan para huminto. Kung nasimulan na ito sa Filipino, inaasahan kahit ang mga hacker at siyentista na maalam sa Filipino, na gumawa ng programang pangkomputer na pawang magpupundar ng muhon sa kasaysayan ng Filipino sa larangan ng komputer at internet.
Ang mga bagay na may kaugnayan sa telekomunikasyon, gaya ng selfon at telemarketing, ay unti-unti nang nagbabago pabor sa Filipino. Dati, ang wika sa pager at selfon ay Ingles. Sa kasalukuyan, nasa Filipino (o sabihin nang Tagalog) na ang mga manwal sa mga kasangkapang teknolohiko, na pumapantay sa Ingles at iba pang wikang internasyonal. Malaki ang kaugnayan ng pagsasalin ng mga terminong teknikal sa popularisyon ng Filipino, at maituturing na isang hakbang pasulong ang pagtatangka na gamitin ang Filipino kahit sa manwal at mumunting lathalain nitong laan sa mga konsumidor dahil lumalawak ang rehistro ng mga inimbento, hiniram, at inangking mga salita. Ang mungkahi ko’y iagapay ang pagtuturo ng Filipino kahit sa mga kursong may kaugnayan sa impormasyong teknolohiya, inhinyeriya, at kaugnay na larang. Maraming mahusay sa teknolohiyang pangkomputer, internet, at inhinyeriya, ngunit kakaunti ang mga kabataang mahusay din sa Filipino na maihahabol sa nagbabagong kaayusan. Panahon na upang maging dinamiko ang wika sa larangan ng agham, teknolohiya, at inhinyeriya, na makatutulong para maitampok ang mga Filipinong imbentor, siyentista, inhinyero, eksperto at makapag-iwan ng pagmamalaki sa panig ng mga produktong gawa ng mga Filipino.
Itinuturing na dominyo ng kapangyarihan ang senado at kongreso, at isang magandang pagkakataon ang debate kung anong wika ang dapat gamitin sa deliberasyon at publikong pagdinig. Ang ganitong usapin ay dapat pinagtataluhan; ngunit higit pa rito, dapat suportahan ng taumbayan ang mga mambabatas na masigasig gumamit ng Filipino sa mga publikong pagdinig. Kinakailangang itanong sa Korte Suprema kung napapanahon na bang gamitin ang Filipino sa mga pagdinig sa dalawang kapulungan ng mga mambabatas, at kung Filipino ba ang dapat maging pangunahing wika na sinusuportahan ng Ingles at mga wikang panrehiyon. Anuman ang maging sagot ng hukuman ay dapat isaalang-alang nang mabuti ng awtoridad at taumbayan. Kung ang batasan ay nagtatakda ng mahalagang pangyayari sa pag-iral ng mga mamamayang Filipino, ang batasang ito ay dapat pagsilbihan ang mayorya ng mga Filipino sa pinakaepektibong paraan. Magsisimula ang gayong serbisyo publiko sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino—na itinuturing na pambansang lingua franca sa kasalukuyang panahon.
Sa larangan ng radyo at telebisyon, kinilala ni GMA Network Chair at CEO Felipe L. Gozon ang halaga ng wikang Filipino sa pagpapalago ng negosyo nito. Hinimok niya ang kaniyang mga kasama mulang lupon ng mga direktor hanggang karaniwang kawani, na gamitin ang Filipino sa mga pagpupulong at pagtitipon. Ang nasabing pagpapahalaga ni Gozon ay maiisip na pagkilala na ang wika ay makabibihag ng guniguni ng taumbayan at siyang pinakaepektibong paraan upang maipaabot ang konsepto sa madla. Ngunit higit pa rito, Filipino ang naghahatid ng kita sa kompanya na patutunayan ng pagdami ng patalastas at isponsor ng mga programang telemagasin at telenobela. Kinakailangang dumami pa ang Gozon sa Filipinas, na hindi ikakahiya ang promosyon ng Filipino dahil ito ang makatutulong upang sumikat at kumita ang kompanya. Kabaligtaran naman ito ng tunguhin ng GNN, na ang mga balita at programa sa telebisyon ay karaniwang nasa wikang Ingles, at halos hindi pinapansin ng publiko. Samantala, dapat ding banggitin na sa 34 pahayagang online, isa lamang ang nasusulat sa Filipino, at iyon ang Abante. Ngunit ang Abante at isama na ang Bulgar ay pinatataob ang Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin, at Philippine Star—ang tatlong tanyag na broadsheet sa Ingles— kung pag-uusapan ang laki at lawak ng sirkulasyon sa palimbag na pamamaraan. Maihahalimbawa rin ang Journal Online, na ang mga artikulo ay nahahati sa Ingles at Filipino, bagaman higit na marami ang artikulo sa Ingles, at ang Filipino ay inilalaan sa siyobis at komentaryong pampolitika o panlipunan. Sa larangan ng siyobis, mababanggit ang pambihirang pagkiling ni Mother Lily Monteverde sa wikang Filipino nang atasan niya ang kaniyang mga artistang may banyagang dugo na magpakahusay sa paggamit ng Filipino (o sabihin nang Tagalog) para mapalapit sa puso at isip ng publiko.
May iba pang dominyo ng kapangyarihan na dapat pasukin ng Filipino. Kabilang dito ang agham at medisina. Gayunman, hindi masasabing ang pagtuturo ng agham o medisina ay esklusibo na lamang sa Ingles. Nagpanukala si Dr. Raul Jara, ang tanyag at isa sa mga pangunahing cardiologist sa Filipinas, na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng medisina. Ito aniya ay sa dahilang maraming nagtatapos ng kurso sa medisina ang natitiwalag sa mga tao na kanilang pinagsisilbihan makaraang makatapos ng pag-aaral at pumasa sa pambansang pagsusulit. Ingles ang wika ng pagtuturo sa medisina, kaya kahit ang mga konsepto ay nagmumula sa Ingles o banyagang lupain na hindi naman masakyan ng ibang estudyante sa medisina. Nagbigay ng halimbawa si Jara na kayang ituro ang cardiology sa pamamagitan ng Filipino at sa paggamit ng konsepto ng Filipino, ngunit ang ganitong radikal na mungkahi ay sumasalungat sa kumbensiyon, kaya mahirap tanggapin ng mga estudyante at doktor sa medisina dahil nasanay na ang kanilang dila at pananaw sa Ingles.
Naiiba nang kaunti ang pagdulog ni Dr. Rhodora Andrea M. Concepcion, na sumulat ng kauna-unahang aklat sa Filipino na tumatalakay sa mental retardation. Mapaghawan ng landas ang ginawa ni Concepcion, at sa pamamagitan ng magaan na pagsusulat na tumutuon sa mga tagapangalaga [caregiver] ay naipaabot niya ang komplikadong daigdig ng medisina, sikatríya, at sikolohiya. Gumamit ng makukulay na ilustrasyon ang kaniyang aklat, na waring hinahamon kahit ang lunan na dating saklaw lamang ng mga aklat pambata. Ang aklat ni Concepcion ay inaasahang masusundan pa dahil sa mainit na tangkilik ng publiko, lalo’t lumalaki ang bilang ng mga batang may pinsala ang pag-iisip.
Ang pagpasok sa dominyo ng kapangyarihan ay hindi biro, at ito marahil ang nasa sa puso ni Sen. Ople. Wala namang mangyayari kung magbabantulot ang publiko na maghanap ng pagbabago. Maipapanukala ang ilang sumusunod na pagbabago:
- Hikayatin ang mga eksperto sa kani-kaniyang larang na sumulat at maglathala ng mga akda, aklat at iba pang kaugnay na babasahin sa Filipino. Ang mungkahing ito’y mahuhugot din sa winika ni Gonzalez at iba pang dalubwika, gaya ng sikat na lingguwista Bonifacio Sibayan at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Kung maaari’y gamitin ang Filipino sa pagsusulat ng mga aklat o pagbubuo ng journal. Sa simula’y maaaring humanap ng katuwang sa pagsusulat, at habang lumalaon ay hahayaan na ang eksperto na sumulat nang sarili.
- Hindi mapapalitan ang mga tekstong Ingles sa mga dominyo ng kapangyarihan kung patuloy na sasalungat ang mga pinuno ng ahensiya at instrumentalidad na mula sa publiko o pribadong sektor, at mananatili ang prehuwisyo sa pagsusulat at pagpapalathala sa Filipino. Kinakailangang kulitin ang nasabing mga pinuno, at ipaabot sa kanila na napapanahon ang paggamit ng Filipino dahil makapagsisilbi ito sa malawak na sektor samantalang tinutulungan ang mga kawani at opisyal na mapalapit sa kalooban ng madla.
- Ipagpatuloy ang pagtangkilik sa mga akdang nasusulat sa Filipino. Sa National Bookstore, halimbawa, ang pinakamabiling aklat ay pawang nasusulat sa Filipino at tumataob kahit ang makukulay na aklat na imported at nasusulat sa Ingles. Samantala, may mga ahente ng aklat na direktang nagtutungo sa Ateneo de Manila University Press upang maghanap ng mga aklat na nasusulat sa Filipino at siyang hinihingi ng merkado sa ibayong dagat. Kung may merkado sa Filipino, ang kinakailangan ay pagpapalakas ng network ng distribusyon ng mga aklat, na hindi lamang gagamit ng mga tradisyonal na pamamaraan ng promosyon at pagbebenta, bagkus sasaklaw sa mga teritoryong hindi dating naaabot ng malalaking tindahan ng aklat.
- Hilingin sa mga awtoridad na magtaguyod at maglathala ng mga sangguniang aklat sa iba’t ibang disiplina na pawang nasa wikang Filipino, bilang pagsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987. Ang nasabing aklat ay hindi kinakailangang direktang salin mula sa tekstong Ingles; makagagawa ng mga sangguniang aklat na orihinal na isinulat sa Filipino batay sa mga reperensiyang nagmumula sa loob at labas ng bansa, bukod sa mga di-tradisyonal na sangguniang gaya ng panayam, blog, at kasaysayang lokal.
- Hilingin sa malalaking korporasyon na tumbasan ng salin sa Filipino ang mga tekstong Ingles na nakasaad sa kani-kanilang produkto. Kung ang ibang bansa ay nakahihiling sa nasabing mga korporasyon na tumbasan halimbawa sa Bahasa Indones, Espanyol, Nihonggo, at Thai ang mga pabatid sa lata ng gatas, magagawa rin iyon sa Filipinas. Ang ganitong patakaran ay pumapabor sa kabutihan ng mga Filipinong konsumidor, dahil mababatid nila na ang anumang nasusulat sa banyagang wika, gaya ng Mandarin o Ingles, ay umaayon sa pagpapabuti ng kanilang kalusugan.
- Suportahan ang mga organisasyong pampanitikan. Ang mga organisasyong pampanitikan ang tumutulong sa paghubog ng mga manunulat, at sa panahong ito, kinakailangan ang maraming manunulat sa Filipino dahil mangangailangan ang gaya ng DepEd ng maraming tagasalin at manunulat sa Filipino upang matupad ang itinatadhana na Medium-Term Philippine Development Plan 2011-2016 ng administrasyong Aquino. Binanggit sa nasabing adyenda ang pangangailangan na maisa-institusyon ang paggamit ng Filipino sa loob ng DepEd, mulang pagbubuo ng mga gamit sa pagtuturo hanggang pagbabalangkas ng mga pagsusulit sa Filipino.
- Makipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng Filipino. Nakasaad sa Saligang Batas 1987 na karapatan ng mga Filipino na makilahok sa pormulasyon ng mga pambansang patakaran at pagsasakatuparan ng mga programa nito, at ito ay nagsasadiwa ng Aklasang Bayan sa EDSA [EDSA People Power]. Ang mga organisasyong pangwika, pampanitikan, at iba pa ay dapat inuusisa kung ano ang ginagawa ng KWF. Hindi dapat manatiling bukod ang KWF sa publiko; at sa halip, dapat maging bukás ito sa matitinong kooperasyon na magpapalaganap sa Filipino sa iba’t ibang disiplina o lárang.
- Hindi matatakasan sa Filipinas ang pagiging maalam sa tatlo o higit pang wika. Halimbawa, maaaring maalam sa Ilokano o Bisaya kapag nasa isang rehiyon, samantalang bihasa rin sa Filipino kapag nakikipagtalastasan sa pambansang antas, bukod sa mahusay din sa Ingles at iba pang internasyonal na wika kung kinakailangang makipagtalastasan sa ibayong-dagat. Gayunman, maisasaalang-alang din ang paggamit ng Filipino kahit sa mga transaksiyon at komunikasyon sa diasporang Filipino, upang maitanghal ang pambansang identidad at makilala ang kapangyarihan nito sa pandaigdigang antas. Ang pagtataguyod ng mga katutubong wika ay hindi kinakailangang salungat sa Filipino, bagkus dapat kaagapay ang Filipino sa paglago at paglaganap lalo sa pasulat at palimbag na pamamaraan.
Marami nang pag-aaral hinggil sa kultura, wika, at kaunlarang panlipunan ngunit ang kakatwa’y hindi natutumbasan ang ganitong mga pag-aaral ng aktuwal na babasahing isinulat sa Filipino. Halimbawa, sa pag-aaral ni Dr. Dina Ocampo, higit na malaki ang bilang ng mag-aaral na nakababasa at nakauunawa sa wikang Filipino kaysa Ingles, mulang unang grado hanggang ikaanim na grado.[§§] Ngunit ang gayong pangyayari’y hindi tinutumbasan ng tangkilik ng mga lokal na pabliser na dapat maglathala ng higit na maraming aklat na nasusulat sa Filipino ayon sa hinihingi ng merkado. Kinakailangang ipagpatuloy ang produksiyon ng mga lathalain na nasa Filipino, at kung kinakailangan, na may kaagapay na wikang panrehiyon. Ang usapin dito ay hindi na lamang wika, bagkus ang partikular na disiplina na ipinapaliwanag sa pamamagitan ng Filipino o panrehiyong wika. Ipagpalagay mang ang wika ay matatamo sa likás na paraan, o bilang karagdagang kaalaman, ay hindi mahalaga. Ang higit na mahalaga ay kung paano nakapagtataguyod ang wika sa simulain at bisyon ng Filipino.
Nakini-kinita noon ni Gonzalez na nasa panig ng wikang Filipino ang panahon dahil sa dami ng gumagamit nito sa Filipinas. Na totoo naman. Kung pagbabatayan ang pinakabagong census ng NSO, mahigit 90 porsiyento ng populasyon sa Filipinas—sabihin nang 80 milyon—ng 88.5 milyong katao ang nakauunawa ng wikang Filipino. Hindi ang Sebwano ang makahahadlang sa Filipino, ani Gonzalez, dahil tinatanggap na ang Filipino bilang lingua franca sa buong kapuluan, at sa Cebu. Tanging Ingles, ayon sa pag-aaral ni Gonzalez, ang magiging hadlang; at ang lunan ng tunggalian ay “ekonomikong bentaha” at “nasyonalismo.” Sa ganitong pangyayari, liliit nang liliit ang puwang ng Ingles, at itatakda ang restriksiyon ng Ingles sa ilang piling dominyo habang titingkad ang pagkakabukod-bukod ng uring panlipunan batay sa wika, na ang mga maykaya ay pananatilihin ang Ingles sa mga esklusibong paaralan, samantalang lumalaganap ang Filipino sa mga publikong paaralan at bumababa ang kahusayan ng mga guro sa pagtuturo ng Ingles. Hinulaan pa ni Gonzalez na baka dumating ang sandali na ang Ingles ay hindi na lamang ituring na ikalawang wika bagkus banyagang wika na para lamang sa elitista, at lalawak nang lubos ang dominyo ng Filipino sa lahat ng saray ng lipunan.
Nagbigay ng halimbawa ang ating pangulo kung paano gagamitin ang Filipino sa dominyo ng kapangyarihan upang magsilbi bilang wikang panlahat. Nasa atin ang pasiya kung tayo’y tataliwas o susunod.
Mga Tala
[*] Basahin ang “Memorandum Soble la Lengua Nacional” (1935) na sinulat ni Hukom Norberto Romualdez para kay Pang. Manuel L. Quezon.
[†] Basahin ang “Incongruity between the language of law and the language of court proceedings: The Philippine Experience,” ni Bro. Andrew Gonzalez, sa Language and Communication, 1996.
[‡] Tumutukoy ang “Kautusang Tagapagpaganap” sa “Executive Order,” na dinadaglat na EO, gaya ng EO 210 at EO 335, at KT.
[§] Basahin ang di-klasipikadong dokumento na nagmula sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila, at sinulat ni Emb. Kristie Kenney para sa Kalihim ng Estado Unidos. Sinulat noong 21 Setyembre 2006, at inilabas noong 30 Agosto 2011.
[**] Hango sa National Statistics Office sarbey at matatagpuan sa http://www.census.gov.ph/data/ pressrelease/2010/pr10162tx.html na hinango noong 9 Setyembre 2011.
[††] Kumpidensiyal na ulat ni Emb. Kristie Kenney sa Kalihim ng Estado ng Amerika. Sinulat noong 15 Marso 2007, at inilabas noong 30 Agosto 2011.
[‡‡] Basahin ang “Alienated Intellectuals,” sinulat ni Blas F. Ople at nalathala sa Manila Bulletin, 3 Pebrero 2002.
[§§] Basahin ang “The Roadmap to Philippine Multi-literacy” na sinulat ni Dr. Dina Ocampo, Leonor Diaz, Portia Padilla, atbp. 2009. Tingnan ang http://www.slideshare.net/dina.ocampo/the-roadmap-to-philippine-multiliteracy, hinango noong 2 Setyembre 2011.
G. Anonuevo,
Maraming magagandang ideya, pero “sabog” ang pagtalakay. Mahirap kunin ang kaisa-isa at nangungunang ideya. Iba ang pagbasa sa artikulo sa magazine at artikulo sa blog. Sa magazine, leisurely, sa blog, what and why and then click away. Sana’y makatulong ang comment na ito.
Resty Cena
LikeLike
Iginagalang ko ang inyong puna, G. Resty Cena, ngunit nagmamadali ang inyong pagbasa. Hindi para sa mainipin ang aking artikulo.
LikeLike
Magandang sagot!
LikeLike
Nais ko pong salungatin ang inyong sinabi na ang mga panrehiyong wika ay naiwan dahil kakaunti ang mga gumagamit nito. Walo o labintatlo po sa ating mga panrehiyong wika ay malawakan ding ginagamit, lalo na ang wikang Tagalog na batayan ng wikang pambansa, ang wikang Ilocano na lingua franca ng Hilagang Luzon, at ang Cebuano na lingua franca ng Visayas. Milyon-milyon din ang gumagamit sa mga nasabing wika, at masasabing mayroon din sanang demand upang gamitin ang mga ito. Kapansin-pansin na hindi kasama sa mga wika ng Google o Facebook ang Ilocano at Cebuano sa kabila ng pagkakaroon ng mga ito ng malawakang gamit kumpara sa ibang wikang dayuhan na ginagamit sa mga naturang website at lalong lalo na kumpara sa isang artipisyal na lenggwaheng gaya ng Esperanto o sa isang patay nang wika gaya ng Latin.
Sa aking palagay, naiwan ang mga ito dahil sa kawalan ng pagkilala at suporta para sa mga ito mula sa gobyerno na kung maglaan man ng kaunting pagkilala sa mga ito ay pakonsuwelo de bobo lamang. Naging mapaminsala rin ang maling implementasyon ng Edukasyong Bilinggwal ng 1987, na ayon sa aking saliksik ay nagtatakda na kinakailangang gawing maalam ang mga mag-aaral sa rehiyonal na wika, sa wikang Filipino, at sa wikang Ingles. Ang naging implementasyon nito ay ang pagsusulong lamang ng wikang Filipino at ng wikang Ingles, sa kapabayaan ng mga wikang rehiyon na kadalasang ipinagbabawal din sa mga paaralan. Ang naging resulta nito ay ang iliterasiya ng karamihan sa ating mga kabataang mula sa rehiyon sa kani-kanilang mga sariling wika. Kung may mga kabataan mang ngayong literate sa kanilang mga rehiyonal na wika ay yaong mga may gurong lumampas sa kolonyal na pag-iisip sa tanging mga opisyal na wika lamang ang may kakayahang maging intelektuwalisado.
Masayang isipin ang prediksiyon na lalo pang uusad ang wikang Filipino at hindi magiging hadlang ang mga wikang rehiyonal sa pag-usad at pag-unlad nito ngunit ang nakatatakot ay ang umusad ito sa kapabayaan ng ating mga wikang panrehiyon na kapansin-pansin na ngayon. Kung walang gagawin ang sambayanan, matutulad ang mga wikang gaya ng Ilocano at Cebuano sa wikang gaya ng Occitan na dating malakas at masiglang wikang mayroong magiting na kasaysayang pampanitikan na kaya humina ay dahil sa mapanupil sa patakarang pangwika ng estado. Hindi mapanupil ang patakarang pangwika ng Filipinas dahil hindi naman nito ipinagbabawal ang paggamit sa mga rehiyonal na wika, at taliwas ito sa kasaysayan ng patakarang pangwika ng Fransiya na naging layunin na patayin ang Occitan, Breton, at ibang pang wika sa labas ng Paris. Ngunit ang pagiging kakaunti ng pagkilala ng ating mga batas at institusyong pampamahalaan, kung hindi man pagiging tahimik ng mga ito, hinggil sa mga pangrehiyong wika ay isa na ring paraan ng patalikod sa pagpapaunlad at pagpapausad ng ating mga panrehiyong wika kaalinsabay ng Filipino.
Ang marapat sanang gawin sa ating bansa ay gawing koopisyal man lamang ng Ingles at Filipino ang ating mga pangunahing wika sa kani-kanilang mga rehiyon at bigyan ang mga ito ng kapantay na karapatang magamit sa mga dominyo ng kapangyarihan. Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay hindi rin dapat gumagawa ng korpus ng mga siyentipikong salita para sa Filipino lamang, bagkus kinakailangang gumawa ito ng korpus ng mga siyenikong salita na pwedeng gamitin at katanggap-tanggap sa alinman wika sa ating bansa. Sa pamamagitan ng paggawa ng Komun na Bokabularyong Siyentipiko ng Pilipinas, malaki ang posibilidad na mapaunlad ang ating mga wika nang magkakaalinsabay. Makiisa din sana ang KWF sa mga organisasyong pangwika mula sa mga rehiyonal na wika upang himukin ang DepEd, Ched, at iba pang institusyong pang-edukasyon na isama kahit man lamang ang mga pangunahing wika sa kurikulum bilang hiwalay na asignatura sa kani-kanilang mga rehiyon. At sana himukin din ng KWF ang Konggreso na gumawa ng mga batas upang kilalanin at suportahan ang ating mga panrehiyong wika.
LikeLike
Tungkulin ng Komisyon sa Wikang Filipino na palawakin at palalimin ang korpus ng wikang Filipino sa pamamagitan ng paglalahok ng mga salita mula sa mga wikang panrehiyon. Hindi totoong gumagawa ang KWF ng korpus “para sa Filipino lamang,” at dapat ituwid ang ganitong pagtanaw.
Tungkulin din ng KWF na makiisa sa mga organisasyong pangwika sa iba’t ibang rehiyon, at sa katunayan, bumuo pa ang KWF ng mga Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino upang matamo ang ganitong mithi.
Malinaw ang Saligang Batas 1987, na ang pambansang wika ng Filipinas ay Filipino. At mapauunlad lamang ito kung patuloy na lilinangin at gagamitin ang mga wikang panrehiyon at iba pang wika (i.e., Ingles at Espanyol at banyagang wika). Ang pagpapayaman ng Filipino ay hindi nangangahulugan ng pagpatay o pagpapahina sa mga wikang panrehiyon.
Ang paggamit ng mga wikang panrehiyon ay hindi lamang dapat nagwawakas sa pabigkas na paraan. Kailangang gamitin din ito sa pasulat na paraan, at gamitin sa iba’t ibang disiplina at larang, gaya ng tinatangkang gawin ngayon ng wikang Filipino.
LikeLike
Kung hindi lamang para sa Filipino ang korpus na ginagawa ng KWF, mabuti po iyon. Maganda rin po ang paggawa ng mga Penrehiyong Sentro ng Wikang Filipino at inaasahan ko pong ang mga ito ay naglalayong palawakin, palaganapin, paunlarin, at payamanin pa ang mga panrehiyong wika, kaalinsabay ng pambansang wika, sa kani-kanilang mga lugar. Kung ganito po ang totoong kalagayan, ang problema po kung gayon ay hindi naipararating at hindi naipababatid ng Komisyon sa mga gumagamit ng mga wikang panrehiyon na ang korpus na ginagawa ng Komisyon ay para din sa kanilang mga wika at ang pagkakaroon ng Penrehiyong Sentro ng Wikang Filipino ay para rin sa pagsusulong ng kanilang mga wika kaalinsabay ng wikang Filipino.
Marapat po kung gayon na ipaliwanag ito ng Komisyon sa kanyang website at sa mga palatuntunan, komperensiya, at iba pang mga events na ginagawa nito.
Mayroon pong mga pangrehiyong wika na umigpaw na sa pabigkas na gamit at nasusulat na ngayon, gaya ng Ilocano. At marami pong mga pagsisikap na palawakin pa ang gamit nito sa iba’t ibang larang ngunit nagkakaproblema po dahil na rin po sa pagka-brainwash ng maraming Ilocano sa kung ano bang wika ang marapat gamitin sa mga teknikal na larang. Dahil po sa pagkatiwalag ng wikang Ilocano mula sa sistemang pangedukasyon dahil sa maling implementasyon ng patakarang pangwika sa mga paaralan, marami pong mga kabataan ang illiterate sa wikang ito. Kaya nga po sana isulong din ng Komisyon sa pakikipagtulungan sa mga organisyong pangwika ng Ilocano ang pagpapasok nito sa kurikulum sa mga paaralan ng Kailocohan. Malaking tulong po ang pagpapakita ng isang pambansang institusyon para mapalakas ang laban ng mga organisasyong pangwika ng Ilocano.
Nakalulungkot din po na dahil sa kawalan ng suporta at pagdidiscourage ng paggamit sa Ilocano ay nakakaligtaan ng mga imigrante mula ibang bahagi ng Filipinas patungong Norte ang kanilang tungkulin na respetuhin ang mga wika doon at hindi na nila inaral pang gamitin ang mga ito sa kabila ng kanilang desisyon na manirahan doon. Sa halip ay napupuwersa tuloy ngayon ang mga taga-Norte na talikuran ang kanikanilang mga wika. Maganda pong halimbawa ang Baguio. Sa loob lamang ng dalawang dekada, humigit-kumulang 40% na lang ng populasyon nito ang gumagamit ng Ilocano mula humigit kumulang 60%.
Nakababahala po ang ganitong kalagayan at kung hindi maisusulong ang paggamit ng Ilocano sa pakikipagtulungan sa KWF na naatasang isulong din ang mga wikang panrehiyon, tuluyan nang mawawalan ng kaluluwa ang lungsod dahil tinalikuran nito ang makasaysayang wika niya at hindi nito ibinahagi sa kanyang mga adopted children.
LikeLike
Asahan mong ipaaabot ko iyan sa KWF, lalong-lalo na sa komisyoner na kumakatawan sa mga Ilokano.
LikeLike
Agyamanak unay, apo.
LikeLike