salin ng tulang tuluyan ni Toshio Nakae.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Tahanan ng mga Bituin
Naitatag sa kung saang sulok ng himpapawid ang bahay nang walang tulong ng sinumang klasikong disenyador o abanggardistang arkitekto.
Naitindig ang bahay nang walang tunog ng palo ng martilyo ni garalgal ng makinang tagapaghalo ng kongkreto.
Ni walang bakod ni pader o lupain, ang mga bagay at gastusin ay maringal na nilulustay sa malayo.
Tigang, di-maliparang uwak na hardin ng gabi. Munti, hungkag, walang lupaing baláy. Wala kundi ang mala-kristal na bunga ng mga buntong-hininga, ipinagbabawal, walang bubong, walang haligi, walang bakal na balangkas. Malamig, malamig na walang saysay.
Mga kristal na hugis-bahay ng di-mabilang na katal ng buntong-hininga. Ibinukod sa iba at walang landas, bumubuo ng lungsod ang mga ito.
Hindi mamuhay sa gayong bahay sa naturang lungsod, huwag mamahinga sa gayong bahay, bagkus magngalit sa gayong tirahan, mapoot lamang, ang buhay ay kailangan sa Hiroshima at Nagasaki. Kailangan ang buhay sa Auschwitz at Stalingrad.
Ngunit iyon ang lungsod na walang panauhin. Ang bahay na iyon. Ang bahay na tanging ang mga bituin ang umiiral, ang tahanan ng mga buntong-hininga ng mga tao.
Tila singaw iyong maglalaho sa ngitngit. Ang tahanang maringal na umaantig ng ilusyon, gaya ng ginagawa ng mapusyaw, mapusyaw na panaginip sa sukdol ng nauupos na pag-asa.