Aklatan ito ng mga pakikipagsapalaran, at ikaw bilang panauhin, ay malayang maglakbay nang may buntot, bagwis, at sungay. Ipagpalagay na isa itong eskinita, at sa tula ni Teo Antonio ay maghuhunos kang estudyante na kung hindi nagmamarakulyo sa mundo ay umiibig sa kalapati na dumarapo sa sahig ng hatinggabi. Lumakad ka, at madaraanan ang huntahan ng mga eskolar ng bayan; makiusyoso, at ang matutunghayan ay dalawang tambay na nagsusunog ng kilay sa ahedres. Maaaring malikmata lamang ito, wiwikain mo. Habang lumalaon, mabubulag ka ng mga ilaw ng sasakyan. Sisingit sa iyong gunita ang diyabolikong lungsod ni Mike Bigornia para tugunin mo ng isang malanding sipol kung hindi man malulutong na pakyu. Matutulig ka sa musika at bulyawan ng mag-anak na nagdiriwang sa kanilang gutom at hinanakit. Aakitin ka ng mga bilbord para managinip na isa kang modelo ng alahas o pabango. Ipasasakay mo sa simoy ang katwiran ng kalinisan. Humipo ka sa kanan ay malalaglag ang mga pahina o larawan. Humilig ka sa kaliwa ay matitigmak sa sipon o luha ang balikat. Maaakit ka sa yakap ng karimlan. Magugutom ka sa mga umagang kumakalam ang ulirat. Tatangkain mong umimbulog, subalit ang kakatwa’y para kang saranggola na nasalalak sa antena at kawad. Hihingi ka ng tulong. At maya-maya’y magdaratingan ang mga lasing na maton. Saka mo maririnig ang isa sa kanilang lumpeng intelektuwal na tangan ang tirador at bubulong-bulong. Mapapapikit ka, at nanaising matunaw na allid sa sinag ng liwayway.