salin ng dalawang tulang tuluyan ni Tomas Tranströmer.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Lampas Zero
Tayo’y nasa pista na tinanggihan tayo. Sa wakas, hinubad ng pista ang balatkayo nito at inilantad ang totoo: isang himpilan ng tren, dambuhalang malamig na estatwa na nakaupo sa ulop. May tsok na kahig-manok sa mga pinto ng bagon.
Hindi dapat sabihin, ngunit labis ang dahas na sinikil dito. Kaya ang mga tampok ay mabibigat. Kaya napakahirap makita ang ibang bagay na pawang umiiral din: ang bumabandang sinag ng araw na tumatagos sa dingding ng bahay at naglalandas sa mga di-malay na gubat ng kumukutitap na mukha. Isang teksto sa Bibliya na nakaligtaang isulat: “Lumapit sa akin, dahil hitik ako ng mga kontradiksiyon, gaya mo.”
Magtatrabaho ako bukas sa ibang lungsod. Sasalibad ako sa madaling-araw na bughaw—itim na silindro. Sasaklaw ang Apulón sa nagyeyelong lupain. Nakatayo ang mga bata sa piling ng tahimik na madla, naghihintay ng pampaaralang bus. Ang mga bata na ni hindi man lamang naipagdarasal. Marahang humahaba ang liwanag, gaya ng ating buhok.
Sagot sa Liham
Sa ibabang bahagi ng kahon, natagpuan ko ang liham na dumating sa unang pagkakataon may dalawampu’t anim na taon na ang nakalilipas. Ang liham na isinulat nang may pagkaligalig, at patuloy na pumipintig nang sumapit ito sa ikalawang pagkakataon.
May limang bintana ang bahay; apat sa mga ito ang pinaglalagusan ng sinag nang maningning at pirmi. Ang ikalimang bintana’y nakaharap sa makulimlim na langit at kulog at kidlat. Nakatayo ako sa harap ng ikalimang bintana. Ang liham.
Minsan, may malalim na guwang na humahati sa Martes at Miyerkoles, ngunit ang dalawampu’t anim na taon ay maaaring kisapmatang lumipas. Hindi tuwid na linya ang panahon, bagkus laberinto. At kung hihilig ka sa pader, sa tumpak na puwesto, mauulinig mo ang nagmamadaling yabag at tinig. Maririnig mo ang sariling lumalampas sa kabilang panig.
Nasagot ba ang naturang liham? Hindi ko na matandaan, dahil napakatagal na iyon. Patuloy na umaagos ang di-mabilang na hanggahan ng mga alon. Patuloy na pumipintig kada segundo ang puso, gaya ng palaka sa tigmak na damuhan sa isang gabi ng Agosto.
Nangagtipon ang mga di-nasasagot na liham, tulad ng kulot-kulot na ulap na nagbabadya ng unos. Pinakukulimlim nito ang sinag ng araw. Isang araw ay tutugon ako. Isang araw kapag patay na ako, at malayang ilatag ang mga naiisip. O kaya’y napakalayo rito, at handa na muling tuklasin ang sarili. Nang sumapit ako kamakailan ay naglakad ako sa malawak na lungsod. Doon sa Ika-25 Kalye, sa mahanging kalye ng nagsasayawang basura. Ako na naibigang maglakad at makihalubilo sa madla. Ang titik T sa walang hanggang lawas ng teksto.