salin ng tulang tuluyan sa Ingles ni Chard deNiord.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Ang Musika
Kung mga nota sa ilog ang isda, hindi kailanman magkakapareho ang awit, kahit manatili ang tubigan. Mali si Heraklitus. Ang agos ang galaw ang lahat. Hipuin ang mananayaw habang umiikot at mananatili siyang mananayaw. Kaya ba may awit na hindi napatutugtog dahil ang isda ay malimit lumalangoy sa paraang itinatakwil ang notasyon? Kung hihinto ang mga nota ngayon sa kinalalagyan nito, makabubuo ba iyon ng awit? Patuloy bang lumalangoy, samakatwid, ang mga ito tungo sa himig? Kung gayon, masasabing ang anumang awit ay maagap na nakababatid ng kawan ng mga isda sa iba’t ibang lalim, ang kagyat at likas na pagtutumbas para sa komposisyon, ang awit-plapla, ang awit-apahap, ang awit-lapulapu. Ngunit isip ang kasalungat ng ilog, ani Ginoong Tsu. Hindi iyon awit sa ilalim ng rabaw na ipinapahiwatig ng isda, dahil ang mga awit na iyon ay hindi umiral kailanman, ngunit nakapirming matitining na nota sa rabaw na nakadikit sa dahon, sa baras. Ang musikang dinig natin ay pinatutugtog ng mga musikong alam ang kaibhan ng diwain at ng notang talaan. Kaya mali si Kepler hinggil sa mga espera, at si Scriabin hinggil sa espektro, at si David hinggil sa mga buról. Tanging ang isip ang nakapagbubulay nito. Tanging ang isip ang makawawasak ng pananahimik nito sa pamamagitan ng simponiya.