Talinghaga ng Pag-ibig, ni Nizar Qabbani

salin ng tatlong tula ni Nizar Qabbani.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kapag umibig ako

Kapag umibig ako
wari ko’y hari ako ng panahon.
Taglay ko ang mundo at lahat ng lalang nito
at sakay ng kabayo pahagibis sa araw.

Kapag umibig ako
naghuhunos akong agos ng liwanag
na ni hindi matalos ng paningin;
at ang mga tula sa aking kuwaderno’y
mistulang bukirin ng palumpong at opyo.

Kapag umibig ako
sumisirit ang tubig sa aking mga daliri
sumisibol ang mga damo sa aking dila
at kung umibig
ay nagiging panahon sa labas ng panahon.

Kapag umibig ako sa babae,
lahat ng punongkahoy
ay tumatakbong nakayapak palapit sa akin. . . .

Kapag inibig kita

Kapag inibig kita
sumisibol ang bagong wika, lumilitaw
ang bagong lungsod, at natutuklas ang mga bagong bansa.
Masasamyo ang oras gaya ng mga opyo,
tumutubo ang trigo sa mga pahina ng mga aklat,
lumilipad ang mga ibon mula sa mga mata mong hatid
ang biyaya ng pukyot,
naglalandas ang karabana sa mga suso mong taglay
ang yerbang Indio,
nahuhulog ang mga mangga sa palibot, nagliliyab
ang mga gubat, at lumalagabog ang mga tambol Nubian.

Kapag inibig kita, mapapawi sa mga suso mo ang kahihiyan
at maghuhunos kidlat, kulog, espada, at unos ng buhangin.
Kapag inibig kita, maalab na babangon at mag-aaklas
ang mga Arabeng lungsod laban sa dantaong panunupil
at sa mga panahon
ng paghihiganti laban sa mga batas ng tribu.
At ako, kapag umibig sa iyo,
ay magmamartsa laban sa kapangitan,
laban sa mga hari ng asin,
laban sa institusyonalisasyon ng disyerto.
At patuloy kitang iibigin hanggang bumaha sa buong daigdig;
Patuloy kitang iibigin hanggang sumapit ang baha sa daigdig.

Paghahambing sa Pag-ibig

Hindi ako kagaya ng iba mong mangingibig, binibini.
Kapag may nagbigay sa iyo ng ulap,
bibigyan kita ng ulan.
Kapag binigyan ka niya ng parola,
ibibigay ko sa iyo ang buwan.
Kapag binigyan ka niya ng sanga,
ibibigay ko naman ang mga punongkahoy.
At kapag binigyan ka niya ng barko,
ibibigay ko sa iyo ang pambihirang paglalakbay.

Lorelei, ni Heinrich Heine

salin ng “Lorelei,” ni Heinrich Heine [Christian Johann Heinrich Heine]
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ganap akong bigong hanapin ang ugat
Kung bakit ba ako’y balisa’t malungkot;
May isang kuwentong ako’y binagabag
at hanggang paghimbing ay nambubulabog.

Malamig ang simoy noong agaw-dilim
At ang agos sa Rhine ay sadyang tahimik;
Ang tuktok ng bundok ay taglay ang ningning
Ng araw sa gabing marahang napalis.

Doon sa itaas, marikit na nupo
ang kahanga-hanga’t basal na dalaga.
Lumantad sa tanaw ang lihim na ginto
na sa ulo niya’y may kinang ang hibla.

At sinuyod niya ng bulawang suklay
Ang malagong buhok habang umaawit
Ng himig na buo’t iba kung dumantay
Sa mga pandama sakali’t marinig.

Ang bangkerong sakay ng munting baroto’y
Tinuklaw ng lamlam na gumala-gala.
Ni hindi pinansin ang bato sa dulo
o proa ng bangka, siya’y tumingala.

Tila wawasakin ng along mabagsik
Ang bangka’t bangkero, wari nitong loob.
At iyon ang dahil ng muling pag-awit
Ng isang Lorelei, na sukdol ang rubdob.

"Lorelei," (1864), oleo sa kambas ni Eduard Jacob von Steinle

"Lorelei," (1864), oleo sa kambas ni Eduard Jacob von Steinle

Mensahe sa Ika-75 Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino

Kahanga-hanga ang makaabot sa ikapitumpu’t limang taon, at ang Komisyon sa Wikang Filipino ay masasabing nasa edad na tigulang na. Kapag sinabing “tigulang,” inaasahan na ang nabanggit na institusyon ay nasa yugto ng abanseng pagtanaw, pagganap, at pag-iral na sapat para makapag-ambag ng makabuluhang bagay sa lipunan.

Ngunit ang edad ay hindi magtitiyak na ang lahat ng ginagawa ng KWF ay ayon sa inaasahan ng lahat, o kaya’y batay sa orihinal na simulain ng mga pundador nito. May tumatanda nang paurong. May nagmumurang kamatis. At may bumabalik sa edad ng kamusmusan. Ang edad at ang pagganap ng tungkol ay magkaibang teritoryo, at maraming salik ang makaaapekto sa pagganap na maaaring mabigong makahabol o makaangkop sa panahon na nagpapahiwatig ng paglawak ng karanasan at karunungan.

Hinuhubog tayo ng ating kultura kung paano tatanawin ang pagtanda. Tinatakot tayo kung minsan ng midya laban sa uban, bilbil, at rayuma para maging katwiran si Dr. Vicky Belo at maniwala sa biro ni Dolphy. Ang KWF, halimbawa, ay inaasahan na higit na abanse sa larangan ng wika at pananaliksik; ngunit paano kung sa pagtanda ay magbawa ang apoy ng sigasig sa pananaliksik? Kung nagkulang, kung hindi man nabigo, ang KWF sa dapat sanang tungkulin nito, may magagawa pa ba tayo upang ito’y maituwid?

Mayrooon. Ngunit gaya ng dapat asahan, ang pagtutuwid ay dumaraan sa yugto ng pagbibinyag sa apoy at simbolikong paghuhunos ng sarili. Hindi malulutas ang mga kakulangan kung mananahimik ang bawat isa, kung pababayaan ang mga pagmamalabis ng ilang kawani o opisyal sa ilang pagkakataon at magkikibit-balikat lamang para iligtas ang sarili. Kinakailangan ang magsalita at magtaya, at ang magsalita ay dapat isagawa dahil karapatang pantao ito na hindi kailanman masasagkaan.

Ang pagdiriwang ng anumang okasyon ay naghahatid sa atin na balikan ang nakaraan, gaano man kapait o katamis, upang mapahusay ang estado ng kasalukuyan at maihanda ang kinabukasan. Sa pagbabalik sa nakaraan, kinakailangan ang mga aklat at iba pang lathalain, bukod sa abanseng aklatan at matalinong pagbasa ng kasaysayan; subalit higit pa rito, kailangang ingatan natin at itala ang mga personal na karanasan na kayang lumampas sa hanggahan ng personal para umabot sa saklaw na panlipunan. Bakit? Sapagkat malaki ang maitutulong nito upang maitumpak ang kinathang katotohanan ng nakalipas na panahon.

Mula sa araw na ito’y may isang pangyayari ang inaasahan kong babago sa dating nakagawian sa KWF. Nagkaroon sa unang pagkakataon ang KWF ng isang diksiyonaryong computer database na nasa wikang Filipino. Dapat itong ipagmalaki ninuman, dahil tinalo natin, sa kabila ng limitadong badyet, ang ibang pambansa o pribadong institusyon, at lumikha tayo ng isang imbakang elektroniko na kung ipagpapatuloy na pagyamanin ay pagkakakitahan nang malaki ng buong tanggapan. Ngunit higit pa sa salapi, ang database ay nagsusulong ng modernisasyon ng KWF. Hinahamon tayo nito na pumaloob sa makabagong daigdig ng teknolohiya, na maiuugnay sa wika at literatura at iba pang larang, para sa ganap na paglago ng Filipino at iba pang wikang lalawiganin.

Ngayong araw na ito’y huwag nating kalilimutan ang bisyon ng KWF: na kasangkapanin ang Filipino para sa pambansang kaunlaran habang isinasaalang-alang ang matatatag na mamamayan. Huwag nating gamitin ang wikang Filipino para isahan, lokohin o kutyain ang kapuwa Filipino. Huwag nating gamitin ang Filipino para magpalaganap ng kabalbalan, katangahan, at baluktot na impormasyon. Gamitin natin nang mahusay, matalisik, at may pagmamalaki ang Filipino nang makapasok ito at mangibabaw sa dominyo ng kapangyarihan,gaya ng winika noonnina Dr. Bonifacio Sibayan, Bro. Andrew Gonzalez, at Sen. Blas F. Ople.

Pasalamatan natin ang mga organisador ng pagtitipong ito sa pangunguna ng itinatangi kong si Dr. Leticia Macaraeg (na dapat pagpugayan sa laki ng ambag sa KWF), kapiling ang kaniyang buong sangay. Ngunit dapat kong banggitin ang lahat ng kawani ng KWF, mula sa pinakamababa hanggang pinakamataas, dahil kung hindi dahil sa kanila ay walang aandar na makinarya na sinusuhayan ng kolektibong isip para sa wika. Mabuhay ang Komisyon sa Wikang Filipino, at isang karangalan ang makapagsalita sa piling ninyo.

[Binasa ng Direktor Heneral sa ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng Komisyon sa Wikang Filipino na ginanap sa City State Hotel, Ermita, Maynila.]