Mensahe sa Ika-75 Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino

Kahanga-hanga ang makaabot sa ikapitumpu’t limang taon, at ang Komisyon sa Wikang Filipino ay masasabing nasa edad na tigulang na. Kapag sinabing “tigulang,” inaasahan na ang nabanggit na institusyon ay nasa yugto ng abanseng pagtanaw, pagganap, at pag-iral na sapat para makapag-ambag ng makabuluhang bagay sa lipunan.

Ngunit ang edad ay hindi magtitiyak na ang lahat ng ginagawa ng KWF ay ayon sa inaasahan ng lahat, o kaya’y batay sa orihinal na simulain ng mga pundador nito. May tumatanda nang paurong. May nagmumurang kamatis. At may bumabalik sa edad ng kamusmusan. Ang edad at ang pagganap ng tungkol ay magkaibang teritoryo, at maraming salik ang makaaapekto sa pagganap na maaaring mabigong makahabol o makaangkop sa panahon na nagpapahiwatig ng paglawak ng karanasan at karunungan.

Hinuhubog tayo ng ating kultura kung paano tatanawin ang pagtanda. Tinatakot tayo kung minsan ng midya laban sa uban, bilbil, at rayuma para maging katwiran si Dr. Vicky Belo at maniwala sa biro ni Dolphy. Ang KWF, halimbawa, ay inaasahan na higit na abanse sa larangan ng wika at pananaliksik; ngunit paano kung sa pagtanda ay magbawa ang apoy ng sigasig sa pananaliksik? Kung nagkulang, kung hindi man nabigo, ang KWF sa dapat sanang tungkulin nito, may magagawa pa ba tayo upang ito’y maituwid?

Mayrooon. Ngunit gaya ng dapat asahan, ang pagtutuwid ay dumaraan sa yugto ng pagbibinyag sa apoy at simbolikong paghuhunos ng sarili. Hindi malulutas ang mga kakulangan kung mananahimik ang bawat isa, kung pababayaan ang mga pagmamalabis ng ilang kawani o opisyal sa ilang pagkakataon at magkikibit-balikat lamang para iligtas ang sarili. Kinakailangan ang magsalita at magtaya, at ang magsalita ay dapat isagawa dahil karapatang pantao ito na hindi kailanman masasagkaan.

Ang pagdiriwang ng anumang okasyon ay naghahatid sa atin na balikan ang nakaraan, gaano man kapait o katamis, upang mapahusay ang estado ng kasalukuyan at maihanda ang kinabukasan. Sa pagbabalik sa nakaraan, kinakailangan ang mga aklat at iba pang lathalain, bukod sa abanseng aklatan at matalinong pagbasa ng kasaysayan; subalit higit pa rito, kailangang ingatan natin at itala ang mga personal na karanasan na kayang lumampas sa hanggahan ng personal para umabot sa saklaw na panlipunan. Bakit? Sapagkat malaki ang maitutulong nito upang maitumpak ang kinathang katotohanan ng nakalipas na panahon.

Mula sa araw na ito’y may isang pangyayari ang inaasahan kong babago sa dating nakagawian sa KWF. Nagkaroon sa unang pagkakataon ang KWF ng isang diksiyonaryong computer database na nasa wikang Filipino. Dapat itong ipagmalaki ninuman, dahil tinalo natin, sa kabila ng limitadong badyet, ang ibang pambansa o pribadong institusyon, at lumikha tayo ng isang imbakang elektroniko na kung ipagpapatuloy na pagyamanin ay pagkakakitahan nang malaki ng buong tanggapan. Ngunit higit pa sa salapi, ang database ay nagsusulong ng modernisasyon ng KWF. Hinahamon tayo nito na pumaloob sa makabagong daigdig ng teknolohiya, na maiuugnay sa wika at literatura at iba pang larang, para sa ganap na paglago ng Filipino at iba pang wikang lalawiganin.

Ngayong araw na ito’y huwag nating kalilimutan ang bisyon ng KWF: na kasangkapanin ang Filipino para sa pambansang kaunlaran habang isinasaalang-alang ang matatatag na mamamayan. Huwag nating gamitin ang wikang Filipino para isahan, lokohin o kutyain ang kapuwa Filipino. Huwag nating gamitin ang Filipino para magpalaganap ng kabalbalan, katangahan, at baluktot na impormasyon. Gamitin natin nang mahusay, matalisik, at may pagmamalaki ang Filipino nang makapasok ito at mangibabaw sa dominyo ng kapangyarihan,gaya ng winika noonnina Dr. Bonifacio Sibayan, Bro. Andrew Gonzalez, at Sen. Blas F. Ople.

Pasalamatan natin ang mga organisador ng pagtitipong ito sa pangunguna ng itinatangi kong si Dr. Leticia Macaraeg (na dapat pagpugayan sa laki ng ambag sa KWF), kapiling ang kaniyang buong sangay. Ngunit dapat kong banggitin ang lahat ng kawani ng KWF, mula sa pinakamababa hanggang pinakamataas, dahil kung hindi dahil sa kanila ay walang aandar na makinarya na sinusuhayan ng kolektibong isip para sa wika. Mabuhay ang Komisyon sa Wikang Filipino, at isang karangalan ang makapagsalita sa piling ninyo.

[Binasa ng Direktor Heneral sa ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng Komisyon sa Wikang Filipino na ginanap sa City State Hotel, Ermita, Maynila.]

2 thoughts on “Mensahe sa Ika-75 Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino

  1. malaman at tumatagos ang inyong mensahe. sayang at wala ako araw ng inyong pagdiriwang. sana’y naibigay ko ang pinakamalakas na palakpak ng pagsang-ayon sa bawat katagang inyong sinambit. tatlong punong komisyoner na ang aking nakilala sa aking pakikipag-ugnayan sa kwf bilang isang direktor ng sentro. Sana’y dumating ang panahon na hindi na maging tampulan ng sisi at puna ang kwf ng mga usaping pangwika na hindi matugunan ng tanggapan. lagi na lang nababanggit ang kwf sa mga pambansang kapulungan, laging hinahanap ang aksyon ng kwf tungkol sa mga kontrobersyang pangwika. ako’y naniniwala na marami pa ring kawani ang kwf na tapat, gumagawa at nagtataguyod ng mga hangarin ng tanggapan.

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.