Talinghaga ng Pag-ibig, ni Nizar Qabbani

salin ng tatlong tula ni Nizar Qabbani.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kapag umibig ako

Kapag umibig ako
wari ko’y hari ako ng panahon.
Taglay ko ang mundo at lahat ng lalang nito
at sakay ng kabayo pahagibis sa araw.

Kapag umibig ako
naghuhunos akong agos ng liwanag
na ni hindi matalos ng paningin;
at ang mga tula sa aking kuwaderno’y
mistulang bukirin ng palumpong at opyo.

Kapag umibig ako
sumisirit ang tubig sa aking mga daliri
sumisibol ang mga damo sa aking dila
at kung umibig
ay nagiging panahon sa labas ng panahon.

Kapag umibig ako sa babae,
lahat ng punongkahoy
ay tumatakbong nakayapak palapit sa akin. . . .

Kapag inibig kita

Kapag inibig kita
sumisibol ang bagong wika, lumilitaw
ang bagong lungsod, at natutuklas ang mga bagong bansa.
Masasamyo ang oras gaya ng mga opyo,
tumutubo ang trigo sa mga pahina ng mga aklat,
lumilipad ang mga ibon mula sa mga mata mong hatid
ang biyaya ng pukyot,
naglalandas ang karabana sa mga suso mong taglay
ang yerbang Indio,
nahuhulog ang mga mangga sa palibot, nagliliyab
ang mga gubat, at lumalagabog ang mga tambol Nubian.

Kapag inibig kita, mapapawi sa mga suso mo ang kahihiyan
at maghuhunos kidlat, kulog, espada, at unos ng buhangin.
Kapag inibig kita, maalab na babangon at mag-aaklas
ang mga Arabeng lungsod laban sa dantaong panunupil
at sa mga panahon
ng paghihiganti laban sa mga batas ng tribu.
At ako, kapag umibig sa iyo,
ay magmamartsa laban sa kapangitan,
laban sa mga hari ng asin,
laban sa institusyonalisasyon ng disyerto.
At patuloy kitang iibigin hanggang bumaha sa buong daigdig;
Patuloy kitang iibigin hanggang sumapit ang baha sa daigdig.

Paghahambing sa Pag-ibig

Hindi ako kagaya ng iba mong mangingibig, binibini.
Kapag may nagbigay sa iyo ng ulap,
bibigyan kita ng ulan.
Kapag binigyan ka niya ng parola,
ibibigay ko sa iyo ang buwan.
Kapag binigyan ka niya ng sanga,
ibibigay ko naman ang mga punongkahoy.
At kapag binigyan ka niya ng barko,
ibibigay ko sa iyo ang pambihirang paglalakbay.

One thought on “Talinghaga ng Pag-ibig, ni Nizar Qabbani

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.