Tatlong tula ni Fazil Husnu Daglarca

salin ng tatlong tula ng Turkong makata na si Fazil Husnu Daglarca.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Higit na matalino sa atin ang tubig

Higit na matalino sa atin ang tubig; maaga nitong natatanaw ang gabi.
Mula sa langit tungo sa dilim ito’y nagbabalik
At kisapmatang naglalaho gaya ng dambuhalang isda
Habang yumayanig ang mga dalisdis sa ilahas nitong ragasa.

Higit na matalino sa atin ang tubig; natutuklas nito ang tuwa
Kahit sa mga punongkahoy,
At hindi sa mga estranghero
Na pinipilit tayong mamuhay nang mapanglaw.

Higit na matalino sa atin ang tubig; hindi ito natutulog,
Bagkus palaging bukás ang paningin sa malaganap na bughaw,
At nakakubli sa lihim ng kamatayan, nag-aabang
Ng pook para sa sariling pag-iral ng buhay.

[“Sular Bizden Akillidir,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Ang Pinatay nating Halimaw

Taglay nito ang mga matang kumikislap sa gabi
At ang pambihira’t labis na tapang.
Ngunit nabibighani tayo nito
Sapagkat nakalalamang ang ating kalagayan.

Huminto tayo sa bunganga ng madilim na yungib
At iniwan ang bato sa paglalakbay.
Matalik sa mga lihim ng mga gabi at gubat,
Pinunit ng anyo at atungal nito ang katahimikan.

Hindi na natin kahawig ang halimaw,
Hindi umiinom ng tubig, ni hindi natitinag,
Hindi ito laging alerto,
At bahagya lamang kung umidlip.

Sadyang kakatwa bagaman labis na karaniwan—
Mula sa mga palamuti nito’y lilikha tayo ng atin
Na singkintab ng malalambot nitong balahibo,
Samantalang sinlamig ng bato ang ating pandama.

Handang harapin nito ang bangis ng pagkubkob,
Na magiging di-mauubos na karne ng tagumpay;
At siya namang sabay-sabay lalamunin
Ng ating mga isip, hilakbot, at kamay.

[ “Öldürdügümüz,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Pagtanaw

Para sa akin, ang bundok
Ay namimighati.
Balisa lamang ako
Ayon naman sa bundok.

Sa tingin
ng bundok,
Ako’y
Nababaliw.

Para sa akin,
Ang bundok
Ay nagugutom.

Ayon sa bundok,
Hindi ako makalapit doon.
Ngunit para sa akin,
Mabibigong makasapit dito
Ang bundok.

[“Göre,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Ikaw

Ikaw ang aking simula at wakas ng pantig
Ikaw ang pintig ng simula hanggang wakas
Ikaw ang wakas ng pintig ng aking simula
Ikaw ang simula ng aking wakas na pintig
Dahil ikaw ang pantig ng aking pintig
Dahil ikaw ang pintig ng aking pantig
Ikaw na wakas at simula ng mga pangalan
Ay siyang simula at wakas na minamahal.

“Ikaw,” tula © ni Roberto T. Añonuevo, 16 Disyembre 2011.

Kung nais ninyong makita ang munting presentasyon ng mga imahen ng tulang ito, mangyaring pindutin ang sumusunod na larawan.

 

Bantayan

Kung ito ang pook na laan sa mga destiyero, wiwikain marahil ni Fides, ang mamuhay nang bilanggo ay paraiso. Hindi tatanawing pader ng mga bilibid ang mga alon, bagaman nakayayanig sa unang pagkakataon sa panig ng mga binyagan ang katahimikan ng dayaray at harana ng mga kuliglig. Sa pagitan ng mga bituin at buhangin ay makapaglalandas ang guniguni tungo sa iyong kinaroroonan. Ngunit magbabalik ang aking ulirat kapag ako’y kinagat ng mga lamok at langgam. Makakaligtaan ko kahit panandali ang paganong buhay mula sa lungsod, ang masisikip na lansangan at masusukal na loob, at mabibigo akong mabigkas ni maisahinagap ang inimbentong pangalan para sa manipestong hinihingi ng pantalan ng Hagnaya. Sa kinatatayuan ko ay maiiwan ang lahat ng iyong alabok at agam-agam, makaraang humakbang nang banayad palapit sa baybay. Sumasapit sa diwa mo ang mga isda, at kung ikaw ang inaasam nilang Tagapagligtas, babantayan mo rin kahit sa pangarap ang kapuluan ng mga tangrib na sukatan ng pagkain ng daigdig. Lumuluha ng bulalakaw ang hatinggabi habang duguan ang buwan. Humahalakhak ang mga lasenggong dayuhan, at wika nga’y isang patak ng wiski ay makahahawi ng dagat.  Ikaw na nakatindig sa mga tinik ng kahapon ay tila paslit na nakahiga sa dalampasigan ngayong gabi—lastag ang anino na tumatakip sa hulagway ng gaya kong deboto sa mundo.

“Bantayan,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 10 Disyembre 2011.
Bantayan Island. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2011.

Bantayan Island. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2011.

Kulam

Natuklasan ng huklubang mangkukulam ang bisa ng bulóng, at isang gabi ay sinubok niyang isakay sa simoy ang mga salita. Ang unang pagtatangka ay nagbunga ng alimpuyo ng alikabok, na humalo sa ulop na hatid ng tuyot na buntot ng Nobyembre. Ipagpalagay na bukod na sistema solar ang ipuipo, at ikaw na nakamamasid ay makararamdam ng pagkasabik sa bagong planeta na nagkikimkim ng lihim na nilalang at kaligirang makatatanggap ng lumalabis na populasyon ng kabihasnan. Hindi masisiyahan ang mangkukulam; at sa ikalawang pagtatangka noong sumunod na gabi ay mananalangin sa mga anito para sumapit ang unos na maglalandas sa iyong pusod bago humimpil nang matagal sa kambal mong puyô. Mapapaigtad ka, at mauulinig ang tinig ng hukluban na pumapasok sa iyong kalooban upang bulabugin ang ritwal ng nakagawiang tibok ng puso. Magsasalubong ang iyong mga kilay at mapapakagat-labi ka. Kulang pa ani mangkukulam ang gayong tagpo, at sa ikatlong pagtatangka noong ikatlong gabi ay huhubarin ang agam-agam, at ang kaniyang gunam-gunam ay sasaklawin ang iyong labi at paningin. Ak. . . ka! Ak. . . ka! Papawisan ka nang malamig; mangangatal ang iyong baba at pipitlag ang kalamnan na waring bagabag, saka durupok ang iyong mga tuhod hanggang isuko mo ang iyong sarili sa kaluguran ng karimlan. Papatak ang dugo sa sahig. Maglalakad ka na parang malagihay, at matitigmak ang sahig sa mapupulang alaala ng halimaw na humihigop ng dugo at naglulunoy sa iyong ihi. Sisirit mula sa mga puwang ng pader na laman ang maligamgam na likido, at pagkaraan, ang mangkukulam ay waring tinamaan ng kidlat na gugulapa sa pagod sa kaniyang libingan, at ibubulalas sa halakhak ang di-mapigil, di-maunawaang kabangisan.

“Kulam,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 7 Disyembre 2011.
"Paglisan ng mga Mangkukulam," pintura ni Louis Falero, 1877.

"Paglisan ng mga Mangkukulam" (Etude de Sorciere N.22), pintura ni Louis Falero, 1877.