Bantayan

Kung ito ang pook na laan sa mga destiyero, wiwikain marahil ni Fides, ang mamuhay nang bilanggo ay paraiso. Hindi tatanawing pader ng mga bilibid ang mga alon, bagaman nakayayanig sa unang pagkakataon sa panig ng mga binyagan ang katahimikan ng dayaray at harana ng mga kuliglig. Sa pagitan ng mga bituin at buhangin ay makapaglalandas ang guniguni tungo sa iyong kinaroroonan. Ngunit magbabalik ang aking ulirat kapag ako’y kinagat ng mga lamok at langgam. Makakaligtaan ko kahit panandali ang paganong buhay mula sa lungsod, ang masisikip na lansangan at masusukal na loob, at mabibigo akong mabigkas ni maisahinagap ang inimbentong pangalan para sa manipestong hinihingi ng pantalan ng Hagnaya. Sa kinatatayuan ko ay maiiwan ang lahat ng iyong alabok at agam-agam, makaraang humakbang nang banayad palapit sa baybay. Sumasapit sa diwa mo ang mga isda, at kung ikaw ang inaasam nilang Tagapagligtas, babantayan mo rin kahit sa pangarap ang kapuluan ng mga tangrib na sukatan ng pagkain ng daigdig. Lumuluha ng bulalakaw ang hatinggabi habang duguan ang buwan. Humahalakhak ang mga lasenggong dayuhan, at wika nga’y isang patak ng wiski ay makahahawi ng dagat.  Ikaw na nakatindig sa mga tinik ng kahapon ay tila paslit na nakahiga sa dalampasigan ngayong gabi—lastag ang anino na tumatakip sa hulagway ng gaya kong deboto sa mundo.

“Bantayan,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 10 Disyembre 2011.
Bantayan Island. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2011.

Bantayan Island. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2011.