Lutong Makaw

Hindi resiping pinasikat ni Chef Pablo Boy Logro ang “lutong makaw,” ngunit lumutang muli ang salita sa nakalipas na 2012 Philippine International Guitar Festival and Competition, na ginanap sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Tumutukoy ang “lutong makaw” sa di-patas na pagtrato sa anumang timpalak o paligsahan, at ang nagwawagi ay nababatikan dahil sa pagkiling ng reperi o hurado.

Ipinapahiwatig ng “lutong makaw” ang banyagang deliberasyon, na hinuhusgahan ang isang kalahok bago pa man siya sumabak sa pakikipagtunggali sa mga kalaban. Ang resulta ng kompetisyon ay tapos na, wika nga, bago pa magsimula, at ito ay ipinapahiwatig ng lugar na “Macao.” Bagaman hindi nais pulaan ang Macao bilang isang newtral na lugar, ang pagbanggit sa Macao ay maituturing na sentro ng kutsabahan na may hagod ng panlilinlang, na parang hinugot sa kasaysayan, at kumbaga sa sugal ay idinadaan sa bilis ng kamay na lumilikha ng malikmata sa panig ng mga kalahok at kasapakat na patron.

Masakit, kung gayon, na matalo sa patimpalak o paligsahan, dahil ang paghihirap ng kalahok ay hindi nahuhusgahan batay sa itinakdang mataas na pamantayan ng sining at sensibilidad, bagkus alinsunod sa kapabayaan kung hindi man prehuwisyo ng hurado. Ngunit higit pa rito, sumusugat sa nagwagi ang kaniyang tropeo at medalya, sapagkat kabuntot niyon ang kahihiyan o pagkapahiya dahil sa paniniwala o pakiramdam na hindi naman siya ang karapat-dapat magwagi.

Binanggit ko ang “lutong makaw” dahil lumilitaw ngayon ang isa pang salita: “lutong Diliman.” Maituturing na varyant ang “lutong Diliman,” na ang tiyak na pahiwatig ay di-patas na paghuhusga sa mga paligsahan sa pagtugtog ng gitara. Sa Filipinas, dalawa o tatlong unibersidad lamang ang nagbabakbakan sa larangan ng pagtugtog ng gitarang klasiko: Unibersidad ng Santo Tomas (UST), Unibersidad ng Pilipinas-Diliman (UP), at Philippine Women’s University (PWU). Sa tatlong unibersidad na ito, maituturing na numero uno ang UST sa ilalim ng pangangasiwa ni Prof. Ruben Reyes, samantalang pumapangalawa ang UP sa pangangasiwa ni Lester Demetillo, at pumapangatlo ang PWU sa pangangasiwa noon ni Jose Valdez na may ugat din sa UP. Dahil sa pangyayaring ito, hindi maiiwasang magkopong-kopong ang mga gitaristang kabataan, na parang pagsasabong ng Ateneo at La Salle, o bakbakang Pacquiao vs. Mayweather, at kung sino sa kanila si Ruben o si Lester ay malaya ang madla na manghula.

Lumikha ng maraming kaaway ang bigating si Ruben—sa literal man o matalinghagang paraan—dahil ang kaniyang pamumuna ay nagmumula sa pananaw ng taga sa panahong kritiko ng musika at bilang maestrong manunugtog ng gitara. Malalim ang pagkaunawa sa teorya at praktika ng musika, si Ruben ay hindi nangingiming umubo at humilik kapag masaklap tumugtog ang gitarista, humahagikgik na tila maskot ng Jollibee kapag nagwawala ang mga orkesta, at hindi mapipigil ang dila na magbitaw ng komentaryo na ikalulugami ng kahit establisadong gitarista at konduktor. Alam kong itatanggi ni Ruben, pero hindi na siya umano naniniwala sa mga kompetisyon sa gitara dahil sa epekto ng “lutong Diliman.”

Kahanga-hanga ang listahan ng mga pangalan ng gitaristang tinuruan ni Ruben, at marahil walang itulak-kabigin sa kaniyang mga estudyante na maisasabak sa tugtugan anuman ang panahon. Ngunit nagmumula rin kay Ruben ang isang kabatiran: ang musika ay hindi para sa timpalak bagkus para kalugurán ng madla. Si Arthur Erskine Basilio ang sumusunod sa yapak ni Ruben, at kung hindi marahil sa lutong Diliman ay nagpapatoma na marahil si Erskine sa España at nagpapakalunod sa serbesa. Ginawaran bilang “Pinakamahusay na Gitaristang Filipino” si Erskine noong 2011 PIGF, ngunit para sa akin ay walang nasyonalidad ang pagiging musiko, at siya ang isinisigaw na dapat magwagi ng unang gantimpala.

Mauulit ang pangyayari sa ipinapalagay na lutong Diliman nang matalo si Homer Bravo Cabansag sa 2012 PIGF. Si Cabansag, na nagtapos sa UST at ginabayan ni Ruben, ay mahimalang natalo sa kompetisyon at ni walang natanggap na parangal sa mga huradong kinukutya ng ibang manonood na kung hindi bingi at bulag ay sadyang mababaw ang panlasa sa pagsusuri ng mga kalahok. Si Cabansag ang pangwalo at pangwakas na tumugtog sa mga kalahok, at marahil nakatulog siya sa pakikinig sa mga kasamang kalahok. Ngunit siya man ang pangwakas, si Cabansag ay pinatunayan ang malalim na pagkaunawa at pambihirang pagdulog sa komposisyon ni Napoleon Coste atbp.

Nagtataka lamang ako na bago pa man ibigay ang premyo sa mga nagwagi (na mga primera klaseng gitara na likha nina Yuichi Imai, Neris Gonzalez, at Tabo Derecho), ang isang hurado ay halos humingi ng paumanhin sa publiko dahil aniya’y nagkakamali rin kahit ang mga hurado. Pinayuhan din niya ang mga kalahok na kabataan na magpatuloy sa pagtugtog, at matalo man ay huwag indahin iyon nang lalong mamukadkad ang kani-kaniyang talento. Kapuri-puri ang winikang ito ng hurado, ngunit para sa akin, may sapat na panahon ang mga hurado upang timbangin ang kalakasan at kahinaan ng bawat kalahok. Wala akong pakialam kung mag-away, magsuntukan, o magtalo-talo nang abot-langit ang mga hurado dahil iyon talaga ang kanilang tungkulin at doon sila binabayaran. Kinakailangang maipagtanggol ng isang hurado ang kaniyang pasiya, alinsunod sa matalinong pagdulog at hindi dapat manaig ang pampolitika’t pangnegosyong anggi na magmumula kina Tony Boy Cojuangco, Tony Yu, at Jose Valdez.

Ang bulaklak ng dilang “lutong Diliman” ay huwag nawang makarating sa España at bumatik sa mga gitarista ng UST. Matalo man sila sa mga paligsahan ay hindi mahalaga; ang higit na mahalaga ay makapagtanghal sa harap ng madla na gumugol ng salapi at panahon at pawang nagmamahal sa musika. Matagal na umanong iniinda ng UST ang deskriminasyon, ito ang nasasagap ko sa aking mga bubuwit, at dapat nang wakasan ngayon at sa hinaharap. Pero bahagi ng buhay kahit ang gayong kalagayan dahil ang musika ay nagtatakda ng kumbensiyong mahirap ipaling o ilihis ang landas. Sa ngayon, hindi naman marahil kalabisan kung imungkahing palitan ang lahat ng hurado sa 2012 Philippine International Guitar Festival and Competition, at magsuri ng sarili ang Guitar Friends para sa kinabukasan ng musika sa Filipinas. Maaaring ako’y nagkakamali, at mapapabulaanan ninyo, gaya lamang ng pagkakamali ng Lupon ng mga Hurado.

Dapithapon

Dapithapon

Huminto at lumampas ang mga sasakyan,
tumambay at humakbang ang mga anino,
ngunit ikaw ay hindi nasilayan sa kanto.

Larawan ng wala, ikaw ang mga paglalakbay.
Mauunawaan ka ng pulis sa ilalim ng tulay
at lulundo ang tulay sa pangako ng mga ilog.

Sapagkat ikaw ay mainipin gaya ng panahon,
habulin ng tanaw ay ano’t ni hindi mapigil,
pigilin ang hulagway ay batang nagmamaktol.

Huminto at humakbang ang mga anino,
tumambay at lumampas ang mga sasakyan,
at ako, di gaya mo, ay mananatili sa ibayo.

“Dapithapon,” ni Roberto T. Añonuevo © 25 Enero 2012.

Ang Tula

Nakaligtaan, at sabihin nang naiwaglit ko ang tula, at para itong maleta na natabunan ng libo-libong maleta, bag, at kargada sa kung saang lupalop. Hindi ko maipagpatuloy ang biyahe, sapagkat ang isang maleta ay makapagtataglay ng epiko ng pakikipagsapalaran o kaya’y walang katumbas na yaman, at binabagabag ako ng panghihinayang sa naglahong minamahal.

Hinahanap ko ang aking tula at hindi ko matagpuan.

Nagtanong-tanong ako sa bawat makasalubong, at isinalaysay ang aking pagpapabaya, hanggang isang araw ay makilala ang pilay na lalaking palaboy at ituro niya ang bodega na maaaring nagtatago niyon. Bagaman may pag-aalinlangan ay pumunta ako sa sinabing kalye at numero ng lugar. Sumapit ako nang maghahatinggabi, at nang tumimbre sa pader ay sumalubong ang matandang babae. “Ano ang kailangan mo, iho?” usisa niya.

Isinalaysay ko ang pagkawala ng aking tula, na nakasilid sa plastik, at nagbaka-sakaling doon sa bodega ng matanda napadpad.

Napangiti ang babae, at dumukot sa bulsa ng kaniyang gulanit na palda. “Ito ba ang hinahanap mo?” sabay pakita ng naninilaw na larawan ng dalagang matikas, nakangiti, at may asul na titig.

Imbes na tumugon ay pumikit ako at bumuka ang aking bibig, at mula sa aking lalamunan ay umahon ang mga kataga na parang libo-libong maleta, bag, at kargadang may tatak at pangalan na pawang iniluluwal sa mga paliparan at pantalan. Tumakas sa aking pilik at talukap ang luha, at sumisigaw sa aking pilipisan na hindi ko na kaya pang tumula. Napatungo ako at humagulgol.

Walang ano-ano’y may tumapik sa aking balikat, at pag-angat ko ng ulo’y bumungad sa aking harap ang babaeng nasa larawan, at bumibigkas ng mga talinghaga na hindi kailanman, aniya, kahit minsan, naghunos na banyaga.

Elizabeth Taylor, Liza Todd, at Mike Todd. Kuha ni Tony Frissell, 1957.

Elizabeth Taylor, Liza Todd, at Mike Todd. Kuha ni Tony Frissell, 1957.