Salamangka ng dila, pasukin ang laberinto ng pahiwatig na ang kanan ay kaliwa, at ang kaliwa ay mananatiling kaliwa. Ilabas ang mga salita mula sa bulsa, pagtagni-tagniin, ilatag sa sahig, at hayaang ang tanikala ng mga pakahulugan ay kusang magpundar ng mga batas at pamantayan. Masdan ang bahaghari ng mga damit, ulam, at laruan. Maglaro sa katauhan at ikubli ang hulagway sa kurtina ng mga anino. Lumakad upang tumuklas; lumakad upang maligaw. Tagpuan ng inaapi, ito rin ang tambayan ng tarantado’t sungyaw. Anuman ang piliin, lumakad kahit nakapikit at lumayo sa ekosistema ng panaginip. Banatin ang mga buto at litid habang umaandar ang elektronikong salawal, umulinig sa mga tinig na nasa eskaparate at tindahan, tumugon sa mga tanong, umiling o tumango ayon sa itinitibok ng layaw o libog, humandang matalisod at madapa, at kung sakali’t mapangudngod ay ingatan ang dila. Sapagkat ang dila ang magliligtas sa iyo, at magsasabi: Ako ang Simula at Ako ang Wakas! Ikaw na nagtataglay ng katotohanan ay malayang maghain ng kasinungalingan, gaya ng itinatadhana ng demokrasya at posmodernong sining, upang kahit paano, kahit sandali, ay maunawaan ko mula sa magagarang pasilyo at pader, ang diskurso ng tuwid, dalisay, at apoy.
hello, alimbukad,
matatalinghaga ang inyong prosa. naibigan ko ho “ang laberinto ng pahiwatig na ang kanan ay kaliwa.”
i’ve been meaning to do something like this since a long time ago but i cannot quite put things together… here, you said it all and more wisely, ahaha. ^^
thanks for sharing. 🙂
LikeLike