salin ng mga tula ni Hassan Najmi mula sa Morocco.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Ang Destiyero
para kay Abbas
Mga palad nila’y pawang ataul
At ang mga ulo’y salakot ng malalayong ulap.
At sa kanilang likod ay naroon ang panahon
Na walang mga paso ng bulaklak
O mga sandata
na pawang naiwan nila kung saan.
At ang pag-alis ay siya ring pagbabalik
Bagaman hindi na sila magbabalik pa.
Ang Digmaan
Hinanap ko ang ligtas na pook
para sa halimuyak ng aking ina
At itinago ang rosas sa aking dugo.
Tahimik na sumapit
ang aking ina sa aking panaginip.
Hinagkan niya ang aking noo
at nag-iwan ng asin sa ilalim ng unan.
Sumagitsit sa langit ang elektrisidad.
At ang lupain ay sumisibol
sa dugo ng isang martir.
Nasilayan ko ang mukha ni ina.
Nakita ko iyon sa tren na dumaan
kanina na sakay ang mga bangkay.
Maliit na Babae
Sa maunos na gabi’y umiyak siyang nakatayo.
Gaya ng walang patid na ulan siya’y lumuha.
Ipinako ko ang mga mata doon sa aklat.
Hindi ko pinahid ang kaniyang mga luha.
Bago ako humiga para matulog,
lumitaw siya sa dulong kabanata ng nobela.
Upang hindi na siya umiyak pa,
ipininid ko ang aklat, at tinakpan ng unan ang ulo.