Makapangyarihang íkon ang simbahan sa Filipinas, sapagkat ito ang tagpuan ng mga panalangin, pananampalataya, pagsisisi, at pasasalamat mula sa iba’t ibang saray ng lipunan. Simbahan ang naghatid ng kaapihan sa kapuluan, ngunit simbahan din ang magsisilang ng luklukan ng pamahalaang nagsasarili at lumaya mula sa kaalipnan. Pinaghihilom ng simbahan ang kirot ng damdamin, at sa ilang pagkakataon, ay mahimalang gumagamot sa pisikal at sikolohikong sakit ng mga deboto. Ginawang imortal ng makatang Florentino T. Collantes ang “Lumang Simbahan,” at ang simbahang ito ay makapaglalapit sa langit at lupa, at ang pagmamahal ay hahamakin kahit ang libingan, matamo lamang ang itinitibok ng kalooban [Mga kuhang retrato ni Bobby Añonuevo © 2012].