Maraming Mansiyon ang Tahanan ng aking Ama, ni Michael Hofmann

Maraming Mansiyon ang Tahanan ng aking Ama

Sino ang makapagsasabing nakatakda tayo sa isa’t isa,
ang aking ama at ako, naglalakad sa labas, magkadaop
ang mga palad sa likod gaya ng iminungkahi ni Goethe?

Napatungó tayo sa mabibigat na sulyap—ang hinaharap,
ang kalang sa bangketa na naroon ang sapatos natin. . .
Sa panig mo, malakape, marikit, lumalagitik na takong;

at sa akin, ang internasyonal, libaging gomang pantenis—
nakikita ngunit hindi naririnig—na mula sa kilos-protesta.
Napailing si Ina nang silipin tayo sa kaniyang bintana.

Higit na matangkad at mabilis ako ngunit maingat:
kabado, malabis, mapagtiis, pagdaka’y bumagal ako’t
yumukod sa iyo. Ibig kong makibahagi sa iyong buhay.

Mamuhay sa iyo sa iyong inuupahang silid sa Ljubljana,
ang ikalawa mong adres: mag-usap at magbasa ng aklat;
makilala ang mga nobya mo, maikli’ng buhok, itim, matabil;

mamili sa supermarket sa pamamagitan ng pulahang salapi;
makipisan sa mga langgam sa kusina, sa silid na hungkag,
sa palyadong gripo ng taglamig. Pagpapakababa ang pamilya

at pananagutan. . . Ang tatlong hakbang sa iyong pintuan
ay tatlong hakbang sa langit. Ngunit pagdalaw lamang ito.
Sa parti ng iyong mga estudyante—ang aking binyag—

tinungga ko nang maringal ang isang baso ng slivovica.
Pagkaraan ay wala. Ibig ko na ang pinaghalo mong hinanakit
at pagmamalaki sa akin ay umabot sa alok ng igwalidad.

Ang paroroonan ba ng pagiging ama ay tanging payo. . . ?
Sa rurok ng paglago, ang mga palumpong sa gilid ng daan
ay kumaskas sa iyong kotse, at humiklat sa salamin sa gilid.

Bawat taon, ang mabunying siruwelo sa iyong halamanan
ay sinosorpresa ka sa maliliit, nangabubulok nitong bunga.

salin ng tula ni Michael Hofmann.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Silip, kuha ni Bobby Añonuevo.

"Silip," kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.