Lubhang mabilis ang mga pangyayari, at ipatutupad na ngayong Hunyo 2012 ang bagong patakaran sa sistema ng edukasyon na tinaguriang K-12. Ang nasabing patakaran ay may kaugnayan sa 12 pangunahing wika sa Filipinas; at kaugnay nito ang pagbubuo ng ortograpiya at diksiyonaryo sa kani-kaniyang wika. Ang modernisasyon ng edukasyon ay bahagi ng mithing mapaglangkap na kaunlaran ng gobyerno; at upang makarating sa mahihirap ay kinakailangang maisagawa muna ang pamumuhunan sa edukasyon, pagtataguyod ng malawakang impraestruktura ng komunikasyon, pagsasanay sa mga guro at kawani, reoryentasyon ng mga pabliser ng teksbuk, at pagpupundar ng mga kagamitan sa pagtuturo.
Ang bagong batch ng mga estudyante ay inaasahang sasailalim sa laboratoryo ng eksperimentasyon—una, sa paggamit ng sariling wika sa mga unang bahagdan ng pag-aaral at pagsusulit; at ikalawa, sa pagtanggap ng kurikulum na dapat na higit na malawak at malalim kompara noon at inaasahang makatutulong sa paghubog ng kasanayan ng mga kabataan upang magkaroon ng hanapbuhay. Ngunit higit pa rito, ito ang panahon na masusubok ang Filipino sa iba’t ibang lárang [field], lalo kung iisiping ang Filipino ay kaagapay sa multi-lengguwaheng patakaran sa pagtuturo. Mababanat ang tatag at pasensiya ng mga guro sa paghawak ng sabjek sa Filipino, sapagkat ang nilalaman nito ay hindi na puwedeng hinggil sa wika lamang, bagkus sumasaklaw sa iba’t ibang disiplina o paksang dating nasa poder ng Ingles. Maaaring ang pagtatasa ng resulta ng bagong pagdulog sa pagtuturo ay hindi agad mababatid; at kung mabatid man agad ito ay hindi masasabing positibo ang kahihinatnan ng lahat.
Ikinalulungkot kong sabihin na walang malinaw na pambansang programa magpahangga ngayon kung paano palalakasin ang Filipino sa kabila ng mala-patakarang multilingguwal ng pamahalaan. Sinabi kong “mala-patakaran” sapagkat kahit ipatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ang multilingguwal na pagdulog sa pagtuturo, hindi pa rin ito nasusuhayan ng katapat na batas na pinagtibay sa konggreso saka nilagdaan ng Pangulo at siyang bumabago sa bilingguwal na patakaran ng edukasyong itinadhana ng Konstitusyon. Maipapalagay, kung gayon, na ang mala-patakarang multilingguwal na pagdulog ay extra-legal, na handang lundagan ang Konstitusyon maisunod lamang sa programa ng gaya ng UNESCO at UNICEF at siyang itinataguyod ng Summer Institute of Linguistics. Ang pagtatakda ng pambansang programa ay inaasahang tungkulin ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang masaklap, matatapos na ang termino ng butihing Punong Kom. Jose Laderas (Jolad) Santos ay wala pang malinaw na direksiyon ang naipapanukala para palakasin ang Filipino lalo sa hay-iskul at kolehiyo. Kaya hindi ko kayo mapipigil kung ihaka ninyo na inutil ang KWF sa panahon ni Jolad Santos.
Binanggit ko ito hindi upang siraan ang KWF o ang ilang komisyoner nito. Sinasabi ko ito upang mabatid ninyo na ang problemang kinakaharap ng Filipino ay hindi lamang panandalian at teritoryo ng mga guro, manunulat, editor, peryodista, at brodkaster, bagkus pangmatagalan at saklaw ang bawat mamamayan. Ito ay sapagkat ang pagtutuon sa wikang pambansa ay isang usaping inter-salinlahi [intergenerational]: ang anumang produktong pangwika at pandiskurso ng kasalukuyang henerasyon ay posibleng makaapekto sa susunod na henerasyon. Kung gayon, kapag pinag-uusapan ang wikang Filipino, kinakailangang isangkot ang pinakamalawak na populasyon at kung maaari’y kahit ang diyasporang Filipino, sapagkat dito nakasalalay ang paglilinang ng wika at panitikan, ang pagpaparami ng kawan ng mga manunulat, at ang pagpupundar ng mga impraestrukturang sumusuporta sa edukasyon, negosyo, hanapbuhay, komunikasyon, atbp. Ang pakikisangkot ng organisasyong pangguro, gaya ng KASUGUFIL, sa mga isyung panlipunan ay pagsasabuhay lamang ng itinatadhana ng Artikulo 13.6 ng Konstitusyong 1987: ang paggalang sa mga organisasyon ng sambayanan, at ang pagkilala sa pakikilahok ng mga ito sa mga pagpapasiyang panlipunan, pampolitika, at pangkabuhayan.
Ang kawalan ng direksiyon at programa sa Filipino ay nagiging puwang para sa iba na gawing bara-bara, halimbawa, ang paggawa ng teksbuk at kathang popular; o kaya’y isantabi palayo sa dominyo ng kapangyarihan ang paghubog sa Filipino bilang wikang intelektuwal at panlahat. Dapat tumbasan ng bisyon ang Filipino bilang pambansang wika, tasahin nang malaliman ang mga natamo nitong tagumpay o kabiguan sa mga nakalipas na panahon, at pagdaka’y magtakda ng malinaw na estratehiya kung paano isasakatuparan ang mga pagbabago ngayon at sa darating na mga taon.
Kung walang malinaw na patakaran ang pamahalaan, ano ang dapat gawin ng mga organisasyong gaya ng KASUGUFIL? Ilan sa maipapanukala sa nasabing organisasyon ang sumusunod:
Una, magmungkahi ng pambansang adyenda na magpapalakas sa Filipino sa kabila ng multilingguwal na pagdulog sa edukasyon. Makapangyarihan ang tinig ng KASUGUFIL sapagkat ang kasapian nito’y nagmumula sa iba’t ibang rehiyon at kinakatawan ng mga guro at superbisor. Ang panukalang adyenda ay dapat isinasangguni sa kasapian, nang sa gayon ay nalalaman ng pamunuan kung ano ang pulso ng mga guro mula sa iba’t ibang sulok ng kapuluan. Ang mungkahi ay maaaring ihain sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF, sa representante ng mga guro sa Konggreso, at dapat bigyang sipi kahit ang DepEd, CHED, at Tanggapan ng Pangulo ng Filipinas.
Ikalawa, magsagawa ng mga konsultasyong panrehiyon mula sa mga kasaping guro at superbisor kung paano palalakasin pa ang Filipino sa iba’t ibang disiplina o pag-aaral; at ang resulta mula sa konsultasyon ay maaaring idulog sa sangay ehekutibo o lehislatibo upang matumbasan ng batas o regulasyon. Ang nasabing konsultasyon ay maaaring sa iba’t ibang paraan, gaya ng telekumperensiya kung hindi man personal na pagharap sa mga tao sa katulad ng ganitong pambansang konggreso. Kung matutupad ito, ang KASUGUFIL ay hindi na lamang makukulong sa tradisyonal na seminar, palihan, at pagsasanay, bagkus magkakasanga sa pampolitikang tunguhin.
Ikatlo, makilahok sa mga konsultasyong isinasagawa ng DepEd at CHED saka lumiham sa mga kinauukulan kung kinakailangang ipaabot ang mga mungkahing may kaugnayan sa pagbubuo ng mga patakaran, pagtatalaga ng mga tauhan, at pagpupundar ng mga pasilidad at impraestrukturang may kaugnayan sa pagpapalaganap ng Filipino. Makabubuti kung laging may representante ang KASUGUFIL sa ganitong mga pagtitipon, nang sa gayon ay naipararating nang mabilis sa buong kasapian ang mga bagong pangyayari kahit sa pamamagitan ng opisyal na websayt, blog, o network.
At ikaapat, maaaring makapagmungkahi rin ang KASUGUFIL sa pamahalaan kung paano lilinisin ang burukrasya, kung bakit dapat palitan ang ilang bulok na opisyal, at kung bakit dapat magtaguyod ng impraestrukturang pangwika at pangkomunikasyon para buklurin ang tinatayang 80 milyong Filipino sa kung saan-saang pook.
Hindi ako tutol sa patakarang turuan ang bata alinsunod sa kinalakhan niyang wika. Ngunit ang maipapayo ko ay ang pagtataglay ng sinop at hinay sa mga hakbang. Ang aking pagbabantulot ay kaugnay ng mga pangyayaring hindi pa ganap na tapos ang 12 ortograpiyang inaasahang gagamitin ng mga mag-aaral. Bagaman noong Pebrero ay nakipag-ugnayan ang DepEd sa Komisyon sa Wikang Filipino para sa pagbubuo ng mga babasahing materyales sa elementarya ay hindi masasabing ganap na itong abanse para sa mga batang nangangailangang paunlarin ang kanilang bokabularyo at pag-unawa hinggil sa mga konsepto at wikang umiiral sa paligid nila. Sa panig ng KWF, sa aking pagkakaalam, ay may dalawa o tatlong ortograpiya pa lamang ang nabubuo—Pangasinan, Bikol, at Máranaw, bagaman may binuong burador din sa Ilokano at Chavacano. Ang Máranaw at Ilokano ay kinakailangang sumailalim pa sa balidasyon sa harap ng mga eksperto, samantalang ang Sebwano ay ginamit ang dati nang ortograpiya ngunit dapat pa muling repasuhin ng KWF.

Kailangan ng KASUGUFIL ang modernong bayanihan tungo sa pagpapalakas ng Filipino sa bagong kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon. Larawan mula sa paskil ni M. Izabel.
Sa panig ng nasa hay-iskul at kolehiyo, kinakailangan naman ang listahan ng babasahing higit sa maitatakda ng DepEd. Halimbawa, ang listahan ng mga kanonigong nobela, kuwento, dula, at tula na pawang isinulat sa orihinal sa Filipino o kaya’y salin mula sa internasyonal na wika o wikang panrehiyon, at inaasahang dapat mabatid ng bawat mag-aaral ay makabubuting maitakda sa lalong madaling panahon. Ang mismong salitang “kanonigo” ay problematiko dahil hindi basta ito maitatakda ng tatlo o higit pang tao, bagkus ng isang kawanihan na ang pangunahing tungkulin ay magbasa, magsuri, at maglabas ng rekomendasyon hinggil sa mga nabasa nito.
Kung ang isang estudyante sa hay-iskul ay inaasahang dapat makapagbasa ng 250 nobela o antolohiya ng mga kuwento, 50 aklat ng tula o antolohiya ng mga tula, 50 aklat ng sanaysay, at 20 aklat ng dula sa loob ng limang taon, aling aklat ang dapat mapabilang sa listahan? Ang ganitong konserbatibong bilang ay inaasahang tutumbasan ng pagtuturo ng angkop na pagsusulat at pagsasalita, nang sa gayon ay higit na mahasa ang mga bata na aktibong magsulat at magpahayag para sa higit na epektibong komunikasyon.
Sa unang malas ay napakarami nitong bilang sa loob ng isang takdang panahon. Ngunit kung isasaalang-alang ang limang taon, ang suma-total ay napakababa kung iisiping limitado pa ang produksiyon ng mga lokal na aklat na nasusulat sa Filipino o kaya’y sa mga wikang panrehiyon. Kung seryoso ang pamahalaan na magsulong ng bagong patakarang pangwika at pang-edukasyon, kinakailangang magbuhos din ito ng pondo sa produksiyon ng mga aklat at magbenta ng aklat sa abot-kayang halaga.
Ang sinasabi kong mga aklat ay hindi basta teksbuk lamang. Ang tinutukoy kong aklat ay may kaugnayan sa panitikan.
Kaya kinakailangang magtipon-tipon ang mga lokal na pabliser gaya ng Ateneo de Manila University Press, UST Publishing House, UP Press, De La Salle Press, Anvil Publishing Inc., atbp upang punuan ang mga pagkukulang. Ang inaasahang halos 400 aklat na maibibilang sa dapat basahin [required reading] sa loob ng limang taon ay dapat kolektibong pagtulungan ng mga pabliser at siyang dapat gabayan ng National Book Development Board at Book Development Association of the Philippines kung ipagpapalagay na aabot sa 80 milyon ang populasyon ng Filipinas. Ngunit hindi magaganap ito kung kulang na kulang ang tangkilik sa paglalathala ng mga lokal na akda, at priyoridad ng ilang pabliser ang mag-angkat na lamang ng aklat mula sa ibayong dagat.
Kung ipagpapalagay na malaking balakid ang pagtatamo ng mga aklat na nasa wikang Filipino na dapat ipagamit sa mga estudyante, ano ang mga alternatibong paraan?
Isang paraan ang elektronikong aklat, at ang mga bata ay dapat magkaroon ng akses sa mga komputer at gadyet na maaaring matunghayan ang elektronikang aklat o akda. May sinimulan ang Google, ngunit ang nasabing kompanya ay malimit lumalabag sa karapatang-ari ng mga manunulat na Filipino at ito ang naglulugar sa mga Filipinong manunulat para umangal. Kinakailangan ng pamahalaan na gumawa ng batas, sa pakikipagtulungan sa gaya ng FILCOLS (Filipinas Copyright Licensing Society) upang ang karapatang-ari ng mga manunulat na Filipino ay mapangalagaan, at mabayaran sila ng karampatang halaga sa lahat ng inilathala nila sa elektronikong paraan.
Ngunit hindi madali ang elektronikong edukasyon. Ayon sa NEDA, may 29 porsiyento pa lamang ng kabuuang bilang ng publikong paaralan noong 2009 ang may internet koneksiyon. Ilan sa mababagal ang internet koneksiyon ay matatagpuan sa Cordillera (CAR), Cagayan Valley (Rehiyon II) at Bikol (Rehiyon IV). Ilan sa inilistang sagabal ang magastos na pagpupundar ng impraestruktura sa matataas o liblib na lugar, at ang mga pook na ito ay hindi karaniwang sineserbisyuhan ng mga pribadong telekomunikasyon. Ang iba pang alternatibong edukasyon, halimbawa na ang paggamit ng telebisyon, ay maaasahang limitado rin kung mabibigong maabot ng signal ang mga liblib na pook.
Sa ganitong kalagayan, makabubuti kung ang KASUGUFIL ay lalabas sa dati nitong komportableng puwesto, wika nga. Kinakailangang mangampanya ang KASUGUFIL sa pagpapabuti ng mga impraestruktura mula sa mga lokal na pamahalaan hanggang pambansang pamahalaan, dahil ang problema ng mga guro sa isang lugar ay problema rin ng mga guro sa buong kapuluan. Lalong lalawak ang puwang na nagbubukod sa mga uring panlipunan kung ang simpleng impraestruktura sa komunikasyon ay maihahalintulad sa pagpapasemento ng kalsadang may isa o dalawang dekada nang ginagawa ay hindi pa rin matapos-tapos sa kung anong dahilan, at kung makumponi man ay tuwing malapit na ang halalan. Walang magagawa ang mga guro, samakatwid, kundi magbuklod nang mahigpit.
Kailangang magsimulang mag-ingay ang KASUGUFIL hindi sa mga lansangan o sa loob ng silid-aralan, bagkus sa pamamagitan ng elektronikong himpapawid. Maaaring walang oras ang isang guro na lumiban sa klase upang magprotesta. Ngunit kahit sandali, sa pamamagitan ng Twitter o Facebook, ay maipahahatid nito sa kinauukulan ang mga problemang binabalikat ng mga guro sa iba’t ibang lugar, gaya ng kakulangan ng silid-aralan, mabagal na pasahod at kulang na benepisyo, kawalan ng seguridad, atbp. Ang blog ay isa pang kasangkapang magagamit ng mga guro hindi lamang sa pagbubulalas ng mga hinaing kundi sa pagtuturo sa mga estudyante kung paano sumulat nang makabuluhan at matino. Ang mungkahi ko’y gamitin ang lahat ng modernong kasangkapan para sa pagtataas ng kalidad ng edukasyon, at sa popularisasyon hindi lamang ng mga wikang panrehiyon bagkus ng wikang Filipino sa kabuuan.
Iminumungkahi ko rin na gamitin ng KASUGUFIL ang elektronikong plataporma sa pagpapalitan ng mga saliksik. Maaaring ang isang guro o ang kaniyang estudyante ay may nasulat na saliksik, at ang saliksik na ito ay makatutulong sa iba pang guro o mag-aaral upang gumawa ng iba pang saliksik na pawang makatutulong sa Filipinas. Laos na ang panahon na ang isang matinong saliksik ay itatago na lamang sa baul; ang saliksik ay kinakailangang ilantad sa madla, nang sa gayon ay higit pa itong matitigan, maituwid ang mga mali o pagkukulang, mapalakas lalo ang mga positibong katangian, at makapagbigay ng inspirasyon sa iba para baguhin ang kanilang abang kalagayan.
Ang pagpapalitan ng saliksik [research exchange] ay matutupad ang kaganapan kung makabubuo ng elektronikong plataporma na makapag-aambag ang bawat guro kung paano pahuhusayin ang mga leksiyon; kung paano mapabibilis ang paggagrado sa mga pagsusulit ng estudyante; at kung paano makaaakses sa mga impormasyong dating esklusibo lamang sa mayayamang nakabibili ng mga aklat. Alam kong hindi ito magagawa ng mga guro kaagad, kung kulang sa kagamitan at mahina ang tulong mula sa administrador, kaya nariyan muli ang internet upang maghanap ng mga posibilidad na paunlarin batay sa pangangailangan ng mga Filipino at konteksto sa isang lugar.
Magagawa ang lahat ng ito kung magkakaroon ng modernong bayanihan sa hanay ng KASUGUFIL. Sa aking palagay ay hindi kinakailangang pahirapan ng guro ang kaniyang sarili sa pagtuturo sa kaniyang mga estudyante, dahil kung ganito ang sukatan, makabubuting parangalan ang nasabing guro bilang bantog na masokista at banal. Dapat maging madali gaya ng agos ng tubig ang pagtuturo nang hindi minemenos ang mga paksa o nilalaman ng pag-aaral. Upang magawa ito, kinakailangan ang inter-aktibong pagtutulungan ng mga guro mula sa iba’t ibang paaralan kahit kulang sa pag-aatas ang ating butihing Kalihim sa DepEd at kulang sa ayudang legal at pinansiyal ang representante ng mga guro sa konggreso na mula sa ACT Partylist. Ang ipinapanukala kong bayanihan sa panig ng KASUGUFIL ay magsisimula sa pagbabantay ng sariling hanay, pag-aalaga ng lakas-tao at pondo, pagbabahaginan ng mga saliksik, tuklas, kasangkapan, o network, at aktibong pakikilahok kahit sa pamamagitan ng kani-kaniyang klase sa mga gawaing makaaapekto sa kabuhayan ng guro at sa hinaharap ng Filipino bilang wika.
Labis na mapangarapin ang ganitong mga mungkahi. Ngunit naniniwala ako, na kung kikilos ang bawat guro, at makikilahok sa gaya ng mga proyekto ng KASUGUFIL, ang wikang Filipino ay hindi na muling mailulugar sa abang kalagayan, at sa halip, ay mailuluklok sa karapat-dapat nitong pedestal.
Isang karangalan ang magsalita sa hanay ng mga guro. Magandang araw sa inyo, at mabuhay kayo sampu ng inyong mga mag-aaral.
Sir, your concern on the orthographies of regional languages is indeed valid. But I want to clarify Ilocano’s case. Oo, ang Pangasinan, Bikol, at Maranaw pa lamang ang may masasabing opisyal na ortograpiya, ngunit ang kaso ng Ilocano ay iba. Kung susuriin ang kasaysayan ng wika, mayroon ng malaganap at tinatanggap na ortograpiya sa panig ng mga manunulat sa Ilocano at ng mga gumagamit nito sa pagsulat. Ito ay hindi iyong c/q ortograpiya na base sa Espanyol. Ito ay modernong ortograpiya na binase sa ortograpiya, at lalo pang pinalago kaalinsabay ng paglago ng ortograpiyang Filipino ng dinagdag ang mga letrang gaya ng f, c, at x.
Ang ortograpiyang Ilocanong sinasabi ko, na bagaman de facto, ay maaari ng gamitin sa pagsulat ng mga lecture plan at iba pang mga sulating akademiko. Sa tingin ko, ang pagsalang sa ortograpiyang Ilocano sa mga eksperto ay pormalidad na lamang kung tutuusin.
Sana ay huwag ninyong sabihing lahat ng wikang rehiyunal ay wala pang maunlad na ortograpiya. Ang wikang Ilocano at Cebuano ay kaiba sa ibang wikang rehiyunal dahil kailanman ay hindi naglaho ang pagsulat sa mga wikang ito kahit pa binalewala ang mga wikang rehiyunal sa klasrum.
LikeLike
Kahit ang mga wikang Ilokano at Sebwano ay nangangailangang puliduhin ang mga panuto sa kani-kaniyang ortograpiya. Obserbasyon ko lamang ito, at kung totoo man na kakaiba ang kaso ng Ilokano at Sebwano sa iba pang wikang panrehiyon, mababatid lamang ito kapag ipinatupad na ang bagong kurikulum sa buong kapuluan.
LikeLike
Obserbasyon ko sa Ilocano ay halos general application na ang mga rules ng spelling, ang hindi lang malinaw sa ngayon, sa aking palagay, ay ang spelling ng mga salitang mayroon nang nakasanayang spelling na hindi sumusunod sa regular rules. For example, ang salita para sa tubig ay nakasanayan ng i-spell na danum, pero kung susundin ang regular rule ay danom. Yan po ang obserbasyon ko bilang nagsusulat ako sa Ilocano.
At ang dahilan na may mga kailangang puliduhin ay hindi dapat hadlang sa paggamit ng mga wikang ito. Kung hindi po gagamitin, mas lalong hindi mapupulido ang mga ortograpiya. Maging ang wikang Filipino ay nangangailangan ng pagpupulido ng ortograpiya.
LikeLike