Engkuwentro, ni Alex Skovron

salin ng tulang tuluyan ni Alex Skovron.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang panahong iyon, ani Turgenev, na ang pagsisisi ay gaya ng pag-asa, at ang pag-asa ay gaya ng pagsisisi, at pumanaw ang kabataan bagaman hindi pa sumasapit sa pagkatigulang. At mailap sa atin ang mga pakahulugan, nakadapo sa likod ng ilusyon ng salamin, at kumakawala ang mga katwiran, at ang mukha ay naghuhunos na katwiran, at ang katwiran ay basta makapangatwiran. Higit sa paliwanag ang ilang bagay, na ang sinisikap nating mahalukay ang siya nating ibig kalimutan, at kalimutan ang pinaghihirapan nating tandaan. Pagsapit sa mga lalawigan, anung gaan ang pag-akyat sa talampas sa lilim ng makukutim na ulap, anung gandang salungatin ang nilimbag na bangin ng maingay na kapatagan. Ngunit ang lungsod ng gunita ay nakatimo sa likod ng hulagway ng langit—tulad ng dambuhalang sasakyang biglang iniladlad pababa, padausdos sa kahanga-hangang kisame sa likod ng bakood, na ang gilid na ilalim ay tampok ang nakapangangalisag na hubog at sirkito—upang uyamin tayo sa walang hanggang ringal, o tawagin tayo sa paglalakbay na walang balikan. Ngunit kapag tayong nakinig ay hindi banyaga ang musika; kilala nito tayo hanggang kaloob-looban. Magpapaikot-ikot tayo, magsisisi at mag-aasam, makikibaka upang upang tuklasin ang solidong bahagi sa pagitan ng ilog at batuhan. Kapag muli tayong tumingala, maglalaho ang monolito. Kakalmutin natin ang himpapawid para humanap ng dahilan at magpapalit-palit ng kahulugan. Sasambahin natin ito, at tatawaging Maykapal. O pipiliing pumagitna, gaya ng winika ni Montale, sa pag-unawa ng wala at labis; ang lalawigan ng makata o nating lahat.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883. Dominyo ng publiko.

Payo ni Dusum Khyenpa, ang Unang Karmapa

Hango mula sa Dharma para sa Pamayanan, ni Dusum Khyenpa.
Halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Sa lahat ng diskursong winika ng ganap na maláy na Buddha Shakyamuni, binabanggit lagi ang paraan ng paghutok ng isipan. Napakahalaga na gabayan at bantayan ang sariling isipan.

Sa simula’y importanteng pahupain ang ligalig na isip. Pagsapit sa kalagitnaan ay patatagin pa ang payapa. At sa wakas, mahalagang tandaan ang pansariling pagtuturo upang mapalawig lalo ang katatagan.

Mula sa karunungang nag-ugat sa pagkatuto’y dapat mabatid ang mga pagdurusa. Mula sa karunungang nagmula sa pagbabalik-tanaw ay dapat supilin ang mga pagdurusa. Mula sa karunungang sumibol sa pagbubulay, kailangang bunutin sa pinakaugat ang iyong mga pagdurusa.

Napakahalaga, mula ngayon, na pagpagin natin sa ating mga balabal ang niyebe.

Totem, ukit ni Ernesto Dul-ang.

Totem, ukit ni Ernesto Dul-ang. Kuha ni Bobby Añonuevo, 2012.

Katangahan

Mauunawaan mo ang hindi mauunawaan ng nakatataas sa iyo. Maaaring ang butil ng diwa mo ay makapapawi ng konsumisyon o komisyon sa korupsiyon, ngunit dahil ang pinuno mo ay sabik sa kapangyarihan at sabik sa kayamanan, ang lahat ng naiisip mo ay tatabunan niya ng mga palusot. Ang palusot na ito ay maaaring pagpapairal ng aniya’y dating kalakaran, kahit ang kalakaran na binabanggit ay walang matibay na batayan sa batas man o katotohanan. Kaya iwawaksi mo ang kaniyang pamamahala, at ipupukol sa kaniya ang karapat-dapat matamo ng isang Konsumisyoner.

Libingan ng mga Diwain.

Libingan ng mga Diwain. Camp John Hay, Lungsod Baguio. Kuha ni Bobby Añonuevo, 2012.